Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda

 Read this article in English

Ang larawan ng sektor ng pangisda sa Pilipinas ay larawan ng krisis: Bunga ng mga patakaran ng liberalisasyon at deregulasyon, pinag-iibayo ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, kasabwat ang lokal na kumprador burgesya at malalaking panginoong maylupa, ang kanilang pananalasa rito. Milyun-milyon ang tinutubo ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista sa pangisda, sa harap ng tumitinding paghihikahos ng mga maralitang mangingisda at manggagawa sa pangisda. Samantala, gawa pa rin ng mga buktot na patakarang pabor sa dayuhan at lokal na naghaharing uri, bumabagsak taun-taon ang dati'y masaganang aning isda ng bansa. Lalong nagiging masakit na biro ang "seguridad sa pagkain" na ipinangangalandakan ng rehimen. Malawakang diskuntento ang iniluluwal ng naturang kalagayan, diskuntentong tumutungo sa rebolusyonaryo at militanteng pagkakaisa at paglaban ng masang mangingisda.

Malaki at makabuluhan ang sektor ng pangisda sa Pilipinas dahil sa pulu-pulong katangian ng bansa. Umaabot sa walong milyon, o halos 10% ng populasyon, ang dami ng mangingisda rito. Ang pangisda at pagsasaka ang dalawang haligi ng pangunahing sektor ng lokal na ekonomya.

Ang karagatan at mga ilog sa bansa ay kabilang sa pinakamayaman sa isda at iba pang yamang-tubig. Sa buong mundo, ika-11 ang bansa sa dami ng isdang nahuhuli. Ikatlo rin ito sa Asya. Ikalawa ang Pilipinas sa Indonesia sa dami ng nahuhuling tuna sa Indian Ocean at Timog Silangang Asya. Isa ito sa pangunahing tagasuplay ng tuna sa US. Una rin ang bansa sa produksyon ng damong-dagat (seaweeds) at iba pang halamang tubig.

Ngunit sa kabila ng yamang taglay ng ilog at karagatan sa bansa, mahigit kalahati (humigit-kumulang 4.3 milyon) sa mga mangingisdang Pilipino ay nabibilang sa pinakamababang 30% ng populasyon sa usapin ng kita. Siyamnapu't limang porsyento (95%) ng bilang na ito ay mga maralitang mangingisda, na tulad ng kanilang kauring masang magsasaka, ay dumaranas ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kamay ng mga komersyante at malaking burges kumprador.

May tatlong saray na nakapaloob sa sektor ng mangingisda. Ang una'y ang malalaking komersyanteng mangingisda na nagmamay-ari ng mga modernong barkong pangisda at malalaking palaisdaan at kadalasa'y may kasosyong dayuhan; ang panggitnang mangingisda na nagmamay-ari ng mga bangkang de-motor at ibang gamit sa pangingisda na katamtaman ang laki at kakayahan; at ang maralitang mangingisda na walang sariling bangkang pangisda o nagmamay-ari lamang ng maliliit na bangka na kadalasa'y walang motor at may mahihinang uri ng lambat at iba pang gamit pangisda.

Ibayong lumala ang kalagayan ng maralitang mangingisda at ng buong sektor ng pangisda sa bansa mula noong dekada '70, nang manalasa ang mga patakaran ng liberalisasyon at deregulasyon. Sa pamamagitan ng mga patakarang ito, sistematikong pinapaboran ng reaksyunaryong gubyerno ang interes ng mga dayuhan at malalaking komersyanteng mangingisda at sinisikil ang karapatan ng maralitang mamamalakaya.

Liberalisasyon at deregulasyon: Dagdag na pabigat sa mangingisda

Ipinatupad ng diktadurang Marcos noong 1972 ang "partial liberalization" sa pamamagitan ng pagbubukas ng pangisda sa mga dayuhan at pagprayoritisa sa direktang dayuhang pamumuhunan sa naturang sektor. Inaprubahan din ang "malayang kalakalan" at pagpawi sa lahat ng taripang ipinapataw sa importasyon ng isda at kaugnay na produkto sa ilalim ng RP-Japan Treaty of Amity, Commerce and Navigation. Idinikta ng World Bank ang pagpapatupad ng lubos na liberalisasyon sa pangisda noong 1980 bilang kundisyon sa dayuhang pautang.

