Dumarami ang kaaway ng rehimeng US-Arroyo
Ang dokumentong "Knowing The Enemy" (o "Pagkilala sa Kaaway") na aktibong pinalalaganap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lahat ng yunit ng militar ay bahagi ng kampanya ng panunupil sa mga organisasyong nagtataguyod sa interes ng mamamayan.
Katulad ni Marcos noon, ginagamit ngayon ng rehimeng US-Arroyo ang taktika ng "red-baiting" o pag-akusa sa mga organisasyon na umano'y prente o katuwang ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang bigyang-katwiran ang paggamit ng karahasan laban sa mga ito, alinsunod sa doktrina ng "digma laban sa terorismo". Bahagi ito ng engrandeng plano ni Gloria Arroyo at ng imperyalismong US na ipataw ang batas militar sa buong bansa. Nakatutok dito ngayon si Angelo Reyes, pangunahing tulay ng CIA sa reaksyunaryong rehimen at ang mga espesyal na pwersa ng AFP.
Partikular na target ng "Knowing the Enemy" ang mga organisasyong aktibong naglalantad at lumalaban sa korapsyon, pagkatuta at panunupil ng rehimeng Arroyo. Ayon sa dokumento, kinokontrol diumano ng PKP ang Bayan, Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Courage, Gabriela, Anakbayan, National Union of Journalists of the Philippines at iba pa.
Sa harap ng malawak na pagbatikos dito, kaliwa't kanang palusot ang ginawa ng matataas na upisyal ng AFP. Nagharap ito ng dinuktor na bersyon sa midya noong Abril 8. May mga organisasyong hindi na pinangalanan at sa halip na sabihing "kinokontrol" ng PKP ang mga progresibong organisasyon, "iniimpluwensyahan" lamang daw ang mga ito ng Partido. Gayunpaman, hindi mapagtatakpan ng lahat ng buladas ng matataas na upisyal ng rehimen at ng AFP ang patuloy na pagturing ng buong AFP sa naturang mga organisasyon bilang "kaaway ng estado".
Katunayan, hindi nag-aatubili ang mga lokal na upisyal ng AFP sa antas rehiyon at prubinsya sa kanilang kampanya laban sa mga myembro ng naturang mga organisasyon. Sa Negros, nagsabit ang militar ng mga istrimer kung saan pilit na iniuugnay ang pangalan ng mga organisasyong masa sa PKP at sa BHB. Sa Eastern Visayas ngayon, kung saan pinakamasinsin ang pinakahuling mga kaso ng pagpatay, pinalalaganap ng AFP ang mga islogang nagsasabing kaanib ng BHB ang mga myembro ng Bayan Muna.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|