Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sistemang Kapitalistang nasa Krisis

 Read this article in English

Sa nakaraang isa at kalahating taon, sunud-sunod na sinakmal ng napakatinding krisis sa produksyon, pinansya at kalakalan ang mga bayan at buubuong mga rehiyon ng daigdig. Unang tinamaan ng unos ang Asya at Japan noong ikalawang hati ng 1997; sumunod na hinambalos ang Rusya noong ikatlong kwarto ng 1998; at inabot pagkatapos ang Amerika Latina, Silangang Europa at Timog Aprika.

Ang ekonomya ng US at Europa ay may naitatala pang paglawak pero bahagya lamang at patuloy ang pagbagal. Higit pa, lunod na sa depresyon at resesyon o di kaya'y nakabahura sa kawalang-sigla ang iba pang bahagi ng daigdig, kaya namamayani sa kabuuan ang pandaigdigang resesyon. Pinakamatindi ang pagliit ng produksyon sa Silangang Asya�ang rehiyong pinakamabilis lumago bago mag-1997 ay siyang �at sa Rusya na bumulusok sa mas malalim pang hukay. Ang US at Europa mismo ay paulitulit na niyayanig ng mga matinding ligalig sa mga pamilihan ng stock at pinansya, at patuloy na hinihigop palubog.

Ito ang pinakamalubhang krisis sa ekonomya ng daigdig sa nakaraang 50 taon. Wala pa itong kapantay sa lawak at bilis ng paglaganap, gayundin sa laki ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga bansa at mamamayan. Ang lawak at lalim ng pinsala nito sa mga bansa at mamamayan ay ipinapalagay na katumbas o mas malala pa sa Malaking Depresyon ng mga taong 1930. Sa Asya pa lamang, natunaw sa ilang buwan lamang ang trilyun-trilyong dolyar ng kapital sa mga pamilihan ng stock at mga pautang, bukod pa sa mahigit $260 bilyong kapital na nasa libro ng kuwenta ng mga kumpanya. Daan-daang bilyong dolyar ng reserbang pondo ng mga bangko sentral ang lumipad sa tangkang pagtatanggol sa mga salaping inaatake ng mga ispekulador. Lumipad ang pinaghirapang impok, biglang umimpis ang kita at nawalan ng hanapbuhay ang milyun-milyong mamamayan. Nalantad ang atrasadong malapyudal na saligang kalagayan ng tinaguriang mga "pamilihang bagong-sibol."

Nariyan pa ang di hamak na nakararaming bayang ni hindi napaburan kahit ng pansamantalang paglawak na bunga ng pag-eeksport ng mga manupakturang mumurahin o katamtaman ang halaga at malakihang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan. Matagal nang hilahod ang mga ito sa hirap bunga ng halos dalawa nang dekada ng pagdurusa sa krisis sa utang at pagbagsak ng pandaigdigang pamilihan para sa mga eksport na hilaw na materyales. Ang kasalukuyang krisis ay hindi lamang lalong nagpapadilim ng pag-asa nilang makaahon. Lalo pa silang ibinabaon nito sa mas masahol na karukhaan.

Pagbagsak ng produksyon sa Asya
(tantos ng paglawak ng lokal na produksyon o gross domestic product)
1996
(aktwal)
1997
(taya)
1998
(taya)
1999
(taya)
Tsina9.68.87.68.3
Indonesia8.04.6-15.0-0.6
Malaysia8.67.8-5.80.9
Pilipinas5.75.2-0.22.0
Thailand5.50.7-8.0-1.0
Japan3.81.00.3n.a.
Timog Korea7.15.5-7.0-1.0

n.a. - not available o walang datos

Sa kabila ng mga tangka ng internasyunal na burgesya at ng kanilang mga tagapagpatalastas na maliitin at adelantadong ideklarang nakalampas na ito, ang krisis ay hindi nawawala. Hindi tumitigil ang pag-iipon ng hangin ng mas malakas pang superbagyo. Ang mga senyales ay nagbabadya ng lalong paglawak at pagtindi ng krisis, dislokasyon at pananalasa. Tatalakayin sa sumusunod ang tatlo sa pinakamatingkad na katangian ng krisis na ito:

