Balita
Meralco, humihirit
Isa pang naluluging kumpanya ng pamilyang Lopez ang muling nagpapasaklolo sa rehimeng Arroyo. Kamakailan, nanakot ang pamilyang Lopez na nakaamba ang malawakang kakulangan sa suplay sa kuryente kung hindi hahayaan ang MERALCO na magtaas ng singil sa serbisyo sa kuryente. Ang MERALCO ay ang pangunahing kumpanya sa serbisyo sa kuryente na kontrolado ng kanilang pamilyang Lopez.
Nais ng mga Lopez na tanggalin na ng gubyerno ang 40-sentimo bawat kilowatt-hour na hangganan sa sinisingil na power purchased adjustment o PPA. Ito ang siyang pangunahing pinagkukunan ng tubo ng MERALCO.
Nais rin ng mga Lopez na tahasang mabigyang laya na ang lahat ng mga kumpanya ng kuryente na kumontrata ng suplay ng enerhiya sa mga independent power producers (IPP) o pribadong kumpanyang nagpoprodyus ng kuryente. Ito ang kanilang tugon sa mariing pagbatikos sa kasalukuyang kaayusan kung saan kumukuha ng enerhiya ang MERALCO sa mga kumpanyang pagmamay-ari rin ng mga Lopez.
75 sentimong dagdag pasahe, mapanlinlang, mapanghati
Tinanggihan ng mga drayber at opereytor ang mapanlinlang at mapanghating hakbang na alok ng gubyernong Arroyo na 75 sentimong dagdag sa pasahe isang araw bago ang nakatakdang aksyong protesta noong Marso 30 at 31. Dahil dito, paralisado ang pampublikong transportasyon sa tigil-pasadang inilunsad sa maraming lunsod at bayan sa buong bansa noong mga araw na iyon.
Binatikos ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang naturang dagdag sa pasahe dahil kapos ito sa hinihinging P1.50 dagdag-pasahe at aplikable lang ito sa mga pumapasada sa mga rutang mula limang kilometro pataas. Sa gayon, maraming drayber na pumapasada sa maiikling ruta ang hindi mabibiyayaan ng anumang dagdag sa pasahe. Ayon sa mga welgista, layunin lang itong hatiin ang hanay ng mga drayber at opereytor.
Umabot sa 80-95% ang paralisasyon sa transportasyon sa Baguio City, Angeles City, buong Bulacan, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ilang pangunahing bayan at lunsod sa Bicol at Western Visayas at sa mga lunsod ng Cebu, Mandaue at Talisay. Sa Mindanao, umabot ng dalawang araw ang welgang pumutok sa lahat ng syudad maliban sa Zamboanga City.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|