Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Matagumpay na naidaos ang Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan noong Enero 1997 sa isang larangang gerilya sa nasabing rehiyon. Dito ay tinanggap, tinalakay at pinagkaisahan ang mga ulat ng Komiteng Rehiyon na kinabilangan ng mga sumusunod:

  1. Ang ulat sa paglalagom ng 15 taong karanasan (1978-1992);

  2. Ang mga ulat sa pagtatasa ng kalagayan:

    a. Ang tatlong taong kumprehensibong pagtatasa (1993-1995); at

    b. Anim na buwang kumprehensibong pagtatasa (Enero-Hunyo 1996).

  3. Ang ulat ng panlipunang pagsisiyasat ng rehiyon.

Inihalal din ng nasabing kumperensya ang isang bagong Komiteng Rehiyon at ang Komiteng Tagapagpaganap at Kalihiman nito na mamumuno sa buong rehiyon sa mga susunod na taon.

Naging isang kumperensya ng tagumpay at pagkakaisa ang idinaos na makasaysayang pagtitipon. Ang matagumpay na pagdaraos nito ay patunay sa inabot na antas ng konsolidasyon ng Partido at Bagong Hubong Bayan sa rehiyon sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Alinsunod sa panawagan noong ika-28 na anibersaryo ng Partido ni Kasamang Armando Liwanag, tagapangulo ng PKP, naglabas ang Panrehiyong Kumperensya ng isang komunike na nagpapahayag ng mga tampok na tagumpay at mga kinaharap na problema sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon mula nang ilunsad ang IDKP sa rehiyon noong Nobyembre 1992.

Dahil sa walang-alinlangang paninindigan at pagpapatupad sa IDKP, nakapagpunyagi ang Partido sa rehiyon hanggang sa makamit ang mga makabuluhang tagumpay mula huling hati ng 1995. Sa pangkalahatan, nabaligtad na ang pabawas na tunguhin mula huling hati ng 1995 hanggang kasalukuyan.

Ayon sa komunike, "Pinatutunayan lamang ng ating nakamit na mga makabuluhang tagumpay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ang katumpakan ng IDKP na muling nagtibay sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng Partido."

Anito, ang mga nakamit na tagumpay sa pagsusulong ng IDKP at pagpapalakas sa ideolohiya ay nagsisilbing matatag na pundasyon upang makaambag ang rehiyon sa pangkalahatang pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Masiglang pinag-aralan ng lahat ng kadre't kasapi ng Partido sa rehiyon ang mga saligang dokumento ng IDKP, maging ang pagtatasa nito ng KPKS (Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral) noong Disyembre 1993 at ng KTKS noong Hulyo 1995. Malaki rin ang naging ambag ng rehiyon upang mabigo ang panghahati at mangwawasak ng mga rebisyunistang taksil.

Malawakang naipalaganap sa buong rehiyon ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa pamamagitan ng masiglang pag-aaral sa mga turo ng mga dakilang lider komunista. Malawakan din ang naging pag-aaral sa mga ispesyal na kursong pangkadre at mga publikasyon ng Partido. Kaakibat nito ang patuloy na paglilimbag at pagpapalaganap ng iba't ibang teksto't sanggunian.

Anang komunike, "Ang mga natutunang teorya ay ginagamit upang malagom ang ating mga karanasan at mahusay na masiyasat ang partikular na katangian ng rehiyon upang higit na mapatibay ang sapol natin sa makauring pagsusuring malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino."

Bukod sa 15-taong paglalagom ng buong rehiyon, nalagom na ang 15-taong karanasan ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa (noong Abril 1994) gayundin ng gawaing masa sa kanayunan, at ang mahigit dalawang dekadang karanasan ng kauna-unahang sangay ng Partido sa buong rehiyon. Sinimulan na rin ang mga paglalagom sa intermedyang antas upang payamanin ang panrehiyong paglalagom. Gayundin, napalamnan na ang panlipunang pagsisiyasat ng rehiyon alinsunod sa balangkas ng LRP. Masiglang-masigla ang mga sesyon ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili mula sa Komiteng Rehiyon hanggang sa mga batayang organisasyon ng Partido.