Sobrang produksyon

Sa kaibuturan, ang pangunahing sakit na sumasalanta sa tunay na ekonomya ng pandaigdig na sistemang kapitalista ay ang labis-labis at patuloy pang sumasahol na disbalanse ng sobrang kapasidad sa produksyon at kumikitid na pamilihan. Napakabilis at napakataas ng konsentrasyon ng kapital at akumulasyon ng kakayahan sa produksyon habang bigla at malakihang umuurong ang base ng pagkonsumo ng masa. Sa iba't ibang sektor ng industriya, agrikultura at serbisyo, ubod nang luwang at lumuluwang pa ang agwat ng antas ng suplay at antas na pwedeng mabenta sa pamilihan.

Isang tampok na resulta ng sobrang produksyon ang pagsungaw ng problema sa deplasyon: ang pangkalahatang pagbagsak ng mga presyo bunga ng matumal na benta, kalakip ang biglang pagbagsak ng ganansya, kalakalan at produksyon. Tulad ito ng deplasyong humantong sa Malaking Depresyon ng mga taong 1930. Ang Japan at Asya ay saklot na ng deplasyon bunga ng biglang pagliit ng lokal at dayuhang pamilihan para sa kanilang mga produkto at pagkatuyo ng pautang at pinansya�laluna sa maliit at katamtamang-laking mga kumpanya sa Japan, pero pati sa mga pinakamalalaking kumpanya sa iba pang bahagi ng Silangang Asya. Ang mga pangunahing sangay ng industriya sa US at Europa ay binabagabag din ng matumal na benta, lumiliit na pamilihan at bumabagsak na tantos ng tubo.

Mula 1992 hanggang 1995, ang gubyerno ng Japan ay gumasta ng $535 bilyon para pampasikad ng ekonomyang matamlay mula noon pang 1990. Nitong 1998, dagdag pang $120 bilyon ang ibinuhos at umabot sa 10% ng kabuuang produksyong lokal ang depisit sa badyet. Mahigit ding $120 bilyon ang ibinuhos ng IMF mula 1997 bilang "panaklolo" sa mga bansa sa Asya. Pero mas mabilis na lumiit ang pribadong konsumo, kaya hindi napigilan ang ganap na pagkahulog ng Japan sa resesyon. Mga 65% lamang ng kapasidad sa produksyon ang gumagana, umabot sa unang pagkakataon sa 4% ang disempleyo, pero patuloy pang tumataas ang imbentaryo ng mga kumpanya na umabot sa 12% ng benta, doble ng dating pinakamataas na antas.

Sa industriya ng sasakyan sa buong mundo, ang kasalukuyang lampas ng produksyon sa pamilihan ay tatlong ulit ang laki kung ihahambing sa antas noong mga taong 1970. Tinatayang sa taong 2000 ang sobrang produksyon ng sasakyan sa buong mundo ay aabot ng 23 milyon, mas malaki pa sa kabuuang benta sa Hilagang Amerika, ang pinakamalaking pamilihan ng sasakyan.

Ang pagbagsak ng mga ekonomya ng Silangang Asya na tinatayang responsable sa kalahati ng pandaigdigang paglago at dalawang-katlo ng paglawak ng pandaigdigang kalakalan sa nakaraang ilang taon ay malaking tibag sa pandaigdigang pamilihan. Mula kalagitnaan ng 1997, bumagsak ng 30%�at umabot sa pinakamababang antas nito sa mahigit 25 taon�ang presyo ng lahat ng produktong agrikultural at mineral na hilaw at bahagyang naproseso. Napakatinding hagupit nito sa mga atrasadong bayang nakasalig sa ganitong tipo ng eksport.

Ang taunang tantos ng paglago ng mga industriyalisadong bayang kapitalista sa kasalukuyang dekada ay mahigit lamang nang bahagya sa 2%, di hamak na mas maliit kumpara sa 5% karaniwang tantos noong dekadang 1950 at 1960. Upang palakihin ang tantos ng ganansya sa kalagayang mabagal ang kabuuang paglago at papaliit ang pamilihan, ang mga kapitalista ay bumaling sa sagad-sa-butong pagpapaliit ng gastos, pagbabagong-istruktura at reengineering. Kalakip ng mga ito ang mas malawakang paggamit ng kompyuter at mataas na teknolohiya, biglaang pagbabawas ng empleyo, at mga higanteng pagsasanib at paglalamunan ng mga korporasyon.

