Ang susunod na apat na taon sa ilalim ni George W. Bush
Sa Enero 20, sisimulan ni George W. Bush ang bagong apat na taong termino bilang presidente ng imperyalismong US. Pilit pinalalabas ng kanyang pangkatin na ang pagwawagi niya sa eleksyon noong Nobyembre ay nagpapakita ng suporta ng mamamayang Amerikano sa konserbatismo, militarismo at unilateralismo ng kanyang rehimen. Itinuturing niya itong puhunan at tuntungan para ipagpatuloy ang kanyang patakaran ng interbensyon at agresyong militar sa pangkalahatan at ng walang katwirang gera sa Iraq sa partikular.
Subalit ang napakaliit (3%) na naging lamang ni Bush sa pangunahin niyang kalaban sa eleksyon ay tanda ng kabiguan niyang makakuha ng mapagpasyang suporta para sa mga patakaran ng kanyang administrasyon. Nakakuha ng 51% ng mga boto si Bush habang 48% ang napunta kay John Kerry. Mahigit 55 milyong Amerikano ang hindi niya naloko at napaluhod sa kabila ng kanyang walang patid na pang-uupat ng isteryang "anti-terorista" at ng kanyang kontrol sa makinarya, pondo at iba pang rekurso ng gubyerno sa nakaraang apat na taon.
Sa isang banda, mas buo ang loob ngayon ng rehimeng Bush na ituloy ang pananakop sa Iraq at gipitin o salakayin ang iba pang bansang itinuturing nitong banta. Nangunguna sa listahan ng mga bansang ito ang Iran, Syria, Cuba at North Korea.
Determinado rin itong parusahan ang lahat ng mga sumalungat noon sa gera ng US sa Iraq, kabilang ang mga pinuno ng ilang ahensya ng United Nations (UN) na nagpasubali sa lehitimong batayan ng gera sa Iraq. Nagsimula nang magmaniobra ang US para patalsikin sina Kofi Annan, pangkalahatang kalihim ng UN, at Mohamed el Baradei, pinuno ng International Atomic Energy Agency.
Sa kabilang banda, hindi magagawa ng gubyernong Bush ang mga hakbanging ito nang hindi aani ng batikos at pagtutol kapwa mula sa mamamayang Amerikano at sa mga apektadong bansa.
Una, hindi mapigil-pigil ang paglaki ng bilang ng mga Amerikanong sundalong napapatay at nasusugatan sa mga labanan sa Iraq. Bukod sa iba pang isyu kaugnay ng gera, ang dumaraming kaswalting Amerikano ang pinakamabilis na magpapalakas at magpapalaki sa kilusang anti-gera sa US. Hindi rin katanggap-tanggap para sa nakararaming Amerikano ang dambuhalang halagang ibinubuhos ni Bush sa gera habang nagtutulak naman ito ng mga reporma sa social security at pagbubuwis na magiging pabigat sa mamamayan.
Ikalawa, lalo ring dumarami ang napapatay na mamamayang Iraqi at nag-iibayo ang pahirap na hatid sa kanila ng dayuhang pananakop. Wala itong ibang kahahantungan kundi ang ibayo pang paglakas at pag-igting ng armadong paglaban ng mamamayang Iraqi at marami pang grupo sa Middle East na sumisimpatya sa kanila. Itutulak din nito ang paglawak at paglakas pa ng internasyunal na nagkakaisang prente laban sa gera sa Iraq at sa militaristang patakaran ng US sa pangkalahatan. Ibayo ngayong nahihiwalay ang US sa internasyunal na komunidad.
Ikatlo, lalong ginagalit ng unilateral na mga aksyon ng US ang iba pang imperyalistang kapangyarihang nasasagasaan nito. Ang banggaan sa pagitan ng US at Britain sa isang banda at ng France, Germany, Russia at China sa kabila, na tumampok noong simula ng gera ay malamang na umigting pa sa harap ng pagmamatigas ng rehimeng Bush sa mga aksyon nito.
Sa kahuli-hulihan, mapupwersa ang rehimeng Bush na mamili sa dalawa: (1) ang hinahabol na pakinabang mula sa mga inilulunsad na agresyon at interbensyong militar o (2) ang lahatang-panig na pinsalang ihahatid ng lumalawak na pagtutol sa gera kapwa sa US at sa buong mundo.
Kapag patuloy pa ring magmatigas si Bush sa pagkakataong iyon, walang mapapalang pakinabang ang kanyang rehimen mula sa "puhunang" ipinagyayabang niya ngayon. Bagkus, lalo lamang itong mahihiwalay kapwa sa mamamayang Amerikano at sa mamamayan ng buong daigdig.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|