Ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan
Sa darating na Marso 18, gugunitain ang ika-32 anibersaryo ng kongreso ng pagkakatatag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA). Napapanahon ang gayong pagdiriwang lalupa't sa panahong ito bumubwelo at lumalakas ang kilusan ng rebolusyonaryong kababaihan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ang pagkakatatag ng MAKIBAKA ay pagkilala sa napakalaking papel ng kababaihan sa pangkalahatang pasusulong ng rebolusyon. Kinilala nito na katulad ng kalalakihan sa malapyudal at malakolonyal na lipunan, dumaranas ang kababaihan ng matinding pagsasamantala at pang-aapi. Tulad ng kalalakihan ng mga uring api, ang kababaihan ay walang boses sa pagpapasya sa lipunan. Higit pa rito, wala silang boses o kung meron man ay napakahina, sa trabaho, sa tahanan at sa iba't ibang larangan ng lipunan.
Itinatatag ang MAKIBAKA upang tugunan ang partikular na interes ng kababaihan. Kinikilala nito na hangga't hindi binibigyang pansin ang mga mapagsamantala at mapang-aping relasyon na nagtatali sa kababaihan sa aba at aping katayuan, hindi rin lubusang mapapakawalan ang kanilang lakas, sigla at inisyatiba para sa pakikibaka.
Sa simula'y pangunahing nag-organisa ang MAKIBAKA sa hanay ng kababaihang estudyante. Nag-organisa rin ito ng kababaihan sa mga maralitang komunidad at sa mga pagawaan. Binuo rin noon ang KALAYAAN, isang alyansa para sa kampanya laban sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin na nagpasikad sa unang rali ng kababaihan noong 1971.
Nang ideklara ang batas militar noong 1972, pumunta sa kanayunan ang mga kasapi ng MAKIBAKA upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ang iba naman sa kanila ay kumilos nang lihim sa kalunsuran. Inilunsad noon ang lihim na pag-oorganisa sa mga pagawaan. Bagamat maraming tagumpay ang inani ng rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan sa umpisa, dumanas din ang MAKIBAKA ng mga pag-atras sa panahon ng mga paglihis sa linya. Subalit nanindigan ang MAKIBAKA para sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at nagpunyagi para sa ibayo pang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Sa kasalukuyan, pangunahing pokus ang pagtatayo ng mga balangay ng MAKIBAKA sa hanay ng kababaihang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga balangay ng MAKIBAKA at pagpapagana sa mga programa ng mga ito, naisusulong ang mga karapatan at kagalingan ng kababaihan.
Ilan lamang sa mga ito ang pagpapaunlad sa katayuang pangkabuhayan, pantay na responsibilidad sa pagpapalaki sa mga anak, pagtitiyak ng demokrasya sa loob ng relasyon at ng pamilya, pagtatayo ng serbisyong pangkalusugan, pangangalaga sa mga karapatan sa reproduksyon, pagsusulong sa mga karapatan at kapakanan ng mga bata at iba pa. Lumalahok at sumusuporta sila sa armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka laban sa sistemang malakolonyal at malapyudal na nagpapanatili sa pyudal-patriyarkal na kaayusan laban sa kababaihan.
Sa kanayunan, sa tulong ng Bagong Hukbong Bayan, daan-daang kababaihan ang nakapaloob sa mga organisasyong masa sa buong bansa. Tuluy-tuloy na dumarami ang naitatayong balangay ng MAKIKABA sa mga baryo. Sa kalunsuran, naaabot at naoorganisa ang malaking bilang ng kababaihang manggagawa, mala-manggagawa, maralitang-lunsod, kabataan-estudyante, propesyunal at iba pang maralita, api at pinagsasamantalahan.
Malayang Pilipina, muling inilalabas: upisyal na pahayagan ng MAKIBAKA. Layunin sa muling paglalabas nito ang pagtulong sa lubos pang pagpapaunlad ng pampulitikang kamulatan ng mga kasapi ng MAKIBAKA, gayundin ang pag-abot sa mas malawak pang bilang ng kababaihan para mahimok sa kilusan para sa pagpapalaya ng kababaihan at sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Nakatakda itong lumabas nang apat na beses bawat taon. Nagsimula itong muling lumabas noong Agosto 2003 at kasalukuyang nasa ikatlong isyu na ito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|