Ka Joan: Kakaibang mandirigma
Si Ka Joan, 25 taong gulang, ay isang Pulang mandirigma sa isang platun ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa katimugang larangan ng Cagayan Valley. Tulad ng ibang proletaryong rebolusyonaryo, nakikibaka siya para itatag ang kinabukasang malaya sa pang-aapi at pagsasamantala. Subalit di tulad ng karamihang Pulang madirigma, ang tunay niyang kasarian ay hindi mapapansin sa biglang tingin: Si Ka Joan ay bakla.
"Taglay ko ang puso ng isang bakla," hayagan niyang sinabi. "Isa akong baklang rebolusyonaryo."
Nagmula si Ka Joan sa isang pamilyang magsasaka sa Cagayan de Oro. Nilisan niya ang kanilang tahanan may 13 taon na ang nakararaan at nagtrabaho sa isang nightclub sa Maynila, una bilang wardrobe aide (tagaayos ng mga isusuot) ng dalawang mananayaw, na halos kumupkop sa kanya. Pagkatapos, naging floor manager (tagaasikaso sa mga parokyano) siya ng club.
Noong 17 taong gulang si Ka Joan, nagbakasyon siya sa isang maliit na bayan sa Bulacan kung saan nakilala niya ang isang organisador sa komunidad. Matapos ang ilang buwan, tumigil siya sa paghahanapbuhay at naging buong-panahong organisador na rin ng maralitang-lunsod. "Naisip kong kailangang may gawin ako para sa mamamayan at mga kapwa ko bakla para ipaglaban nila ang kanilang mga karapatan."
Matapos ang ilan pang buwan ay inatasan si Ka Joan na tumulong sa pag-oorganisa sa maralitang-lunsod sa isang syudad sa Cagayan Valley. "Napakainit ng pagtanggap sa akin ng masa doon," pagbabalik-tanaw niya. Wala pang organisasyon ng kabataan sa lunsod, kaya inatasan siyang simulan ang pag-oorganisa ng kabataan doon. Di nagtagal, itinatag nila ang balangay ng Kabataang Makabayan (KM), bukod sa iba pang ligal na organisasyon ng kabataan.
Pumasok si Ka Joan sa isang larangang gerilya sa kauna-unahang pagkakataon para ipagdiwang ang anibersaryo ng KM noong Nobyembre 2002. Nahikayat siyang bumalik pagsapit ng Disyembre para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) dahil sa nasaksihan niyang maka-mamamayang pulitika at praktika ng BHB. Sa gitna ng mga paanyaya ng mga kasama at mga makabagbag-damdaming awiting rebolusyonaryo, pinili ni Ka Joan ang buhay ng isang buong-panahong gerilya: "Matapos kong makita ang pamumuhay at pakikibaka ng masa, naging madali sa akin ang gayong pagpapasya."
Isang mandirigma na katulad ng, at kaiba, sa lahat. Mahigit isang taon na si Ka Joan sa BHB. Siya ang upisyal na nangangasiwa sa pinansya at suplay ng kanilang iskwad (S4), ang pangalawang timlider at paminsan-minsa'y medik. Aktibo ang kanyang yunit sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Mahusay siyang nakagampan sa gayong mga gawain at nakapagpaunlad ng kakayahan bilang Pulang mandirigma.
Ayon kay Ka Joan, mula sa kanyang pagkabata ay bukas na siya sa kanyang pagiging bakla. Suportado ng kanyang pamilya ang kanyang buong pagkatao. "Mahal na mahal ako ng aking pamilya, maging ng aking ama na palaging nagsasabing 'anuman ang kanyang kasarian, anak ko pa rin siya.'"
Bata pa ma'y kinakitaan na si Ka Joan ng pagiging palaban. "Nasasaktan ako kapag ginagawang katatawanan o binubugbog ng ibang mga bata ang mga kaibigan kong bakla. Kaya kahit hindi ako ang inaaway, sumusugod talaga ako at lumalaban sa mga nang-aapi sa mga kaibigan ko."
