Sino si Pedro Tejino?
Noong isang taon pa nagkakanlong sa mga upisina ng Akbayan at Peace Foundation, Inc. sa Kamaynilaan sina Pedro Tejino at ilan niyang kasamahan. Ipinagkakalat ng Akbayan na ang mga taong ito ay kanilang lider-magsasakang tinutugis ng Bagong Hukbong Bayan.
Sino ba si Pedro Tejino? Isa ba siyang tunay na lider magsasaka katulad ng sinasabi ng Akbayan?
Ang totoo, si Pedro Tejino ay regular na armadong elemento at lider ng isang grupong paramilitar sa San Narciso, Quezon. Ang grupong paramilitar na ito ay nasa ilalim ng 74th IB na nakabase sa Catanauan, Quezon. Nagpapanggap itong isang "asosasyong magsasaka" na nakadikit sa Akbayan-PEACE Foundation Inc. Sangkot ito sa pangangamkam ng lupa at mga gawaing kriminal at anti-sosyal kabilang ang pangangalabaw.
Ang armadong grupo ni Pedro Tejino ang nasa likod ng pagpatay noong Abril 2004 kay Paulo Tejino, mismong kapatid ni Pedro. Si Paulo Tejino ay pinatalsik ng grupo ni Pedro dahil mahigpit niyang tinutulan ang mga gawain ng "asosasyon".
Naghahasik ng karahasan ang armadong grupo ni Tejino laban sa mga magsasakang nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa sa Far South Quezon. Bahagi sila ng pasistang kampanya ng 74th IB at 416th PNP Mobile Group para wasakin ang mga organisasyong masa ng mga magsasaka.
Binabantaan ng grupo ni Pedro Tejino ang mga magsasakang kumikilos para sa tunay na reporma sa lupa. Inoobliga silang sumapi sa grupong nakakabit sa repormistang Akbayan-Peace Foundation, Inc. na sumusuporta sa huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng reaksyunaryong gubyerno.
Malaki ang galit ng masang magsasaka laban kay Pedro Tejino. Ang katawa-tawa pag-angkin ng Akbayan kay Pedro Tejino bilang isa sa kanilang mga lider ay lalo lamang naglalantad sa kanilang gawaing anti-magsasaka at anti-mamamayan. Nalalantad din ang kanilang pakikipagsabwatan sa mga armadong grupong paramilitar na katuwang ng AFP sa kontra-rebolusyonaryong digma.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|