Balita
Pusakal na alkalde sa Isabela, pinarusahan
Pinarusahan nitong Abril 22 ng isang tim ng mga Pulang mandirigma ang pusakal na meyor ng Jones, Isabela na si Jesus Sebastian Sr. Papasok siya sa kanyang upisina sa munisipyo ng Jones nang siya'y parusahan. Walang nagawa ang kanyang mga pulis na badigard dahil agad silang pinaputukan at nadisarmahan ng BHB.
Ayon sa pahayag ni Ka Delio Baladon, tagapagsalita ng Benito Tesorio Front (BTF) ng BHB-Isabela, si Sebastian ay ginawaran ng parusa dahil sa kanyang masugid na pagtataguyod sa mga operasyong militar ng AFP (partikular ng 5th ID), paglabag sa mga karapatang-tao, korapsyon at pang-aagaw sa lupa ng mga magsasaka. Kabilang sa kanyang mga kaso ang pang-aagaw ng lupang taniman ng kape para sa Nestle, pagpayag sa field testing ng Bt corn sa Barangay Diarao, Jones, rekrutment ng CAFGU at pangungurakot sa kabang-bayan. Protektor din siya ng notoryus na Liberty Logging Corporation na pinarusahan na ng NPA noong Setyembre 2000 dahil sa mapanirang pagtotroso sa Jones.
15 patay sa mga ambus sa Davao at Samar
Labintatlong sundalo at dalawang pulis ang napatay at apat pa ang nasugatan sa apat na magkakahiwalay na ambus na inilunsad ng BHB sa Davao at Samar.
Di kukulangin sa 10 sundalo ang napatay nang tambangan ng mga gerilya ng BHB ang sumasalakay na mga tropa ng 60th IB sa magubat at bulubunduking bahagi ng Boston, Davao Oriental nitong Abril 4.
Dalawang pulis naman ang napatay at isa pa ang sugatan nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma noong ikalawang linggo ng Abril sa Kiblawan, Davao del Sur.
Samantala, sa Western Samar, dalawang sundalo ang napatay at isang elemento ng CAFGU ang nasugatan nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ang isang pito-kataong tim ng 52nd IB sa Barangay Madalunot, Pinabacdao nitong Abril 2.
Bago ito, isang sundalo ang napatay at dalawa pa ang nasugatan nang ambusin ng BHB ang isang platun ng 72nd IB sa Talaingod, Davao del Norte nitong Abril 1.
Mga aksyong pamamarusa, isinagawa
Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma sa Cebu ang Rough Rider Bus Company noong Marso 31 dahil sa pagmamatigas nito sa pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis. Ang pamamarusa ay isinagawa sa pamamagitan ng magkahiwalay na pagsunog sa dalawang pampasaherong bus ng Rough Rider sa Sityo Kampatok, Barangay Dalid, Tuburan at sa Barangay Kinawahan, San Remigio. Pinarusahan din ang Rough Rider dahil sa di nito pagtulong sa nakaraan sa mga biktima ng aksidenteng kinasangkutan ng kumpanya.
Samantala, patuloy ang pagsasakatuparan ng BHB ng rebolusyonaryong katarungan laban sa mga may mabibigat na kasalanan sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Pinarusahan noong Abril 3 si SPO4 Brandon Garcia, deputy police chief ng Majayjay, Laguna limang araw makaraang parusahan din si SPO2 Ernesto Garcia, isa ring pulis sa naturang bayan. Noong Marso 31, si PO3 Ernesto Barrete, kagawad ng PNP provincial office ay ginawaran ng parusa sa Compostela Valley. Pinarusahan naman noong Marso 30 si Nicodemus Magallano, dating elemento ng CAFGU, sa Barangay Trinidad, Guihulngan, Negros Oriental. Bago ito, ginawaran ng parusa noong Marso 29 si Emmanuel Quizon, isang notoryus na elemento ng Civilian Armed Auxiliary Company sa ilalim ng 42nd IB, sa Pasacao, Quezon.
