Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Bigong pribatisasyon

 Read this article in English

Nitong Marso, hayagan at lubusan nang nabunyag ang puno't dulo ng pakikipagkasundo ng rehimeng Arroyo sa pamilyang Lopez para isalba ng mga kumpanya nila mula sa tuluy-tuloy na pagkakalugi at ibayong palakihin pa ang kita ng mga ito. Mula pa noong nakaraang taon, makailang beses nang "sinaklolohan" ng rehimen ang sari-saring kumpanya ng mga Lopez na nakapailalim sa mga punong kumpanya nilang First Philippine Holdings Corporation at Benpres Holdings. Kabilang sa mga ito ang Bayantel, Meralco, First Philippine Infrastructure Development Corporation (FPIDC) at Maynilad Water Services, Inc.

Kagyat na nasa likod ng "pagsaklolo" ng gubyerno sa naluluging Maynilad ang walang kahihiyang pakikipagkasundo ng rehimen sa pamilyang Lopez kapalit ng suporta at pondo para sa kandidatura at inaasahang patuloy na paghahari ni Arroyo. Matingkad nitong inilalarawan ang sabwatan ng mga imperyalista, malalaking burgesya kumprador at malalaking burukrata kapitalista para protektahan ang sari-sarili nilang interes at higit pang pigain ang mamamayan.

Ang pagsalba ng gubyerno sa Maynilad ay nasa anyo ng tahasang pagbili ng gubyerno sa kumpanya sa pamamagitan ng pagpasok ng mga Lopez at ng gubyerno sa kasunduang "debt-to-equity swap" o pagtatransporma ng utang tungo sa puhunan. Ang Maynilad ang kumpanyang pag-aari ng mga Lopez at imperyalistang grupong Suez-Ondeo ng France na nakakuha ng konsesyon sa serbisyo sa tubig para sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan.

Sa ilalim ng kasunduang ito, hindi na babayaran ng Benpres, ang P8 bilyong utang nitong mga concessions fee. Sa halip, ang utang na ito ay papawiin, at bilang kapalit ay ililipat sa Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS), ahensya ng gubyerno na namamahala sa serbisyo sa tubig, ang 61% ng mga sapi sa Maynilad na hawak ng Benpres.

Sa gayon, makakalibre ang Benpres ng P3.4 bilyon dahil P4.6 bilyon lamang ang halaga ng ibinuhos nitong kapital sa Maynilad.

Bukod pa rito, hindi na ibabalik sa mga konsyumer ang P6.4 bilyon na iligal na siningil ng Maynilad at ibinulsa na ng mga Lopez at Suez-Ondeo noong nagdaang tatlong taon. Malilibre rin ang mga Lopez at Suez-Ondeo sa pagbabayad ng P11 bilyon utang ng Maynilad mula pa noong 1999.

Ang lahat ng ito'y sasaluhin na ng gubyerno. Itinatanggi ng Benpres at Suez-Ondeo na ginawa nilang palabigasan ang Maynilad habang pinangangasiwaan nila ito at dahil dito'y lunod na lunod sa pagkakautang ang kumpanya. Ngunit ayon na rin sa mga rekord ng kumpanya, umaabot sa P19.1 bilyon ang kabuuang utang ng Maynilad habang nasa P16.9 ang naitalang asset (kabuuang halaga ng pag-aari) nito noong Disyembre 2003. Mula 1997 hanggang 2001, umabot sa P800 milyon ang di maipaliwanag na gastos ng Benpres at Suez-Ondeo. Mula 1999 hanggang 2000, nagbayad ang Maynilad ng P1.2 bilyon para sa mga serbisyo ng mga konsultant at manedyer na itinalaga ng Benpres Holdings at Suez-Ondeo sa Maynilad. Ang mga kompyuter at iba pang kagamitan ng Maynilad ay kinontrata rin lahat mula sa mga kumpanyang pagmamay-ari rin ng grupong Suez.

Kahit buung-buo nang isasabalikat ng gubyerno ang pagsalba sa naluluging kumpanya, pangangasiwaan pa rin ito ng Benpres Holdings. Patuloy ding hahawakan ng Suez-Ondeo, ang dayuhang kasosyo ng mga Lopez, ang 19% ng mga sapi sa Maynilad. Pagtutulungan nilang limasin pa ang mga pondo ng Maynilad sa pamamagitan ng malalaking sinisingil ng Benpres at Suez-Ondeo para sa serbisyo ng mga konsultant at manedyer nilang nakatalaga sa Maynilad.

Ang mga utang ng Maynilad na sinalo ng gubyerno ay ipapapasan naman ng gubyerno sa mamamayan. Upang mabayaran ang mga ito, itataas ng gubyerno ang singil sa serbisyo sa tubig nang hanggang 32%. Dagdag ito sa 226% na itinaas na ng singil sa serbisyo simula nang hawakan ng Maynilad ang serbisyo sa tubig noong 1997. Samantala, umaabot na rin sa 350% ang itinaas ng singil sa parehong serbisyo ng Manila Water Company, kumpanyang pag-aari ng kumprador na pamilyang Ayala at ng imperyalistang grupong Betchel-International Water ng US, United Utilities ng UK Mitsubishi Corporation ng Japan, na humawak naman sa konsesyon sa tubig sa silangang bahagi ng Kamaynilaan. Ang ibayong pagmahal sa serbisyo sa tubig dulot ng pribatisasyon ay taliwas sa pangako ng mga imperyalista at ng papet na rehimen na ang pribatisasyon at deregulasyon ay magpapababa ng singil sa serbisyo sa tubig.

Sa harap ng lahat nito, walang mabuting idinulot ang pagsasapribado ng serbisyo sa tubig. Taliwas sa ipinagmamayabang ng Maynilad, aabot pa rin sa 43% ng buong Kamaynilaan ang walang tuluy-tuloy at episyenteng serbisyo sa tubig habang 1.5 milyong katao sa Kamaynilaan ang hindi man lamang naaabot ng kanilang serbisyo.

Noong isinapribado ng gubyerno ang MWSS noong 1997, tinagurian itong pinakamalaking modelo ng pribatisasyon ng pampublikong serbisyo.

Inilalantad ng mga pangyayari mula noon ang kapalpakan ng lahat ng ipinangangalandakang mga benepisyo ng patakarang pribatisasyon, denasyunalisasyon, deregulasyon at liberalisasyon. Ipinakikita nito kung paanong sa aktwal ang naghihikahos na ekonomya at sambayanang Pilipino ay pinipiga ng mga dayuhang kapitalista at lokal na mga kasabwat nila sa negosyo at sa reaksyunaryong gubyerno.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang papatinding pang-aapi sa mamamayang Moro

Mga Moro, naglunsad ng protesta
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tampok na paglabag sa karapatang-tao sa unang kwarto

32 sa mahigit 300 bilanggong pulitikal, palalayain
Atake sa mga progresibong partido, tumitindi
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus sa Camarines Sur

Mga Ulat Koresponsal:
Matatagumpay na opensiba inilunsad sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Paggamit ng mga sibilyang pananggalang, kinundena

Mga Ulat Koresponsal:
Paglaban sa RSOT sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Labanan sa Cagayan Valley

Mga Ulat Koresponsal:
BHB sa Mindanao: Lumalakas, lumalawak

Bigong pribatisasyon
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.