Ang mga maniobrang ito ng monopolyong kapital at oligarkiya sa pinansya ay todong napairal sa pangingibabaw ng neoliberal na patakaran sa deregulasyon, pribatisasyon (pagluluwag sa pribadong negosyo) at pagkontra sa implasyon. Habang ibinibigay ang lahat ng luwag at pag-engganyo sa konsentrasyon, operasyon at pagpapalaki ng monopolyong kapital, walang patawad ang pag-atake sa diumanong implasyon sa sahod at pagtanggal sa "maga" sa gastos ng gubyerno sa pamamagitan ng paglaslas ng mga empleyado ng gubyerno at pondo para sa mga serbisyo at kagalingang panlipunan.

Ang resulta ay paglago na kumikitil ng hanapbuhay, paglobo ng disempleyo sa 35 milyon sa mga industriyalisadong bayan, pagbagsak ng tunay na halaga ng sahod at kita ng karaniwang mamamayan, at patuloy at mabilis na pagliit ng base ng pagkonsumong masa sa mga bayang kapitalista. Kaalinsabay ang ibayo pang pagtindi ng konsentrasyon ng kapital at pagmonopolyo ng mas dambuhala pa pero mas maliit na bilang ng monopolyong korporasyon sa pinansya, produksyon at pamilihan: Namayani sa mga pangunahing sangay ng negosyo ang labanang sa panalo ang lahat at talo ang maging pangalawa. Ibayong pinabilis ng mataas na teknolohiya ang konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital, gayundin ang pag-inog ng produksyon, kalakalan at negosyo at pagkawala ng silbi ng mga pabrikang mahusay pang umaandar. Ibayong pinabilis din ng manipulasyon sa pinansya at sobra-sobrang pangungutang ang agresibong pagpapalawak, gayundin ang akumulasyon ng kapasidad na sobrasobra sa laki ng pamilihan.

Mabilis na tumaas ang imbak ng mga produktong hindi mabili. Gabundok ang tambak ng makinarya at mga gusaling hindi mapaandar nang may ganansya. Sa kabila ng lawak at tindi ng pananalasang nagawa na ng kasalukuyang krisis, umpisa pa lamang ito ng paghalukay sa sistemang kapitalistang di matunawan. Ang pagsaid sa sobra-sobrang kapasidad ay magiging batbat ng mas marami at mas makayanig-mundo pang mga unos.

Krisis sa salapi at pinansya

Ang bigla at matarik na pagbulusok ng halaga ng salapi ng mga bansa sa Silangang Asya at pagkatapos, ng Rusya�karugtong ang deistabilisasyon at pagtungo sa koma ng buu-buong ekonomya ay tampok na katangian ng kasalukuyang krisis at dala ng malayang daloy ng puhunan at pinansya na iginigiit ng oligarkiya sa pinansya sa buong mundo. Mula nang pumutok ang krisis, bumagsak nang 80% ang halaga sa dolyar ng rupiah ng Indonesia, at nang 40% ang won ng Timog Korea at baht ng Thailand. Kalakip ng gayong pagbulusok ang pagkatuyo ng pautang at pamumuhunan, abot-langit na tantos ng interes, maramihang pagkabangkrap ng mga kumpanya at negosyo, pagsubsob ng produksyon at kalakalan, at pagragasa ng napakataas na implasyon.

Ang liberalisasyon at deregulasyon sa labas-pasok ng dayuhang puhunan at ganansya, at ang pagtatali ng halaga ng salaping lokal sa dolyar, ay reseta ng IMFWB sa mga bayang neokolonyal at dependyente para umakit ng dayuhang pamumuhunan na inaasahang pangunahing magpipinansya ng produksyong pang-eksport. Sa kabilang banda, inilako ng World Bank sa mga bangko at mamumuhunan ng Kanluran ang konsepto ng "emerging markets" ("pamilihang sumisibol" at labas sa mga establisadong sentro ng pinansya) at tinustusan nito ang binhing pondo para palaganapin ang pamumuhunan sa bono, real estate at pamilihan ng stock sa mga nasabing bansa.

