Denasyunalisasyon, pribatisasyon at pandarambong sa ngalan ng "rekonstruksyon"
Matapos durugin at tiyaking wasak ang mga batayang imprastruktura ng Iraq sa tatlong linggong pambobomba, sisimulan ngayon ng US ang diumano'y rekonstruksyon at pagsasaayos ng Iraq.
Kunwa'y nagmamagandang-loob ang US at ang mga kumpanya nito sa pagbubuhos ng bilyun-bilyong dolyar sa Iraq upang "ibangon ang lipunang Iraqi". Ang totoo'y ipapasa ng mga kumpanyang ito ang gastusin sa "rekonstruksyon" sa mamamayan at gubyernong Iraqi. Umaabot lamang sa $7.5 bilyong dolyar ang ilalaan ng rehimeng Bush bilang "war reparations" o bayad-pinsala. Kalakhan nito ay mapupunta sa mga kumpanyang Amerikanong binigyan ng mga kontrata. Sa unang mga tantya pa lamang ay aabot na sa puu-puong bilyon dolyar ang aabuting halaga upang muling mabuhay ang mga syudad ng Iraq. Katunayan, bago pa man matapos ang agresyon, sinamsam na ng gubyernong Bush ang mahigit $1.74 bilyong impok ng gubyernong Iraqi na nakadeposito sa mga bangko sa US.
![](../../angbayan/images/030421/3bwitre.gif) | Bahagi ng "rekonstruksyon" ang muling pagsasaayos ng mga kalsada, daungan, paliparan, paaralan, ospital, planta ng kuryente, suplay ng tubig at iba pang pampublikong pasilidad at imprastrukturang winasak ng mga tropang mananakop.
Pebrero pa lamang, di pa man nagsisimulang magpaulan ng mga bomba sa Baghdad, "namahagi" na ang US ng mga kontrata para sa "rekonstruksyon" ng lahat ng mga nakaprogramang wawasaking kalsada, daungan, paliparan at iba pang pampublikong imprastruktura sa Iraq. Walang plano ang US na ipaubaya sa United Nations ang "rekonstruksyon" ng Iraq, katulad ng ipinanawagan ng halos lahat ng mga bansang tumutol noon sa agresyon at maging ng United Kingdom. Ito'y dahil mawawala sa US ang kontrol at sa gayon hindi nito mamamaksimisa para sa mga monopolyo kapitalistang US ang mga dambong mula sa gera at pananakop. Ayaw din ng US na bumalik sa Iraq ang UN Arms Inspection Team dahil magiging tampok na isyu na naman ang napabulaang usapin tungkol sa umano'y pagkakaroon ng Iraq ng weapons of mass destruction.
Sa halip na idaan sa UN, balak ng US na sa kalaunan ay ipaubaya sa World Bank at International Monetary Fund ang pangangasiwa sa "rekonstruksyon" ng Iraq.
Sa ngayon, ginagamit ng US ang USAID para palamutian ang pasok ng mga buwitreng monopolyong korporasyong US at manipulahin ang "pamamahagi" ng mga kontrata sa mga gustong paboran ng White House at Defense Policy Board.
Nag-uunahan ang mga bwitreng kumpanyang US para sa matatabang kontrata para sa "rekonstruksyon". Di malayo sa gawi ng mga bukrukrata kapitalista dito, korapsyon, nepotismo at iba pang kabulukan ang naging mapagpasya sa "pamamamahagi" ng mga kontrata at pinagpipistahan ng mga monopolyo kapitalista. Pinakyaw na ang lahat ng mga kontrata ng limang kumpanya sa US na kilala sa pagiging malapit sa pamilyang Bush at sa mga administrasyon kapwa ng nakatatanda at nakababatang Bush.
Tatagal lamang ng isa hanggang apat na taon ang mga unang naibigay na kontrata. Ngunit mas matagal pa rito ang mga plano ng US sa Iraq.
Pebrero pa lamang, di pa man nagsisimulang magpaulan ng mga bomba sa Baghdad, "namahagi" na ang US ng mga kontrata para sa "rekonstruksyon" ng lahat ng mga nakaprogramang wawasaking kalsada, daungan, paliparan at iba pang pampublikong imprastruktura sa Iraq. | Sa aktwal, ang "rekonstruksyon" ay simula lamang ng mas mahabang proseso ng pagpapaloob ng Iraq sa balangkas ng mapangwasak na "globalisasyon" at "malayang kalakalan". Sasaklawin ng prosesong ito ang lahat ng aspeto ng buhay at lipunang Iraqi.
Ang ekonomya ng Iraq na isinabansa ng dating gubyernong Ba'ath ay pinaglalawayan ngayon ng mga monopolyong kapitalistang US. Balak nila itong lubusang idenasyunalisa at isapribado para mahuthot ang likas na yaman ng bansa, buksan para mapaglagakan ng kanilang sobrang kapital, matambakan ng mga sobrang produkto, at mapanghimasukan sa iba't iba pang paraan para lubusang magsilbi sa kanilang interes.
Pangunahing itinutulak ng US ang denasyunalisasyon at pribatisasyon ng pagmimina at pagpoproseso ng langis ng Iraq. Upang iwasan ang tiyak na matinding pagtutol dito, ipinauubaya ng US sa pangunahing tuta nitong si Fadhil Chalabi ang proseso ng denasyunalisasyon at pribatisasyon ng industriya ng langis ng Iraq. Si Chalabi ay dating petroleum minister ng Iraq at kasalukuyang pinuno ng maka-imperyalistang institusyong nakabase sa UK. Malaon ding siyang naging konsultant ng US State Department para sa pribatisasyon ng industriya ng langis ng Iraq. Nakatakda nang ipamamahagi ni Chalabi sa ExxonMobil at Shell ang unang mga kontrata para sa pagmimina ng langis ng Iraq. Ngayon pa lamang, itinatambol na niyang ang pangangailangan sa malaking dayuhang pondo para sa "rekonstruksyon" ng Iraq ay umano'y masasagot lamang kung ibebenta sa mga dayuhan ang mga oil field (minahan ng langis) ng Iraq.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|