Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Kontras". Wala nang mas babagay pang bansag sa mga oportunistang taksil.

Kontra sila sa Partido Komunista ng Pilipinas; sa Bagong Hukbong Bayan; at sa National Democratic Front.

Kontra sila sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong; at sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Kontra sila sa batayang interes ng masang magbubukid, manggagawa at mamamayang Pilipino.

Sa madaling salita, sila'y mga kontrarebolusyunaryo.

Kontra-mamamayan

Sa Kanlurang Mindanao, lubos na "pinaninindigan" ng mga oportunistang taksil ang bansag sa "Kontras".

Pormal na binuo sa rehiyon noong 1994 ang "People's Communist Party" o PCP sa pamumuno nina Frank Gonzales ("Takyo"), Archimedes Estaris ("Ike de los Reyes") at Timoteo Pupa ("Itod").

May armadong grupo ang PCP na gumagamit sa pangalan ng BHB. Nang humiwalay sa Partido ang pangkating Takyo-Ike-Itod, isang platun na may humigit-kumulang 25 Pulang mandirigma ang kanilang nalinlang at natangay. Sa dami ng mga elemento nitong nademoralisa, nagsisuko, nagsiuwian, napatay at inaresto ng militar mula noong 1994, wala nang lima ang nalalabi ngayon sa orihinal na platun. Sa kasalukuyan, kabilang sa mga bagong rekrut ng armadong grupo ay mga masamang elemento sa baryo tulad ng mga sanggano at magnanakaw ng kalabaw.

Gumagala ang bogus na hukbo sa tatlong magkakadugsong na bayan ng Kapatagan at Karumatan, Lanao del Norte at Tukuran, Zamboanga del Sur. Subalit mga pitong baryo lamang sa mga naturang bayan ang aktwal nitong nakikilusan.

Walang ginagawang solidong pag-oorganisa ang hukbo ng PCP. Nangingikil lamang ito ng "kontribusyon" mula sa masa sa erya at pwersahan din itong nangongolekta ng P50 "tong" bawat buwan mula sa mga kagawad ng barangay.

Bagamat sa kanayunan gumagala ang armadong grupo nito, ang liderato ng mga Kontras ay pawang nakabase sa syudad.

"Kabilang sa aktibong isinusulong ng mga Kontras ay ang bogus na programa sa repormang agraryo at reporestasyon ng gubyerno at ang agresibong pagpapalawak sa mga higanteng minahan, plantasyon, trosohan at mga proyektong real estate sa kanayunan."

Hindi ito kataka-taka. Mula't sapul, kahit noong hindi pa lantad ang kanilang pagtataksil sa Partido, sa kalunsuran na nagbababad sina Takyo, Ike at Itod, at bihira lamang kung pumasok sa kanayunan.

May mga ligal na institusyon at programang pinatatakbo ang mga Kontras sa mga syudad ng Iligan, Pagadian at Ozamiz at ilang bayan at baryo sa Kanlurang Mindanao. Kalakhan ng trabaho ng naturang mga grupo o opisina ay pagpapalitaw ng pondo, kadalasan sa pamamagitan ng mga project proposals na isinusumite sa mga dayuhang funding agencies at ahensya ng gubyerno. Ginagamit nilang mga target area sa proyekto ang mga sonang gerilya ng rebolusyunaryong kilusan, subalit walang anumang madamang benepisyo ang masa sa lugar. Ang nalilikom nilang pondo ay ipinantutustos ng mga Kontras sa kanilang armadong grupo at syempre pa, pansuporta sa maluhong pamumuhay ng kanilang liderato sa syudad.