Ang ganansyang umaabot sa 42% noong 1988 at 98% noong 1989 sa gayong pamumuhunan sa Asya ang nagpaimbulog sa mga "pamilihang sumisibol" at lumikha ng paghugos mula 1993 na biglang nagpalobo sa pamilihan ng stocks, bono at real estate sa Silangang Asya, umabot sa rurok nang pumasok ang $93 bilyon sa Timog Korea, Indonesia, Thailand, Malaysia at Pilipinas noong 1996, at nagbigay sa "globalisasyon" ng milagrosong kinang.

Sa wala pang kapantay na laki ng bula ng ispekulasyong namamayani sa mga pamilihang pinansyal, ang akyat at baba ng presyo ng mga papel na ibinebenta sa mga ito ay may sariling buhay sa alapaap gaya ng ipinapakita ng patuloy na pagsirit ng presyo ng stocks sa wall street habang papasubsob ang ganansya at kita ng mga korporasyong nakalista sa pamilihan.

Pero mula 1994 tuluy-tuloy na nawalan ng hangin ang pagsusulong nila ng eksport at tumindi ang depisit sa kalakalan bunga sa kalakhan ng pagkawala ng kanilang ungos sa presyo pagkatapos ng opensiba sa eksport at debalwasyon ng Tsina at pagbaba ng halaga ng yen ng Japan. Ang buhos ng ispekulatibo at panandaliang pondo ng sumunod na mga taon ay nagtakip sa lumalalang depisit, nagsustini sa sobrang halaga ng salaping lokal, at lumikha ng malaking bula ng pangungutang at ispekulasyon sa pinansya.

Nang umatake sina George Soros at mga kasabwat na ispekulador noong 1997, bumagsak ang halaga ng mga salapi sa Silangang Asya pagkaraan ng ilang linggo at mahigit $100 bilyong reserba ng mga bangko sentral sa rehiyon ang naglaho sa bigong pagtatanggol sa halaga ng kanilang salapi. Bumaling palabas ang hugos ng dayuhang pondo na umabot sa $12 bilyon para sa Timog Korea, Indonesia, Thailand, Malaysia at Pilipinas, ibig sabihin, $105 bilyon ($12 bilyon at ang naunang ipinuhunang $93 bilyon) na pagbaligtad ng daloy ng pinansya noong 1997, o katumbas ng 11% ng pinagsamang taunang produksyon ng mga nasabing bayan. Sa loob ng ilang buwan bumagsak ng 60% ang kabuuang halaga ng stocks sa pamilihan ng Asya.

Ang pagtumba ng mga salapi at pamilihan ng stocks, bono at real estate sa Silangang Asya ay nagpasuray ng salapi at pamilihan ng stocks sa buong mundo, yumanig maging sa US at Europa, at gumulagulanit sa alamat ng imperyalistang "globalisasyon." Pagkaraan ng sandaling pagkalma noong Enero at Pebrero 1998, muling bumagsak ang mga salapi at pamilihan ng stocks sa Silangang Asya. Noong Setyembre 1998, ang pamilihan ng stock sa Japan ay bumagsak sa pinakamababang antas nito sa nakalipas na 12 taon. Dahil hindi natangay ang US at Europa ng pangalawang pagsubsob ng Asya, kumakalat na ang palagay na ang krisis ay sa Asya lamang nang pumutok noong Agosto 1998 ang debalwasyon ng ruble at solong desisyon ng Rusya na tumigil sa pagbabayad sa utang. Muling tinamaan ng daang bilyong dolyar na pagkalugi ang mga bangko at mamumuhunan ng US at Europa at ito ay sinundan ng pagbulusok ng mga pamilihan ng stocks na tumunaw ng $4 trilyon ng yamang pinansyal sa buong mundo.

