Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac

 Read this article in English

Sumiklab noong Pebrero 2003 ang apoy ng pangkalahatang welga ng mga manggagawa at mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac (CAT). Mabilis itong kumalat sa kanilang mga komunidad hanggang sa nakamit ang tagumpay.

Ang Hacienda Luisita at CAT ay pag-aari ng pamilya nina dating Pres. Corazon Aquino at dating Rep. Jose Cojuangco Jr., na ngayon ay isa sa mga tagapayo ni Arroyo. Ito ang ikalawang pinakamalaking pagawaaan ng asukal sa bansa at siyang nagsusuplay sa halos buong Luzon. Dito rin nirerepina ang 70% ng asukal na inaangkat ng bansa.

Mahigit isang taon nang naghahapag ng mga hinaing ang mga manggagawa sa maneydsment ng CAT laban sa kontraktwalisasyon at pagkakait ng mga benepisyong medikal na nakasaad sa kanilang CBA (collective bargaining agreement) at dati na nilang tinatanggap. Dahil sa pagmamaniobra ng maneydsment at sa dilawang gawi ng pamunuan ng unyon, tumagal nang tumagal nang walang pinatutunguhan ang mga hinaing na ito. Hanggang noong Disyembre 2002, lalong kumulo ang sitwasyon at hindi na makapaghintay ang mga manggagawa. Nagpasya ang mga manggagawa na ituloy ang kanilang paglaban nang magtatapos na ang kabyawan (pagtatabas ng tubo). Ang pagpaparalisa ng operasyon ng gilingan noon ay nagbantang sumira sa relasyon ni Cojuangco sa ibang mga panginoong maylupa sa lugar na nagsusuplay ng tubo sa CAT.

Kinabig ng mga manggagawa ang urong-sulong ngunit matitino pang upisyal ng unyon at inihiwalay ang mga dilawan para maisulong na nang buong determinasyon ang laban ng mga manggagawa.

Enero 2003 na nang magsimula ang puspusang pagkilos ng mga manggagawa sa empresa. Mula Enero hanggang maagang bahagi ng Pebrero, naglunsad ang mga manggagawa ng serye ng samasamang pagkilos upang igiit ang kanilang mga hinaing. Kasabay nito, itinakwil ng mga manggagawa ang korapsyon at ekonomismo ng mga dilawang lider ng unyon at hinawan ang daan para sa pagpapatalsik sa mga ito.

Iginiit ng maneydsment na iligal ang mga pagkilos ng mga manggagawa. Tinangka nitong ipako ang unyon sa napakahaba at walang katapusang negosasyon na pinanghimasukan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Hindi nalinlang ang mga manggagawa at sa halip ay nagdeklara sila ng welga. Agad na nagpalabas ng kautusang Assumption of Jurisdiction (AJ)¹ ang DOLE upang pigilin ang welga. Sa kabila nito at ng lantarang panunuhol at panggigipit ng maneydsment, militanteng itinayo ng mga manggagawa ang piketlayn noong gabi ng Byernes, Pebrero 21, upang iwasang agad na maudlot ng kautusang AJ ang welga.²

Kinabukasan, tigil na ang operasyon ng azucarera at nakapalibot na sa empresa ang 1,000 manggagawa at kanilang mga tagasuporta. Tumugon ang malalapit na komunidad ng mga manggagawang bukid sa panawagang itigil ang trabaho at lumahok sa welga. Bago pa ang welga, nagdaos ang mga manggagawa ng rali na dinaluhan ng mahigit 500 sumusuporta sa welga, kabilang ang mga tricycle driver, ibang manggagawa sa loob ng asyenda, mga manggagawang bukid, mga estudyante at iba pang mamamayan. Humigit-kumulang 1,000 ang nadaragdag sa piketlayn bawat araw. Sa ikaapat na araw, umabot na sa 4,000 manggagawa at manggagawang bukid ang militanteng naninindigan sa piketlayn. Walang nagawa ang maneydsment kundi direktang makipagnegosasyon sa mga manggagawa labas sa proseso ng DOLE. Isanlibong manggagawa at manggagawang bukid ang humarap sa negosasyon.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpapaliwanag, nabaka sa kasapian ang talamak na ekonomismo at iba pang impluwensya ng dilawang unyonismong matagal na naging balakid sa kanilang pagsulong.