Mayor din na bahagi ng gawain ng mga ligal na opisina ng Kontras ang pagtatatag ng mga kooperatiba. Pero kaiba sa mga itinatayong kooperatiba ng rebolusyunaryong kilusan na naglalayong palakasin ang organisadong lakas ng mamamayan at unti-unting pabagsakin ang kapangyarihan ng malalaking komersyante at usurero, ang mga kooperatibang itinatatag ng pangkating Takyo-Ike-Itod ay nakaugnay sa Cooperatives Development Authority ng reaksyunaryong gubyerno at bahagi ng disenyong kontrainsurhensya ng rehimen. Dito pangunahing pinadadaloy ang pinopondohang mga pro-imperyalista at kontra-mamamayang programa ng rehimeng US-Ramos. Kabilang sa aktibong isinusulong ng mga Kontras ay ang bogus na programa sa repormang agraryo at reporestasyon ng gubyerno at ang agresibong pagpapalawak sa mga higanteng minahan, plantasyon, trosohan at mga proyektong real estate sa kanayunan.

Halimbawa, sa kaso ng Toronto Ventures Inc. (TVI), isang minahan na may 100,000 ektaryang exploration area sa Zamboanga del Norte, kinukumbinsi ng mga NGO ng Kontras ang mga apektadong taumbaryo na tanggapin na lamang ang TVI dahil wala na silang magagawa hinggil dito. Sikapin na lamang daw na magkaroon ng safety nets o mga pamamaraan para maibsan ang mga problemang idinudulot ng minahan sa komunidad. Ito'y sa kabila ng malaking galit ng mamamayan sa TVI na binansagan nilang "Toronto Vultures" o buwitre dahil sa marahas na pangangamkam nito sa lupa ng mga lumad na Subano. Sa kabilang banda, ipinangangalandakan naman ng TVI sa midya ang kanilang "mahusay na koordinasyon" sa naturang mga NGO bilang patunay na isinasaalang-alang ng kumpanya ang kapakanan ng mamamayan.

Bangkaroteng Linya

Walang malinaw o matalas na linyang pampulitika ang mga Kontras. Sinasambit nila sa kanilang propaganda ang "tatlong batayang suliranin ng mamamayan � imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo". Subalit hindi nila gagap ang tunay na kahulugan nito, dahil ang kanilang estratehiya ay nakabatay sa bangkaroteng konsepto ng RAWA (red area-white area).

Ayon sa RAWA, ang kanayunan, o "pulang purok", ay lunsaran lamang ng armadong pakikibaka. Ang kalunsuran naman, o "puting purok", ay lunsaran lamang ng pampulitikang pakikibaka. Dito'y artipisyal na pinaghihiwalay ang pakikibakang armado at pampulitika. Ang totoo, ang armadong pakikibaka, na prinsipal na porma ng pakikibaka at inilulunsad, pangunahin, sa kanayunan, ay mahigpit na nakakawing sa rebolusyunaryong pulitika. At ang mga ligal at pampulitikang pakikibaka sa kalunsuran ay sumusuporta sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Subalit ayon sa pananaw ng mga Kontras, pantay lamang ang papel ng dalawa. Wala silang itinatakdang diin sa alinmang larangan ng pakikibaka dahil kailangan daw maging handa sa anumang biglang pagpihit sa kalagayang pampulitika. Sa esensya, insureksyunista ang kanilang linya.

"Anong mga gawain ng Kontras ang nakapagpapagalit at nakapagpapalayo sa kanila sa masa? Tulad ng hukbong reaksyunaryo ng gubyerno, naghahasik sila ng dahas at panlilinlang."

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nila itinuturing na mahalaga ang solidong pagoorganisa sa masang nauugnayan nila. Kung magtayo man sila ng mga organisasyon, ito'y sa paraang "pawalis". Wala silang pagsalig sa linyang makauri na nagbibigay-diin sa pagoorganisa sa mga maralita at mababangpanggitnang magbubukid. Sa halip, tanging mga multi-sektoral na organisasyon para sa "kapayapaan" at "kaunlaran" ang kanilang itinatatag. O kaya'y nagtatatag sila ng mga organisasyong mas nagbibigay-halaga sa mga pagkakaibang etniko o kultural sa pagitan ng mamamayang lumad, Moro o Kristiyano. Ayon sa tinatawag nilang "tri-peace, tri-people at tri-dev(elopment) approach", mas importanteng batayan ng pagkakaisa ang mga diumano'y "supraclass" na usapin kaysa sa uri.

