Parusahan si Estrada!
Ang pagparusa kay Joseph Estrada at sa lahat ng pinakamalaking kriminal at mandarambong, ang unang sukatang gagamitin ng mamamayan upang husgahan ang kapasyahan ng rehimeng Macapagal-Arroyo na itaguyod ang mga layunin ng EDSA 2.
Kinakailangang kagyat na isakatuparan ang mga hakbangin upang arestuhin, usigin at parusahan si Estrada. Anumang pag-aalinlangan sa bagay na ito ay nagsisilbi sa interes ni Estrada na makawala sa hatol ng mamamayan. Kailangang puspusang labanan at biguin ang lahat ng hakbangin at maniobrang ligal at pampulitika na naglalayong pakawalan si Estrada at ang kanyang mga kasapakat sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.
Itakwil ang anumang sikretong negosasyon sa pagitan ng gubyerno at ni Estrada simula sa mga kasunduang binuo alinsunod sa prinsipyo ng pagbibigay ng "marangal na paglabas" kay Estrada. Kabilang dito ang pakanang payagang mangibangbayan si Estrada sa ngalan diumano ng pananatili ng "katahimikan at istabilidad." Ang kahayupang ginawa ni Estrada sa mamamayan ay dapat lamang na tumbasan ng angkop na kaparusahan.
Dapat ding igawad ang karampatang parusa sa pinakamalalaking kroni at kakutsaba ni Estrada sa krimen pati na yaong ngayon lamang bumabaligtad para maisalba ang kanilang mga sarili mula sa tiyak na pagbagsak kasama ni Estrada.
Kailangang alalahanin ni Macapagal-Arroyo na hindi makapapayag ang mamamayan na magkaroon ng "paghihilom ng sugat" na nakabatay sa pagbibigay ng pagkakataon kay Estrada na magkaroon ng "marangal na paglabas". Higit sa anupaman, ang sugat at mga latay na tinamo ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Estrada ang dapat na hilumin sa pamamagitan ng pagparusa kay Estrada at pagtugon sa sigaw para sa pambansa at panlipunang pagbabago.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|