Nanawagan ang kumperensya na kamtin ang mga dramatikong pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan batay sa mga tagumpay sa pagkokonsolida sa ideolohiya. Idiniin nito na ang pagsulong ng DRB ay pinatitibay ng pagtangan sa mga saligang rebolusyunaryong prinsipyo ng Partido na gumagabay sa gawaing pampulitika.

"Higit sa doble ng naitalang bilang noong 1992 ang mga larangang gerilya sa rehiyon. Halos narekober na ang mga bayan at baryong pansamantalang naiwan. Katunaya'y nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan at baryong saklaw ng pagkilos ng BHB."

Tinukoy rin ng kumperensya ang mga tampok na kahinaan na konserbatismo sa gawaing militar at gawaing masa, at sektaryanismo naman sa pagrerekluta ng mga bagong Pulang mandirigma at kasapi ng Partido. Ang konserbatismo at sektaryanismo ay kinakailangang iwaksi upang magkamit ng dramatikong pagsulong at mas malalaking tagumpay sa pagsusulong ng DRB sa buong rehiyon.

Susi sa pagsulong ng DRB sa rehiyon ang mahigpit na paghawak sa makauring pagsusuring malakolonyal at malapyudal ang katangian ng lipunang Pilipino. Ang pagsusuring ito ay pinalalim sa pag-aaral hinggil sa malapyudalismo, at higit pang pinagtibay sa pamamagitan ng panlipunang pagsisiyasat ng rehiyon.

Anang komunike, "Masigasig nating isinusulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na umaani ng papalaki at papalawak na suportang masa. Mapanlikha nating inilapat ang mga patakaran at konseptong nilinaw ng Partido sa partikular na katangian ng ating rehiyon."

Nagbunga ito ng lahatang-panig na mga tagumpay sa gawaing pampulitika ng Partido sa rehiyon.

Higit sa doble ng naitalang bilang noong 1992 ang mga larangang gerilya sa rehiyon, ayon sa komunike. Laking kumpanya ang mahigit sa kalahati nito at laking platun naman ang iba pa. Halos narekober na rin ang mga bayan at baryong pansamantalang naiwan dahil sa nakaraang kamalian at matinding pananalakay ng kaaway. Katunayan nga'y nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan at baryong saklaw ng pagkilos ng BHB.

Masiglang isinagawa ang iba't ibang tipo ng propagandang berbal at nakasulat batay sa mga isyung pampakilos na sumulpot sa bansa, sa rehiyon at maging sa lokalidad. Natukoy rin ang paglulunsad ng mga klinikang bayan at kulturang pagtatanghal bilang ilan sa mga pinakamabisang anyo ng propaganda. Malaki rin ang naitulong ng inilathalang magasing pangkultura (Dagitab) at ang kauna-unahang teyp album ng mga rebolusyonaryong awitin ("Dakilang Hamon").

Naroon din ang mga pagsisikap na paramihin ang bilang ng mga nabigyan ng pag-aaral sa mga kursong masa. Mapagpasyang napangibabawan na ang kakapusan sa mga teksto para dito na dating bara sa malawakang pagbibigay ng mga ito.

Ang mga tagumpay na ito sa pagsisikap na pataasin ang kamalayang pampulitika ng masa sa kanayunan ay makikita sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga saligang organisasyong masa at organisadong masa. Napanatili ng rehiyong TK ang tunguhing pagpapadagdag ng mga SOM at OM. Ayon sa kumperensya, mas malaki pa sana ang bilang kung napangibabawan ang konserbatismo sa gawaing masa.

Nagpatuloy sa paggana ang mga ligal na organisasyon ng magsasaka na nagsisilbing tambol para sa kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Sinikap na maglunsad ng iba't ibang tipo ng pagpapakilos sa masa, na sa karaniwan ay antas baryo o interbaryo. Sumigla rin ang paglunsad ng rebolusyong agraryo sa ilang piling baryo.