Ang paglaganap ng insureksyunistang linya, ng kaugnay na konseptong RAWA at ng mga diumano'y "supraclass" na usapin sa maraming bahagi ng Mindanao ay ilan sa mga pangunahing pagkakamali na naging sanhi ng grabeng pagkitid ng baseng masa ng rebolusyunaryong kilusan sa isla. Tinukoy, itinakwil at itinuwid ng Partido ang mga pagkakamaling ito nang ilunsad nito ang kilusang pagwawasto noong 1992. Ito ang tanging nakapigil sa patuloy na paghina ng rebolusyunaryong kilusan.

Sadyang pinalalabo ng mga "Kontras" ang katotohanang ito. Gusto nilang papaniwalain ang masa na hanggang ngayon ay wala pang nararating na desisyon ang Partido hinggil sa mga naturang isyu, na hindi ito malalaking usapin at magkakasundo rin balang araw ang mga tagapagtaguyod ng magkasalungat na linya.

Hindi na tatablan ng ganitong panlalansi ang masang napaliwanagan na ng mga kasama hinggil sa kilusang pagwawasto. At lalong hindi mapaniniwala ng Kontras ang masang saksi sa langit-at-lupang pagkakaiba sa kilos ng huwad na hukbo at ng mga tunay na Pulang mandirigma.

Kontra sa Masa

Anong mga gawain ng Kontras ang nakapagpapagalit at nakapagpapalayo sa kanila sa masa?

Tulad ng hukbong reaksyunaryo ng gubyerno, naghahasik sila ng dahas at panlilinlang. Mula 1995 hanggang 1997, walong tao na ang kanilang walang awang pinatay sa mga baryong iniikutan nila:

  • Ang magasawang Junior at Marife Martesano ay nasawi noong Abril 10, 1995 sa San Isidro, Kapatagan, Lanao del Norte nang paulanan ng bala ang kanilang bahay. Isang bata rin ang nasugatan sa naturang pamamaril. Ninakawan ang mga Martesano ng isang relos at perang nagkakahalagang P5,000.00.

  • Si Boy Kapunti, 44, ay pinatay noong Abril 15, 1996 sa Pulang Yuta, Kapatagan. lSi Badong Alpeche, 58, ng Lantawan, Karumatan, Zamboanga del Sur, ay pinatay noong Agosto 1996.

  • Isang nagngangalang Ganda, 32, na taga-Ramain, Karumatan ang pinatay noong Setyembre 1996.

  • Si Crisanto Bitangcor, 28, taga-Lantawan, Karumatan ay pinatay noong Oktubre 23, 1996.

  • Si Patabio Bation, 40, baryo kapitan sa Campo-Islam, Karumatan, ay dinukot mula sa kanyang bahay, pinatay at ibinaon sa Tapukon, Karumatan noong huling bahagi ng 1996.

  • Si Jerry Samporna, 47, taga-Poblacion, Karumatan, ay pinatay noong Marso 1, 1997. Hindi pa kabilang sa listahang ito ang mga pinatay ng Kontras na hukbo sa ibang mga munisipalidad.

Batay sa propaganda ng Kontras, mga tulisan, magnanakaw at impormer ang kanilang mga pinatay. Ang totoo, lahat ng naturang biktima ay mga mamamayang nagbibigay ng iba't ibang antas ng suporta sa rebolusyunaryong kilusan.

Bukod sa paglilikida at pagharas sa mga pinaghihinalaan nilang ugnay ng BHB, may ilang ulit na ring tinangka ng Kontras na ambusin ang mga Pulang mandirigma. Ang unang pagkakataon ay naganap noong Oktubre 4, 1996 sa Tulatulahan, Kapatagan. Ang ikalawa'y noong Pebrero 13-14, 1997 sa San Isidro, Kapatagan. At ang ikatlo'y sa Mabuhay, Kapatagan. Sa bawat pagkakataon, nakaiwas ang BHB dahil sa maagap na impormasyong ipinaabot sa kanila ng masa.