DAHIL SA LAKI NG KANILANG MGA LAMBAT, ANG MALALAKING TRAWLER AY HALOS WALANG ITINITIRANG ISDA PARA SA MGA MARALITANG MANGINGISDA.

Bunga nito, unti-unting itinigil ng gubyerno ang mga subsidyong ibinibigay sa maliliit at panggitnang mangingisda. Inengganyo ang malalaking korporasyon na magtayo ng mga palaisdaan at binigyang-diin ang mga sosyong dayuhan at lokal sa pag-import at -eksport ng isda. Pati mga daungan at refrigeration plant ay "ipinaupa" sa mga dayuhan. Ang mga naturang pagbabago ay paghahanda para sa pagbwelo ng lubos na liberalisasyon at deregulasyon sa pangisda pagsapit ng dekada '80.

Sa ilalim ni Ramos, lalong binigyang-diin ang pagtutuon ng pangisda sa eksport. Hinikayat ang komersyal na pangingisda at ang pagtatayo ng mga palaisdaan (aquaculture) habang sistematikong sinikil ang maliitang pangingisda sa mga baybayin o mga pangisdaang munisipal.

Alinsunod rito, ang mga komersyal na trawler (yaong mahigit tatlong tonelada ang timbang) na dating pinagbabawalang mangisda sa mga pangisdaang munisipal ang siya ngayong nagmimistulang hari sa naturang mga pinangingisdaan ng mga maralita. Dahil sa laki ng kanilang mga lambat, ang malalaking trawler ay halos walang itinitirang isda para sa mga maralitang mangingisda. May 3,000 komersyal na trawler ang ngayo'y namamayagpag sa iba t ibang pangisdaang munisipal sa buong bansa.

Pinalawak din ang saklaw ng mga Fishpond Lease Agreement (FLA). Ang mga may hawak ng FLA ay binibigyan ng karapatang gawing pribadong kunsesyon at tayuan ng mga palaisdaan ang mga lupa sa baybayin at mga komunal na pinangingisdaan sa loob ng 50 hanggang 75 taon. Sa pamamagitan nito, pinagkakaitan ng kabuhayan at karapatan ang daan-daan libong maralitang mangingisda at magsasaka na dating nakikinabang sa naturang lupa at tubig. Sa ngayon, mayroong 3,705 FLA holder na kumokontrol sa tinatayang may 64,530 ektarya sa buong bansa. May 2,784 pang aplikasyon para sa FLA na pinoproseso.

Aquafarming: Buktot na prayoridad

Sa kabila ng mapangwasak na katangian ng komersyal na aquaculture, ito ang itinuturing na prayoridad ng reaksyunaryong gubyerno. May 39 na pook sa walong rehiyon sa buong bansa ang tinukoy na Aquaculture Management Area. Ito ang katumbas ng mga Key Production Area sa pagsasaka.

Noong 1988, ipinasa ng reaksyunaryong kongreso ang RA 7881 na nag-alis ng mahigit 800,000 ektarya ng mga palaisdaan at sugpuan sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Apektado rin sa naturang batas ang mahigit 700,000 mangingisda at mga 200,000 manggagawa sa aquaculture.

Karamihan sa mga nagmamay-ari ng malalaking aquafarm, kundiman mga dayuhan at lokal na korporasyon, ay mga malaking panginoong maylupa. Tinatayang 77% ng mga palaisdaan sa wawa ng mga ilog (na sumasaklaw sa 94% ng kabuuang erya ng mga aquafarm sa buong bansa) ay nasa kanilang kamay. Isa sa mga pinakamalaking may-ari ng mga aquafarm ay si Kong. James Chiongbian, ang nagpanukala ng RA 7881. Mayroon siyang 200 ektaryang palaisdaan sa Bulacan at Saranggani. Nang ipasa ang RA 7881, mayroong di kukulangin sa 25 kongresman ang nagmamayari o may hawak ng stocks sa malalaking palaisdaan at sugpuan o sangkot sa iba pang negosyo sa pangisda.