Ang labis na kabuwayan ng pandaigdigang sistema sa pinansya ay bunga ng sobra-sobrang manipulasyon, pag-abuso at ispekulasyon sa pinansya habang ang tunay na ekonomya ay pinahihirapan ng sobrang produksyon, kumikitid na pamilihan at bumabagsak na tantos ng ganansya. Ang bula ng pangungutang at ispekulasyon sa mga "pamilihang sumisibol" ay maliit na bahagi lamang ng bulang umiiral sa buong sistemang kapitalista. Ang halaga ng mga transaksyon sa mga pamilihan ng stock ay 30 hanggang 40 ulit sa tunay na halaga ng aktwal na halaga ng nayayari ng buong mundo. Ang transaksyon sa pandaigdigang pamilihan ng salapi ay halos $2 trilyon araw-araw, kumpara sa mga $5 trilyong halaga ng eksport ng buong mundo sa isang taon. Sa wala pang kapantay na laki ng bula ng ispekulasyong namamayani sa mga pamilihang pinansyal, ang akyat at baba ng presyo ng mga papel na ibinebenta sa mga ito ay may sariling buhay sa alapaap gaya ng ipinapakita ng patuloy na pagsirit ng presyo ng stocks sa Wall Street habang papasubsob ang ganansya at kita ng mga korporasyong nakalista sa pamilihan. Ang hanging nagpapalutang sa bula ay ganap na nakasalalay sa pagsusutini at patuloy na pagpapalaki ng daloy ng pondong itinataya sa dambuhalang gulong ng ispekulasyon. At para mantinihin ang naturang daloy, sari-sari, salasalabat at sapin-saping mga transaksyon, instrumento ng pagbebenta at pagbili, at mga salamangka ng istatistika, pagtaya at paghula ang ginagamit para higupin ang mga impok ng mamamayan, mga reserba at pondo ng mga gubyerno at lahat ng klase ng institusyong pribado at publiko sa lahat ng sulok ng mundo. Bukod sa mga institusyunal na ispekulador na nakabase sa mga higanteng bangkong komersyal at pampamuhunan, empresang broker ng stocks, kumpanya sa seguro, atbp�kasabwat sa paghihip at pagpapalutang ng bula ang burges na masmidya, mga bayarang akademiko, mga upisyal ng mga imperyalistang gubyerno, at mga internasyunal na institusyong gaya ng IMF-WB. Panggagantso ang tawag dito sa karaniwang buhay ng mga karaniwang tao.

Si Soros ay isang partikular lamang na tipo ng ispekulador na tipikal sa mga pinansyal na opereytor sa mga pandaigdigang sentro ng pinansya. Kahanay niya ang pinakamalalaking mga bangko at iba pang higante sa pinansya sa New York, London at Tokyo, na parang lagareng Hapon na may kain sa pagsulong at pag-urong, na naghahabol ng bilyun-bilyong dolyar na superganansya sa bawat galaw ng presyo sa pamilihan, maging paakyat man o pababa, sa paghugos papasok at maging sa paghugos papalabas ng pondong itinataya sa alinmang pamilihang pinakamataas ang lipad sa isang panahon. Sa katunayan, pagdating ng panahon ng pagbagsak, ang mga kinatawan at tauhan ng mga naturang oligarkiya sa pinansya pa rin ang lumuluto ng mga "paketeng pansagip" at kumikita pa uli bilang kapartner ng IMF sa implementasyon ng "programa sa pagbawi."

Krisis sa Pautang

Ang buong pandaigdigang sistemang kapitalista ay karagatan ng utang na habang lumalao'y lalong lumalalim at lumalawak at lalong lumalabo ang posibilidad na mabayaran. Ang pandaigdigang krisis na ito na bunga ng walang katulad na pag-abuso sa sistema ng pautang ay isang malaking pinagmumulan ng bilyun-bilyong dolyar na superganansya ng oligarkiya sa pinansya at kaalinsabay, nangungunang dahilan ng kawalang-tatag ng sistemang pinansyal sa nakaraang dalawang dekada at sa nakaraang dalawang taon ay humantong na sa deplasyon ng pautang na matinding nagkakait ng pinansya at lalong nagpapalalim ng depresyon sa malaking bahagi ng mundo.

