Balita
Di bayad na "cash advances" ni Arroyo, tinuligsa
TINULIGSA ni Rep. Crispin Beltran ng Anakpawis ang iskandalosong laki ng mga "cash advance" ni Gloria Macapagal-Arroyo na hindi pa naipapaliwanag hanggang ngayon kung saan at paano nagastos. Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang Office of the President ay mayroong P626 milyong unliquidated cash advances mula 2001 hanggang 2003. Lampas ito sa rekord ng alinmang pangulo ng bansa mula kay Ferdinand Marcos hanggang kay Joseph Estrada at di hamak na mas malaki kaysa sa pinagsama-samang unliquidated cash advances ng lahat ng dating presidente mula 1965.
Ayon sa ulat ng COA, ang kabuuang unliquidated cash advances ng mga dating presidente ay umaabot lamang sa P159 milyon: Marcos, P41 milyon; Corazon Aquino, P11 milyon; Fidel Ramos, P55 milyon; at Joseph Estrada, P50 milyon.
Mga upisyal ng Davao City, tutol sa panibagong Balikatan
Kolektibong nagpahayag ng kanilang pagtutol sa panibagong Balikatan ang 133 sa 180 kapitan ng barangay sa tatlong distrito ng Davao City noong Setyembre 22. Inihapag nila ang kanilang manipesto ng pagtutol sa Sangguniang Panlunsod.
Ang gayong kauna-unahang pagpapahayag ng mga lokal na upisyal laban sa Balikatan ay sinaksihan ni Ret. Capt. (PN) Danilo Vizmanos, convenor US Troops Out Now at Junk VFA.
Ayon sa mga lokal na upisyal, ang mga sundalong Amerikano ay maghahasik lamang ng gulo at mag-uudyok ng mga protesta at teroristang atake. Anila, walang silbi sa mamamayan ang pinagsanib na pagsasanay-militar ng US at Pilipinas.
Balak na ilunsad ang Balikatan sa mabundok na Marilog district ng Davao City sa susunod na taon. Lalahok dito ang 4,000 sundalong Amerikano at Pilipino at tatagal ito nang tatlo hanggang apat na linggo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|