Mabababang upisyal at karaniwang kawal ng AFP, ligalig
Diskriminasyon sa mga mababang upisyal at karaniwang kawal, mababang pasahod, korapsyon at iba pang di magandang palakad ng pamunuan ng AFP ang nasa likod ng pagkaligalig kamakailan sa loob ng organisasyon ng militar. Salamin ng pagkaligalig na ito ang laman ng isang manipestong inilabas noong Hunyo ng bagong tatag na Concerned Army Officers of Sulu na kumakatawan sa �libu-libong mga karaniwang kawal na nasa larangan ng armadong labanan.�
Halos kapareho ng mga hinaing nila ang mga inilabas na ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) at Young Officers Union (YOU), noong maagang bahagi ng dekada 1980. Patunay ito na walang pinagkaiba at bagkus ay lumalala pa ang mga katiwalian at masasamang palakad ng matataas na upisyal-militar. Humantong na ito sa mga ugong-ugong na may balak maglunsad ng kudeta ang mga upisyal at kawal na may hinaing. Subalit sa halip na harapin ang kanilang mga hinaing, hinamon pa sila ng DND na lumantad at binalaang huwag maglunsad ng kudeta laban sa gubyernong Arroyo.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikipagsimpatiya sa mga nakabababang upisyal at karaniwang kawal ng AFP ang Partido Komunista ng Pilipinas.
...nagpapakasasa ang mga pinuno ng DND at AFP sa napakalaking sweldo at mga luho at espesyal na pribilehiyo at kumakamal din ng napakalaking yaman galing sa pangungurakot ng mga pondo para sa mga ordinaryong sundalo...![](../../angbayan/images/99.gif) | Sa isang pahayag, sinabi ni Gregorio �Ka Roger� Rosal, tagapagsalita ng Partido, na nagpapakasasa ang mga pinuno ng DND at AFP sa napakalaking sweldo at mga luho at espesyal na pribilehiyo at kumakamal din ng napakalaking yaman galing sa pangungurakot ng mga pondo para sa mga ordinaryong sundalo at sa disaster relief, kikbak mula mga kontrata, kita mula sa mga kriminal na sindikato tulad ng droga, kidnapping for ransom, holdap sa bangko at iba pang kriminal na aktibidad. Sa kabilang banda, ginagamit lamang na pambala sa kanyon ang mga nakabababang upisyal at karaniwang sundalo.
Masahol pa, ani Ka Roger, walang pakundangan silang ginagamit upang wasakin ang mga pamamahay, pagnakawan ng mga alagang hayop, salantain ang mga pananim, patayin at pahirapan ang mga inosente at yurakan ang mga karapatang-tao ng karaniwang mamamayan.
Hinamon sila ni Ka Roger na itaguyod ang patriyotiko at demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino, lubusang talikuran ang reaksyunaryo, bulok at pabigong landas ng AFP, at sumanib at sumuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Sa partikular, nanawagan si Ka Roger na sundan nila ang halimbawa ni Lt. Crispin Tagamolila, isang gradweyt ng Philippine Military Academy na sumanib sa Bagong Hukbong Bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|