Kinukumpronta rin niya ang matatanda, tulad ng mga magulang ng kanyang mga kaibigang bakla na pumupula sa kanilang mga anak. "Sinasabi ko sa kanila na tao rin ang mga bakla, na kahit bakla ang kanilang anak, nararapat silang galangin at mahalin."
Mga bakla sa rebolusyon. Kakaunti pa lamang ang nakikilala niyang bakla sa kilusan, pero alam niyang hindi ito dahil sa may diskriminasyon laban sa kanila. "May ilang panahon bago ko nalaman ang upisyal na tindig ng Partido hinggil sa mga bakla. Pero kahit noong hindi ko pa nalalaman ang patakaran, malinaw ito sa mapagpalayang praktika ng Partido dahil aktibo akong hinikayat ng mga kasama na kumilos nang buong panahon at malugod nila akong tinanggap nang magpultaym ako."
Sa kabila nito, inaamin din ni Ka Joan na may ilang bakas pa rin ng pyudal at burgis na pananaw kahit sa loob ng kilusan. Ayon din sa kanya, mayroon pa ring ilang mga lalaking kasamang hindi mapakali kapag naririyan siya. Gayunman, tukoy niya ang malaking pagkakaiba ng aktitud ng mga kasama at karaniwang aktitud ng mga tao sa labas ng kilusan.
"Dito, nararamdaman kong talagang pinagsisikapan nilang tanggapin ang buo kong pagkatao, kung hindi pa man nila ito nagagawa. Dito, nararamdaman mong tunay kang mahal ng masa at mga kasama dahil rebolusyonaryo ka, anuman ang iyong piniling kasarian. At alam ko na ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ay naglulunsad ng walang humpay na pakikibaka para pawiin ang mga labi ng pang-aapi at diskriminasyong sekswal sa loob ng kilusan at sa lipunan."
Sa loob ng hukbong bayan, patuloy na pinauunlad ang mga praktikal na pamamaraan at mga regulasyon upang paunlarin ang relasyon ng iba't ibang mga kasarian�lalaki, babae, bakla at mga lesbyan. Sa kaso ni Ka Joan, ang kanyang paliligo ay hiwalay sa mga lalaki, at syempre sa mga babae rin, tulad ng paliligo nang hiwalay ng mga binata at dalaga. Mas karaniwan niyang kasa-kasama ang mga lalaki, pero kapag natutulog sa masisikip na lugar ay maingat niyang sinisiguro na may kahit konting puwang sa pagitan niya at ng iba, tulad rin ng paghihiwalay sa pagtulog ng mga binata at dalaga.
Di maiiwasan ang pagkagulat ng masa kapag nalalaman nilang may mga bakla pala sa hukbong bayan. Ngunit dahil sa walang sawang pagpapaliwanag ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan sa mga rebolusyonaryong teritoryo, mas nauunawaan ng masa kung bakit tumatanggap ng mga bakla sa BHB at walang diskriminasyon laban sa kanila. Ayon kay Rey, isang magtatanim ng mais na nag-akalang babae si Ka Joan nang una niya itong makilala, "Binabasag niya ang karaniwang pananaw na ang mga bakla ay mahina at wala nang ibang nagagawa kundi magtrabaho sa mga beauty parlor o bilang mga tagapag-aliw."
Nang tanungin tungkol sa kanyang inaasam sa kinabukasan, ito ang sagot ni Ka Joan: "Syempre, gusto ko ng demokrasyang bayan, at nais naming tumungo sa sosyalismo dahil dito lang tunay na mapapalaya ang aping mamamayan, kabilang na ang mga bakla at lesbyan. Isinusulong ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ang interes ng lahat ng api at lahat ng mamamayan, anuman ang piniling kasarian."
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|