Sa kabilang banda, walang inaani ang Kontras kundi ang galit at suklam ng masa. Nitong Abril 21, 1997, isang kamag-anak ng isa sa mga nilikida ng Kontras ang nagkusang maggiya sa mga tropa ng AFP at nagturo ng mga pinopostehang bahay ng mga Kontras.

Bunga nito, naglunsad ng reyd ang mga sundalo sa magkakanugnog na baryo ng Kalube, Kabungbungan at Pulang Yuta sa Kapatagan. Sa serye ng mga reyd, isang Kontra ang napatay, dalawa ang nasugatan at dalawa ang dinakip. Sinunog din ng mga sundalo ang isang bahay na tinuluyan ng Kontras. (Bago nito, may dalawang masa ring humingi ng pahintulot sa BHB na sumapi sa CAFGU para lamang makaganti sa Kontras. Hindi pumayag ang mga kasama).

Sino ang Magkasabwat?

Ayon sa mga Kontras, sinulsulan diumano ng BHB ang masang naggiya sa mga sundalo. Anila, patunay lamang ito na magkasabwat ang BHB at AFP laban sa Kontras.

Ang totoo, marami nang pagkakataong inoperasyon ng AFP ang isang erya nang dahil sa magaspang at padalus-dalos na kilos ng Kontras na walang ipinagkaiba sa kagaspangang ipinamalas dati ng maraming elemento ng BHB sa kasagsagan ng adbenturismong militar. Nariyang naglalakad ang Kontras sa araw, animo'y ipinagyayabang ang dala nilang matataas na kalibreng armas; sumasakay sa motorsiklo na kitang-kita ang sukbit na baril; nagpupunta sa sayawan at nagbibilad sa sarili. Ang lahat ng ito'y nagmimistulang lantad na paanyaya sa AFP na mag-operasyon sa baryo.

Patakaran Hinggil sa Kontras

Depensibo, sa pangkalahatan, ang postura ng Partido Komunista at Bagong Hukbong Bayan laban sa Kontras sa Kanlurang Mindanao. Patakaran ng Partido sa rehiyon na umiwas hangga't maaari sa anumang armadong kumprontasyon sa pagitan ng BHB at Kontras. Anito, hindi pa hinog ang pangkalahatang kalagayang pampulitika. Kailangan pang palawakin at palalimin ang baseng masa upang magkaroon ng sapat na kahandaan ang mamamayan at BHB na harapin ang anumang maganap na kontra-atake.

Ipinaliwanag ng Partido na hindi nito pinahintulutan ang pananambang noong Agosto 1996 sa isang tim ng mga renegadong taksil. Sa naturang ambus, nagkusang kumilos laban sa Kontras ang isang Pulang mandirigma na hindi na makatiis sa paglalapastangan ng Kontras sa masa. Ginawaran ng kaukulang aksyong pandisiplina ang naturang gerilya.

Nanawagan ang Partido para sa ibayong pagpapalaganap ng mga pag-aaral at propaganda hinggil sa kilusang pagwawasto upang mailantad ang tunay na katangian ng mga renegado, mahiwalay ang mga sagadsaring elemento at pukawin mula sa kanilang pagkakalinlang ang mga pangkaraniwang elemento sa hanay ng mga Kontras. Ang lahat ng ito, anang Partido, ay maipapatupad sa pamamagitan ng isang malapad at masiglang kilusang masa.

Sa usaping militar, ibayo ring ipinanawagan ng Partido ang lihim at pinong pagkilos ng BHB. Anito, hindi na dapat magpadala ang mga Pulang mandirigma sa mga armadong probokasyon ng mga Kontras. Subalit sa pagkakataong maharap ang BHB sa aktwal na pag-atake ng Kontras, karapatan nitong aktibong ipagtanggol ang sarili.

