![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Pagkatapos ng serye ng ligtas na pagpapalaya kina Heneral Obillo, Kapitan Montealto, Chief Insp. Bernal at Sarhento Lozada, hindi na mapasusubalian ang kakayahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na bumihag at mangalaga sa mga bihag sa digmaan na matataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kabila ng malakihang pagtatambak ng pwersa at malawakang opensibang militar ng AFP at pulisya. Malinaw ding napatunayan ang pagiging bukas ng isip at pleksibilidad ng National Democratic Front of the Philippines (Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas o NDFP) sa pagtugon sa inisyatiba at kabutihang-loob ng mga pribadong grupo ng mga obispo at prominenteng tao�habang matatag na nilalabanan at binibigo ang namamayagpag na kahambugan, mga pagbabanta, mga paghadlang, mga sapilitang paghingi ng pagsuko, at lahat ng tipikal na estilong sanggano ng rehimeng Estrada. Maging si Sarhento Demol, ang espiyang nabihag ng BHB sa Timog Katagalugan, ay pinalaya na rin ng BHB. Matagal siyang pinabayaan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at AFP, pagkaraang gamitin sa maraming taon sa paniniktik at pananabotahe sa rebolusyonaryong kilusan. Mas masahol pa, matagal na inantala ng walang tigil at malawakang mga opensibang militar sa Rizal, Laguna at Quezon ang kanyang paglaya kahit mayroon nang komitment dito ang NDFP. Sa anu�t anuman, ang pagpapalaya ng NDFP sa mga bihag nito sa digmaan ay lalong nagpapatampok sa usapin ng negosasyong pangkapayapaan, at sa mga kagyat at matagalang isyung mahigpit na kunektado rito. Pangunahin sa mga kagyat na isyu ang paglabag ng GRP sa JASIG (Magkasamang Kasunduan sa mga Garantiya sa Kaligtasan at Imunidad) at iba pang kasunduan ng dalawang panig, ang pagpapatupad sa CARHRIHL (Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-Tao at sa Internasyunal na Makataong Batas) na aprubado na kapwa ng GRP at NDFP. Patuloy ang pagtalikod ng GRP sa responsibilidad nitong palayain ang mga bilanggong pulitikal at bigyankumpensasyon ang mga biktima ng mga pag-abuso ng diktadurang Marcos sa mga karapatang-tao. Patuloy ding dumarami ang mga kaso ng pagpatay nang walang paglilitis, mga pagdukot, tortyur, mga blokeyo sa pagkain, pambobomba at pwersahang ebakwasyon ng masa. Ang matagalang mga isyu naman ay ang mga repormang sosyo-ekonomiko at mga reporma sa pulitika at konstitusyon na bumubuo ng substantibong adyenda ng negosasyong pangkapayapaan. Sa kabila ng mga pangako ng rehimeng Estrada, nananatiling madilim ang hinaharap ng negosasyong pangkapayapaan dahil hindi lamang nagawang sirain ng rehimen sa loob ng kalahating taon ang lahat ng bunga ng nakaraang anim na taon ng mahirap at masalimuot na negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP. Hindi ito tumitigil sa pagwasak sa anumang batayan ng pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Kahit bago pa binihag sina Heneral Obillo at Kapitan Montealto, ang usapang pangkapayapaan ay halos pinatay na ng GRP sa ilalim ng rehimeng Estrada sa pamamagitan ng pagpaparating ng sumusunod na malinaw na mga mensahe sa NDFP:
Labag sa CARHRIHL, ang GRP sa ilalim ng rehimeng Estrada ay nagpapatupad ng patakaran ng pagpatay nang walang paglilitis, pagdukot, pagtortyur, pagblokeyo sa pagkain, pambobomba at pwersahang ebakwasyon ng masa. Ang mga lansakang paglabag na ito sa mga karapatang-tao ay mga lansakang paglabag din sa internasyunal na makataong batas (Kumbensyon ng Geneva at mga protocol nito), na ipinatutupad ng NDFP, tulad ng ipinakikita ng paggalang ng NDFP sa mga karapatan at makataong pakikitungo sa mga bihag nito sa digmaan. Dagdag pang labag sa CARHRIHL, ang GRP ay tumatangging alisin ang mga mapanupil na dekreto, batas, patakaran at kampanya na lumalapastangan sa mga karapatang-tao at nagtutulak pa nga ng higit na lehislasyon