Pumutok noong maagang bahagi ng dekadang 1980 ang krisis sa utang ng mga atrasadong bayan nang nagbanta ang Mexico at ilan pang bansang titigil sa pagbabayad ng utang sa labas, bagay na yumanig sa sistema ng pagbabangko ng mga kapitalistang bayan. Bago niyon, inengganyo ng mga pandaigdigang bangko ang pangungutang ng mga gubyerno ng mga atrasadong bayan dahil umaapaw sila sa pondong hindi maipamuhunan dahil sa istagplasyong namamayani sa Kanluran. Malaking bahagi ng pautang ay nawaldas sa korupsyon, pagtustos ng maluhong konsumo ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, pagpondo sa militarisasyon at kontrarebolusyonaryong digma, at iba pang di-produktibong gastos tulad ng mga proyekto at palabas na pang-aliw sa mga turista. Nang bumagsak ang pandaigdigang pamilihan ng mga eksport na hilaw na materyales mula 1979, marami sa mga bayang nangutang nang malaki ang nawalan ng kakayahang patuloy na maghulog sa taunang bayarin sa prinsipal at interes.

Doon nag-umpisa ang trabaho ng IMF-WB bilang kolektor ng pautang ng mga bangkong komersyal at mga gubyerno ng Kanluran, at tagapataw ng mga kundisyon at "structural adjustment" na pwersahan at malawakang dumistrungka sa mga istruktura at patakaran sa ekonomya, kalakalan, pananalapi, pagbubuwis at pagbabadyet ng mga bayang lubog sa utang. Higit pa, ang mga atrasadong bayang lubog sa utang ay inobligang maghigpit ng sinturon, magbenta ng "hiyas ng pamilya", pumayag na lalong magkasira-sira ang dati nang primitibong mga serbisyong panlipunan, pumayag na masakripisyo ang produksyon ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mamamayan, pumayag na mahigpit na kontrolin ng mga dayuhan ang lahat ng pinakamahalagang bahagi ng ekonomya, at sumunod sa lahat ng dikta sa deregulasyon at liberalisasyong pabor sa dayuhang kapital�makabayad lamang sa utang. Isinakripisyo ng mga bayang lubog sa utang ang anumang kayamanan at pag-unlad na naipon sa nakaraang ilang dekada, ibayong tumindi ang paghihikahos ng kanilang mamamayan. Sinalanta ng taggutom, epidemya at mga alitang etniko at relihoyoso ang malalawak na bahagi ng mundo. Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi nabawasan kundi lalong lumaki ang kabuuang utang, lalong lumala sa halip na maibsan ang krisis sa pautang.

Habang nagpapatuloy ang dating krisis sa utang ng mga atrasadong bayan, ang krisis sa Asia ay naglantad sa panibagong aspeto ng pandaigdigang krisis sa pautang: ang bundok ng utang ng mga pribadong kumpanya na nagdadagdag ng mas malaki pang banta sa buong sistemang pinansyal ng mundo.

Nang mag-umpisa ang krisis, ang kabuuang utang sa labas ng mga atrasadong bayan ay halos $600 bilyon. Umabot iyon sa $1086 bilyon noong 1986, sa $1419 noong 1992, at $2000 bilyon noong 1995 (kasama ang utang sa labas ng dating blokeng Sobyet). Mula 1980 hanggang 1992, ang kabuuang bayad sa prinsipal ($891 bilyon) at interes ($771 bilyon) ay tatlong ulit ng orihinal na laki ng utang noong 1980. Pero pagkatapos niyon, ang suma ng utang na dapat pang bayaran ay isa at kalahating ulit pa rin ang laki sa pinag-umpisahan. Gaya ng isang magsasakang hawak sa leeg ng usurero, ang mga atrasadong bayan ay pwersado nang mangutang sa mas mataas na interes para lamang makapaghulog sa mga bayarin sa dating utang. Mula 1984, mas malaki ang ibinayad ng mga gubyerno ng mga bayang lubog sa utang kaysa sa bagong pautang at ayudang natanggap nila mula sa gubyerno at bangkong komersyal ng mayayamang bayan at IMF-WB. Palabas hindi papasok ang netong daloy ng pondo sa mga transaksyon ng gubyerno.

Habang nagpapatuloy ang dating krisis sa utang ng mga atrasadong bayan, ang krisis sa Asya ay naglantad sa panibagong aspeto ng pandaigdigang krisis sa pautang: ang bundok ng utang ng mga pribadong kumpanya na nagdadagdag ng mas malaki pang banta sa buong sistemang pampinansya ng mundo. Sa panahon ng bula at pag-uunahan ng mga pribadong bangko at empresang pinansyal na makakuha ng malaking hati sa malaking kita sa mga "pamilihang sumisibol," dumagsa ang murang pautang na sinakmal naman ng mga kumpanyang nangutang nang sobra-sobra para agresibong magpalawak ng hati sa pamilihan. Ibayong nagpabilis at nagpatindi ito ng akumulasyon ng sobrang kapasidad at krisis sa sobrang produksyon. Nang pumutok ang bula, tambak din ang utang na di mabayaran.