Sa kabilang banda, bagamat marami-rami na ring masa sa hangganan ng Lanao del Norte at Zamboanga del Sur ang nakababatid sa tunay na karakter ng mga Kontras, nakapanlilinlang pa rin ang mga ito, lalo na sa kalunsuran.

Nitong Abril, lumabas sa isang lokal at isang pambansang pahayagan ang nakagugulat na balita na pitong traydor ang diumano'y gagawaran ng BHB ng parusang kamatayan.

Sa naturang mga balita, na lumabas sa The Freeman Mindanao at Philippine Daily Inquirer, sadyang pinagsama ng midya ang mga pangalan nina Takyo, Ike at Itod at apat na kilabot na tulisang nag-oopereyt sa Tangub City, Misamis Occidental. Sila, diumano, ang balak parusahan ng BHB.

Ang apat na tulisan ay idineklarang target ng rebolusyunaryong kilusan matapos masusing pagaralan at timbang-timbangin ang mga ebidensya laban sa kanila sa isang hukumang bayan. Ipinahayag ito ng Front Monterosa, ang larangang gerilyang sumasaklaw sa Misamis Occidental, sa isang press release sa midya noong Marso 29.

Samantala, isang naunang pahayag na naglilinaw sa paninindigan ng rehiyon laban sa Kontras ang inilabas din ng Partido sa midya nitong Marso 10 sa pamamagitan ng Mangahas, ang rebolusyunaryong pahayagang masa sa Kanlurang Mindanao.

Kinundena sa naturang pahayag sina Takyo, Ike at Itod bilang mga kontra-rebolusyunaryong taksil, subalit nilinaw rin na sa ngayon ay propaganda at edukasyon ang paraan ng paglaban sa mga Kontras.

Ang mga kagimbal-gimbal, mapanlinlang at nakalilitong balitang inilabas sa mga pahayagan ay patunay na kailangan pa ng ibayong pagsisikap, lalo na sa kalunsuran, upang maipabatid sa publiko ang katotohanan.

Walang Ibang Patutunguhan

Samantala, laganap ang demoralisasyon sa hanay ng armadong grupo ng Kontras. Una, seryosong kinukwestyon ng marami sa kanila ang perspektiba ng kanilang grupo. Ano nga ba ang kahihinatnan ng isang grupong armado na walang gawaing pag-oorganisa at walang ibang ginawa kundi ang mangikil sa masa, maglikida at manakot ng taumbaryong sumusuporta sa BHB, mambulabog sa kilusan at manlinlang ng mamamayan?

Ikalawa, kinukwestyon din ng hukbo ng Kontras ang magarbo at maalwang pamumuhay ng kanilang liderato na nakabase sa syudad at manaka-naka lamang nilang nakikita. Padron ng pangkating Takyo-Ike-Itod ang paglagi sa kanayunan nang hindi hihigit sa dalawang araw para maglatag ng "situationer" hinggil sa diumano'y pag-unlad ng mga Kontras. Walang nakukuhang mga pag-aaral na teoretikal ang armadong grupo. At habang tumatagal, mas nahihirapan silang tanggapin ang di pakikiisa ng kanilang liderato sa hirap at panganib na kinakaharap nila sa kanayunan.

Maging ang mga personahe ng mga Kontras sa syudad ay bulok at pawang nagpalamon na sa naghaharing sistema. Sa ngayon ay nabubuhay sila sa pagnenegosyo habang patuloy nilang pinangangasiwaan ang mga ligal na proyekto ng Kontras at ipinatutupad ang mga programa ng reaksyunaryong gubyerno.

Ano ang kahihinatnan ng mga nagpapakilalang rebolusyunaryo ngunit nabubuhay nang walang rebolusyunaryong integridad? Tulad ng kinahinatnan ng ibang kontrarebolusyunaryo, sila ay pupulutin sa kangkungan ng kasaysayan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan
Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.