Sa loob ng tatlong araw na negosasyon, naigiit ng mga manggagawa ang lahat ng kanilang mga kahilingan. Napabalik nila ang kanilang mga benepisyong medikal at naibasura ang patakaran ng kontraktwalisasyon. Nabuksan din ang negosasyon para sa pagpapatupad ng mga wage order na tusong tinanggal sa huling CBA. Nakinabang dito ang mahigit 800 manggagawa ng CAT. Dagdag pa, naigiit ang mga kahilingan ng mga manggagawang bukid para sa pagtitiyak ng minimum na 80 araw ng pagtatrabaho sa bawat panahon ng kabyawan, libreng pagpapaospital at gamot at iba pang batayang pangangailangan. Naibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad na pinutulan ng CAT nang magdesisyon ang mga manggagawa na magwelga. Sumang-ayon din ang manedysment na tutulong sa pagpigil sa anumang pagtatangkang militarisasyon sa mga komunidad ng mga manggagawa at manggagawang bukid. Nabuksan maging ang isyu ng napipintong pagpapalitgamit ng lupa sa asyenda. Matagumpay na natapos ang welga sa loob ng isang linggo.

Mga tagumpay at aral

Naging susi sa tagumpay ng welga ang militanteng paninindigan ng mga manggagawa sa panahong pinahina na ng mga dilawang gawi ng mga oportunistang lider ang kanilang unyon. Nanaig ang mga manggagawa dahil tangan nila ang wastong pagsusuri, kapasyahang lumaban at mahusay na mga taktika na lubos na sinuportahan ng pangkalahatang kasapian at iba pang mamamayan.

Puspusang nalantad at nahiwalay sa proseso ng paglaban at welga ang korapsyon at pakikipagkutsaba sa maneydsment ng ilang pinuno ng unyon. Sa pamamagitan ng tuluytuloy na pagpapaliwanag, nabaka sa kasapian ang talamak na ekonomismo at iba pang impluwensya ng dilawang unyonismong matagal nang naging balakid sa kanilang pagsulong. Dahil dito, lalong tumimo ang tunay na unyonismo sa kasapian at nabuksan ang oportunidad upang ibayong maitaas ang kanilang makauring kamulatan.

Ang lawak at militansya ng kanilang napakilos na pwersa ay naging napakalaking tulong sa kanilang laban. Napatunayan ng mga manggagawa ng CAT na maaaring ilunsad ang independyenteng pakikipagnegosasyon sa maneydsment na hindi nalilimitahan ng mga burukratiko at kontra-manggagawang patakaran at proseso ng DOLE. Mahusay nilang nagamit at napakinabangan ang lakas at impluwensya ng kanilang unyon sa lokal na pulitika, ang magandang tyempo ng welga at mga partikular na sirkunstansyang pang-ekonomya at pampulitika ng asyenda at ng pamilyang Cojuangco. Sa gayon, naging mas mabilis at mas pleksible ang negosasyon.

Ang welgang nag-umpisa bilang welga sa CAT ay humantong sa welga ng buong asyenda. Pinalapad at pinasaklaw ito ng partisipasyon, magkatuwang na paghahapag ng mga kahilingan at pakikipagnegosasyon ng mga manggagawang bukid ng asyenda at kanilang mga komunidad.

Higit na napalapad at napatibay nito ang mga ugnay at alyansa sa iba pang sektor at pwersa sa loob at labas ng asyenda. Direktang lumahok sa mga pagkilos ang kasapian ng ibang militanteng unyon sa asyenda, mga organisasyong masa at panggitnang pwersa. Tumulong sa pagtatanggol sa mga nagwewelga ang mga kapitan ng barangay sa saklaw at kanugnog ng asyenda sa pamamagitan ng pagharang sa mga lumalapit na militar. Bumuhos ang suporta mula sa mga estudyante, mga gitnang pwersa at pati mga nakaalyadong lokal na pulitiko.

Hindi lamang ang paglaban ng isang unyon sa isang ganid na burges-kumprador ang ibinandila ng welga sa CAT at Hacienda Luisita, kundi ang laban ng uring manggagawa, katuwang ang uring magsasaka, sa malalaking panginoong maylupa-burgesyang kumprador at sa mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno.

_______________________

¹ Kadalasang ginagamit ang AJ o Assumption of Jurisdiction upang ideklarang iligal ang welga at pwersahin ang unyon na makipagnegosasyon kahit pa ang welga'y may lehitimong mga batayan at dumaan sa mga prosesong ligal. Dito'y inaangkin ng kalihim ng DOLE ang karapatang resolbahin ang mga isyu ng welga. Naglalabas ito ng kautusang balik-trabaho at ginagamit ang pulisya upang ipataw ito. [Back]

² Dahil Sabado at Linggo ang susunod na mga araw, walang upisyal na makapaghahapag ng AJ order sa mga manggagawa. [Back]

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hulyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Lumalaganap, dumadalas

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Walang pinsalang tinamo ang BHB sa engkwentro sa Pampanga at Zambales - Ka Roger

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac
Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.