Katulad ng nagaganap sa pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan, ang paglaganap ng komersyal na aquaculture ay nagbubunga ng malawakang kawalan ng kabuhayan at gutom sa mga mangingisda at magsasaka. Sa isang kaso, daan-daang pamilya ng mangingisda at magsasaka ang nawalan ng hanapbuhay at 400 ektarya ng bakawanan (mangrove forest) ang sinira nang magtayo ang Dole Philippines, isang dambuhalang korporasyong multinasyunal sa agribisnes, ng aquafarm sa bayan ng Kiamba sa Saranggani. Bago nito, mayroon nang 143 ektarya ng sugpuan ang Dole sa Lunsod ng Cotabato.

Malinaw ang maka-imperyalista at antimasang disenyo ng reaksyunaryong gubyerno sa mga restriksyong ipinapataw nito sa pangingisdang munisipal at sa pagtataguyod nito sa komersyal na aquafarming. Mga inangkat na bio-engineered na isda ang pinalalaganap sa mga palaisdaan na nangangailangan ng malawakang importasyon ng feeds mula sa mga dayuhang korporasyong agribisnes. Minomonopolisa o kinokontrol ng mga aquafarm ang tubig na dapat ay komunal na pag-aari ng mamamayan sa lokalidad.

May iba pang pangmatagalang pinsalang dulot ang malawakan at komersyal na pagtatayo ng mga komersyal na aquafarm: ang pagpigil sa pagdami ng mga isda bunga ng pagkawala ng mga bakawanan at pagkamatay ng mga coral reef na nagsisilbing itlugan at tirahan ng mga isda. Ayon mismo sa estadistika ng gubyerno, mula 1996 ay patuloy na lumiit ang dami ng isdang nahuhuli samantalang papalaki ang produksyon ng mga palaisdaan. Batay sa mga target ng Medium-Term Philippine Development Program ng rehimeng Ramos, itinakda ang paglago nang 5.8% tauntaun ng aquaculture at 4% ng komersyal na pangingisda. Samantala, lilimitahan ang paglago ng pangingisdang munisipal sa 2% lamang taun-taon.

Krisis sa pangisda

Habang nananatiling pangunahing paraan ng produksyon ang pangingisdang munisipal, mula 1990 hanggang 1995 ay bumabagsak na nang humigit-kumulang 2.2% taun-taon ang dami ng nahuhuling isda ng mga mangingisda rito. Lumiit na rin ang bahagi ng kabuuang produksyon na nagmumula sa kanila (mula 50.94% noong 1980 tungo sa 36% na lamang noong 1995). Kaya't sa kabila ng katotohanang napakayaman ng bansa sa isda, ang Pilipinas ay nananatiling isa sa pangunahing tagapag-angkat ng iladong sardinas, salmon at tuna para sa mga lokal na pagawaan ng delata at pagkaing isda para sa mga hayop.

Dahil din sa pagsikil ng gubyerno sa kabuhayan ng mga mangingisdang munisipal, lumiit ang kanilang bilang mula 773,042 noong 1986 patungong 675,677 na lamang noong 1995 (sumasalamin sa 13% pagliit sa loob ng siyam na taon). Subalit sa kanilang pagbaling sa ibang hanapbuhay sa kanayunan man o kalunsuran, matinding pagsasamantala at pang-aapi pa rin ang kanilang dinaranas.

Isinabatas noong 1997 ang Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) o RA 8435, na ibayong nagpapatibay sa mga maka-imperyalista at antimasang patakaran sa pangisda ng mga naunang rehimen. Si Edgardo Angara, ang pangunahing nagpanukala ng batas na ito, ang itinalagang Kalihim sa Agrikultura ni Joseph Estrada. Nangangahulugan lamang ito na isasagad pa ng rehimeng Estrada ang liberalisasyon at deregulasyon sa pangisda.

Wala itong ibang maaaring ibunga kundi ang paglubha ng krisis sa pangisda at sa kabuuang sektor ng agrikultura. Ibayong kawalan ng hanapbuhay, gutom at paghihirap ang papasanin ng masang mangingisda.

Sa aba nilang kalagayan, wala na silang ibang masusulingan kundi ang paglaban.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.