Sa mga bayan ng Silangang Asya na pinakamatinding tinamaan ng krisis, tinatayang ang utang ng karaniwang kumpanyang nakalista sa pamilihan ng stocks ay 400% hanggang 600% ng kanilang puhunan. Ang pautang na lugi ay katumbas ng 50% hanggang 100% ng kabuuang produkto ng maraming bayan sa rehiyon. Nalumpo ang sistema ng pagbabangko sa mga bayang matinding tinamaan dahil nalugi ang napakalaking bahagi (20% o mahigit pa) ng kanilang pautang sa mga negosyante sa real estate, konstruksyon at iba pang pribadong kumpanya.

Ang labis-labis na pasaning pautang ay sumasakal hindi lamang sa mga bangko kundi sa buong ekonomya. Ibayong nagpapabigat sa pasaning ito ang bundok ng luging pautang; lalo silang nakasalig sa pondong magmumula sa labas para sa daan-daang bilyong dolyar na kailangan para linisin ang luging pautang at muling mapagana ang pagpapautang. Pero ang pangungutang nila ay tatlong ulit na mas mahal ngayon kaysa noong bago ang krisis. Wala pang katiyakan kung may handang magpautang dahil mas patindi pa sa halip na pahupa ang pangkalahatang pag-urong ng pamumuhunan at pautang. Ang kabuuang daloy ng tuwirang dayuhang pamumuhunan sa mga "pamilihang sumisibol" ay bumagsak sa $186 bilyon mula sa $300 bilyon noong 1996, at tinatayang bababa pa sa $119 bilyon sa 1999. Higit pa, ang buong sistema ng pautang ay labis-labis nang banat sa pag-apula sa sunog na patuloy na lumalaki at mabilis na kumakalat.

Ang Japan ay saklot din ng napakatinding krisis sa utang. Tinatayang halos $600 bilyong pautang ng mga bangkong Hapones ang lugi. Mahigit $270 bilyon ang pautang nila sa Asya. May mga ibang nagpapalagay na ang problema ng mga bangkong Hapones sa luging pautang ay maaaring doble pa sa naiulat. Labing-apat sa 21 pinakamalaking bangko (kabilang ang ilan sa pinakamalaki sa buong mundo) ay may napakataas na tantos ng luging pautang. Itinutulak ng US ang gubyernong Hapones na lutasin nang mabilis ang krisis sa bangko dahil ito ang malaking dahilan sa patuloy na pagliit ng pribadong pamumuhunan at pautang sa Japan. Hindi lamang sa Japan ang peligrong dulot nito dahil sa kabila ng krisis, nananatili ang Japan bilang numero unong bansang nagpapautang.

Ang pautang ng mga bangko ng Europa sa Asya ay katumbas ng 49% ng kabuuang kapital nila. Matindi na ang tamang ito, pero di hamak na mas matindi pa ang hagupit sa kanila ng pagtigil ng pagbabayad ng utang, pagbagsak ng mga pangunahing bangko ng Rusya, at ibinungang pagtalilis ng kapital sa iba't ibang sulok ng daigdig. Ang mga bangko ng US na nag-aakalang nakaiwas sa tindi ng krisis sa utang ng Asya ay mas malakas pang yinanig ng krisis sa Rusya at nagbabantang tumbukin ng unos ng Amerika Latina. Malaking porsyento ng mga pautang ng mga pandaigdigang bangko ang wala nang pag-asang mabawi, at ito ay titipak sa malaking bulto ng puhunan ng buong sistema sa pagbabangko at magpapatumba kahit sa pinakadambuhalang mga bangko. Kaalinsabay, ang krisis sa pautang ay lalong magpapalalim at magpapatagal sa dislokasyon ng produksyon at maghahasik ng ibayo pang lagim sa mundo.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kor