Ayon sa komunike, mapagpasyang pinatigil "ang lahat ng mga sosyo-ekonomikong proyektong pinopondohan ng mga ligal na institusyon na nagtulak sa ating baseng masa sa bangin ng repormismo't ekonomismo." Mula 1995 ay mas binigyang diin ang mga simpleng porma ng kooperatiba tulad ng mga suyuan, bayanihan at tornohan na kinatatangian ng simpleng kooperasyon para sa palitan ng paggawa.

Ang papalawak na baseng masa ang nagsilbing malapad at malawak na lambatpaniktik sa kilos ng kaaway. Batay sa suportang masa, nakapaglunsad ng mga kakayaning taktikal na opensiba na kinatangian ng maliliit ngunit marami (tulad ng pagpaparusa sa mga masasamang elemento at pusakal na CAFGU/CVO).

May naging bahagyang pagsigla sa rekrutment ng mga bagong Pulang mandirigma. Signipikante ang bilang ng narerekluta sa loob ng isang taon, ngunit malaking bilang din ang nababawas. Ayon sa pagsusuri ng kumperensya, ang pangunahing dahilan ng matumal na rekrutment ay ang sektaryanismong umiral mula pa sa nakaraan. Natukoy na masyadong mataas at malayo sa nakasaad sa Alituntunin ng BHB at ng MNT (Mahigpit Nating Tungkulin) ang ipinapatupad na pamantayan sa pagsapi sa BHB. Gayundin, natukoy na kaakibat ng mapangahas na maramihang pagrerekluta ng mga bagong mandirigma, kinakailangan ding tiyakin na mabigyan sila ng mga kinakailangang edukasyon at pagsasanay.

Napanatili sa rehiyon ang wastong balanse ng mga nakatalagang yunit. Umabot sa 85% ng kabuuang lakas-tauhan ng BHB ang natalaga sa mga SYP na naggagawaing masa at 12% lamang ang natalaga sa mga panlabang yunit gerilyang laking platun at iskwad. Ang nalabing 3% ay natalaga sa mga yunit panserbisyo.

Mahigpit na isinakatuparan ang pambansang patakaran na iskwad (Sandatahang Yunit Pampropaganda) ang pinakamaliit na yunit ng BHB para sa gawaing masa. Ginawang mga SYP ang dating magkakahiwalay na mga Malaligal na Pangkat (MLP) at Pangkat Pagpapatatag (PPT). May inabot na isang antas ng paggamay ang mga SYP sa mahusay na paraan ng kilos-gerilya upang mamaksimisa ang maluwag na kalagayan para mabilis na maparami ang mga SOM/OM.

"Naging kalakaran muli ang masiglang pagtungo sa kanayunan ng mga kasamang nakabase sa kalunsuran. May mga nagexposure, may mga nag-tour of duty at may mga tuwirang sumampa sa BHB."

Nanawagan ang kumperensya na tiyaking maitayo sa lahat ng mga larangang gerilya ang mga panlabang yunit gerilya na magsisilbing sentro ng lakas ng lahat ng mga yunit ng BHB, ngunit hindi dapat lalampas sa 30% ng kabuuang lakas tauhan ang bubuo dito. Ang mga yunit gerilya na ito ay tinitiyak na nakalubog sa gawaing masa sa pagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Naipagpatuloy ang masiglang paglulunsad ng mga pagsasanay sa pulitika't militar ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB batay sa ibinalangkas na Kurso sa Batayang Pagsasanay sa Pulitika't Militar (BPPM). Tuluy-tuloy din ang sigla ng mga pampulitikang pag-aaral sa lahat ng yunit ng BHB.