Pagpaslang sa upisyal ng Karapatan, kinundena
Kinundena ng Alliance for the Advancement of People's Rights (Karapatan) at ng Reporters Without Borders, isang pandaigdigang organisasyon na nagtataguyod ng karapatan sa pamamahayag, ang pagpatay ng mga tropa ng 12th Special Forces kay Benjaline Hernandez, 22, at sa tatlo pa niyang kasamahan. Si Hernandez ay pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan sa Timog Mindanao at dating manunulat para sa Ateneo de Davao University. Siya at ang mga kasamahan niyang sina Crisanto Amora, Vivian Andrade at Labaon Sinunday ay mga sibilyang pinatay ng mga sundalo sa Sityo Bukatol, Barangay Kinawayan, Arakan, North Cotabato nitong Abril 5. Hinuli muna ng mga sundalo ang apat bago malapitang binaril.
DHUD, tinutulan ng mga empleyado ng NHA
Mahigit 3,000 empleyado ng National Housing Authority mula sa Metro Manila, Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Baguio, Davao at Tacloban ang nagprotesta noong Marso 21 laban sa pagbubuo ng "super-agency" na Department of Housing and Urban Development (DHUD). Anang mga manggagawa, hindi nito malulutas ang suliranin ng may 25.2 milyong Pilipinong walang tirahan. Bagkus, magiging palabigasan na naman ito ng mga mangungurakot sa gubyerno.
Pagpapasara sa Bombo Radyo sa Isabela, kinundena
Kinundena ng mga progresibong pwersa, taong simbahan at iba pang sektor ang pwersahang pagpapasara ni Mayor Ceasar Dy ng Cauayan, Isabela sa Bombo Radyo-Cauayan. Ang Bombo Radyo ay kilala sa paglalantad ng mga anomalya at karahasang kinasasangkutan ng pamilya Dy. Ginamit ni Dy ang mga armadong kalalakihan upang pasukin at putulin ang mga kuneksyon ng Bombo Radyo Cauayan noong Pebrero 12. Inakusahan ni Dy na walang lisensyang mag-opereyt ang Bombo Radyo sa kabila ng 33 taon na nitong pamamahayag sa himpapawid.
Kudeta sa Venezuela, bigo
Nabigo ang kudeta sa Venezuela na pansamantalang nagpatalsik sa presidente nitong si Hugo Chavez nitong Abril 12 pagkatapos ng tatlong araw na welgang suportado ng malaking negosyo na nauwi sa madudugong rayot. Nagtayo ang mga putsista ng civilian-military junta bilang pansamantalang gubyerno. Nakabalik sa pwesto si Chavez matapos ang mga demonstrasyong sumiklab kontra sa kudeta noong Abril 13.
Ang bigong kudeta ay iniudyok ng US upang patalsikin si Chavez matapos siya tumangging ibenta sa Chevron, isang dambuhalang kumpanyang US, ang PVDSA, pinakamalaking kumpanya ng langis sa Venezuela na hawak ng gubyerno. Labag din sa kagustuhan ng US, patuloy na nakikipag-ugnayan si Chavez kay Fidel Castro at nagsusuplay ng murang langis sa Cuba. Nakikipag-ugnayan din si Chavez kay Moammar Qaddafi ng Libya, Saddam Hussein ng Iraq at sa FARC, ang rebolusyonaryong grupo sa Colombia. Ang Venezuela ang ikatlong pinakamalaking suplayer ng langis sa US.
Malawakang welga inilunsad sa Italy
Umabot sa 13 milyong manggagawa o mahigit kalahati ng pwersa sa paggawa ng Italy ang naglunsad ng malawakang welga nitong Abril 16. Tinuligsa ng mga manggagawa ang balak ng gubyernong Berlusconi na baguhin ang batas sa paggawa upang gawing mas madali ang pagsisisante sa mga manggagawa.
Ang walong oras na welga na inorganisa ng tatlong pinakamalalaking unyon sa Italy ay sumaklaw sa 75-90% ng mga pabrika at kalakhan ng mga tindahan, paliparan, transportasyon, eskwelahan, midya at iba pa. Dalawang milyong mamamayan din ang naglunsad ng mga martsa at rali sa iba't ibang lugar sa Italy. Bago ito, dalawang milyong manggagawa ang nagrali sa Rome noong Marso 23.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|