para pasahulin pa ang mga ito. Kinakasangkapan nito ang pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal sa pakikipagtawaran at nakikipagsabwatan ito sa mga Marcos para lokohin ang mga biktima ng mga paglabag ng rehimeng Marcos sa mga karapatang-tao. Gustong amyendahan o palitan ng GRP ang kasalukuyang konstitusyon upang alisin ang mga probisyon na itinuturing nitong hadlang sa patakaran ng panunupil at upang pahintulutan ang paglapastangan sa bawat aspeto ng pambansang soberanya, gaya ng mga batas na nagbebenta sa pamana at ekonomya ng bansa at tratado sa "bumibisitang" mga dayuhang pwersang militar. Nagwawalambahala ang GRP sa mga reklamo ng NDFP tungkol sa kasalukuyang mga paglabag sa mga karapatang-tao at tumatanggi itong tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng CARHRIHL at makipag-usap tungkol sa malawak na hanay ng mga isyung saklaw ng kasunduang ito, kabilang na ang isyu ng mga bihag sa digmaan. Sa halip na makipagnegosasyon tungkol sa batayang pulitikal at ligtas na paraan ng pagpapalaya kina Heneral Obillo at Kapitan Montealto, ang pagkakabihag ng mga nasabing upisyal militar sa nagpapatuloy na digmaan ng GRP at mga rebolusyonaryong pwersa ay ginagamit na katwiran ng GRP para labagin ang JASIG at ang CARHRIHL at sirain ang Magkasamang Deklarasyon sa The Hague sa pamamagitan ng sapilitang paghingi ng pagsuko ng NDFP. Bilang bahagi ng patakaran ng GRP na talikuran ang negosasyong pangkapayapaan at labagin ang CARHRIHL, itinuturing nitong karaniwang krimen ang bawat aksyon ng Bagong Hukbong Bayan na kung tutuusiy lehitimo sa mata ng batas sa armadong labanan. Pinalilitaw ng GRP na ang mga rebolusyonaryo, kabilang ang mga negosyador at konsultant ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan, ay mga kriminal na kasapakat at ginagantihan ang mga bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng walang-matwid na pagpapatagal sa kanilang pagkakabilanggo. Ang GRP sa ilalim ng rehimeng Estrada ay lubos na walang intensyong bumalik sa pormal na pakikipagharap sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP. Kung hindi nito magawang makipag-usap sa NDFP tungkol sa relatibong menor na usapin gaya ng isyu ng ilang bihag sa digmaan, hindi nito magagawang makipag-usap tungkol sa mas malalaking isyu ng substantibong adyenda ng negosasyong pangkapayapaan. Kita ng lahat ng bukas ang mata na ang GRP, laluna sa ilalim ng rehimeng Estrada, ay walang interes sa seryosong negosasyong pangkapayapaan para lutasin ang mga ugat ng digmaang sibil. Paghahabol lamang ng pagpapasuko at pasipikasyon ng rebolusyonaryong mamamayan at pwersa ang tanging interes nito. Ipinangangalandakan ng rehimeng Estrada ang pagkahaling nito sa solusyong militar at paghamak sa pakikipagnegosasyon sa NDFP. Pinalaya ng NDFP ang mga bihag nito sa digmaan ayon sa sariling mga kundisyon ng rebolusyonaryong kilusan, bilang pagpapatupad ng demokratikong pampulitikang kapangyarihan at awtoridad, at alinsunod sa Internasyunal na Makataong Batas. Kaalinsabay, ang rebolusyonaryong mamamayan at pwersa ay lubos na nakahandang isulong ang lahat ng anyo ng paglaban sa rehimeng Estrada na ganap nang napatunayang rehimen ng pinakamasahol na mga pampulitikang tagapagmana ng diktadurang Marcos. Walang kabuluhan ang anumang pangako ng rehimeng Estrada na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP dahil nilabag na nito, patuloy na nilalabag at tiyak na patuloy pang lalabagin ang taimtim na mga kasunduang bilateral sa pagitan ng GRP at NDFP. Pagkatapos ng pagpapalaya sa mga bihag sa digmaan, dapat magmatyag at maghanda sa mas maigting at mas malakihan pang opensibang militar at panunupil ng rehimeng Estrada. Dapat lalong pag-ibayuhin ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang lahat ng anyo ng paglaban sa iba�t ibang larangan. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|