Mahigpit na napanghawakan ang absolutong pamumuno ng Partido sa BHB sa pamamagitan ng mga malusog na organisasyon ng Partido sa loob ng mga yunit ng Hukbo. Lahat ng mga kagawad ng KLG at Komiteng Probinsya na umaatupag ng gawain sa sonang gerilya ay tuwirang nakalubog at tumatayong kalihim ng mga Komiteng Seksyon sa Platun at Komiteng Subseksyon/Grupo ng Partido sa mga iskwad. May signipikanteng bilang din ng mga kagawad ng Komiteng Rehiyon ang nakalubog mismo at tumatayong kalihim ng mga ito.

Kaalinsabay ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa kanayunan ay isinulong din ang rebolusyunaryong kilusang masa sa kalunsuran. Nakumpleto na sa kabuuan ang redeployment ng mga kadre't kasapi ng Partido na kumikilos sa kalunsuran, na mas marami ang tumututok sa solidong pag-oorganisa sa batayang antas.

Nadagdagan ang bilang ng mga naitayong lihim na grupong pang-organisa, grupong bag-as at komiteng pang-organisa. Mas ang mga lokal na pagpapakilos ang binigyang pansin at sadyang iniwasan muna ang mga kampanyang masa na nakakabirit sa baseng masa. Anang komunike, "Dahil mas diin sa mga lokal na pagpapakilos, mas madali nating masalo ang mga nakakamit na tagumpay upang higit na palawakin at konsolidahin ang ating rebolusyonaryong kilusang lihim."

Naging kalakaran muli ang masiglang pagtungo sa kanayunan ng mga kasamang nakabase sa kalunsuran. May mga nag-exposure, may nag-TOD (Tour of Duty) at may tuwirang sumampa sa BHB.

Patuloy na nakabig ang mga panggitnang pwersa. Paparaming bilang ang naugnayan at napakilos sa kanayunan, at mula sa halos wala ay nakapagtayo ng signipikanteng bilang ng mga Rebolusyonaryong Grupong Suporta (RGS). Signipikante rin ang naging bunga ng mga pagsisikap na maorganisa ang mga panggitnang pwersa sa kalunsuran.

Sa larangan ng organisasyon, mahigpit na isinakatuparan ang demokratikong sentralismo bilang saligang prinsipyo ng Partido na ang daluyan ay malusog na sistemang komite mula sa KR hanggang sa mga batayang organisasyon.

Nabaligtad ang tunguhing pabawas at nadagdagan ang bilang ng mga kasapi ng Partido. Ngunit natukoy na kulang pa rin ang sigla at di pa maramihan ang rekrutment, dulot na rin ng di pa mapagpasyang nabaka ang sektaryanismo.

Simple ngunit episyente ang isinaayos na istrukturang pang-organisasyon. Tinitiyak na ang malaking mayorya ng mga kadre�t kasapi ay mahigpit na nakaugnay sa masa. Nadagdagan din ang bilang ng mga sangay ng Partido kumpara noong 1995, at ang 73% nito ay nasa kanayunan samantalang ang nalalabi ay sa kalunsuran.

May nabalangkas na sistema ng ulat para sa lahat ng mga intermedyang namumunong organo hanggang sa Komiteng Seksyon at Subseksyon at tungkol sa mga labanan. Higit na napatibay ng sistema ng pulong ang kolektibong pamumuno at pasya. Maiikli ngunit mabunga ang pulong ng mga namumunong komite kumpara sa nakaraan.

Sa kabuuan ay nabigo ang tangka ng kaaway na pinsalain ang mga namumunong komite sa kalunsuran at kanayunan. Sa pinansya, hindi lamang nagawa na makapagpalitaw ng sapat para sa papalaking gastusin taun-taon, nakapagpalitaw pa ng reserbang pondo para sa tatlong taon. Ang labis dito ay isinesentralisa sa nakatataas na organo.

Ang mahusay na pang-ideolohiyang pagbubuo at malusog na kolektibismo ang dahilan kung bakit patuloy na napagana ang sistemang komite ng Partido sa iba�t ibang antas.

 


Previous articleBack to top 

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.