Panagutin at parusahan si Lacson, Estrada at iba pang direktang may pakana ng mga pambobomba sa Kamaynilaan
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal
Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
Mariing binabatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rehimeng USEstrada sa pagsasagawa ng teroristang mga pambobomba at pagkitil sa buhay ng mahigit 15 inosenteng sibilyan.
Pagbabayaran ng rehimeng US-Estrada nang malaki ang terorismo nito. Binibigyan nito ng dagdag na katwiran ang Bagong Hukbong Bayan na maglunsad ng mga aksyong pagparusa sa pinakamasasamang elemento ng naghaharing pangkat, laluna sa mga pasista at teroristang direktang nagpakana ng pambobomba nitong Disyembre 30, sa pangunguna ni Gen. Panfilo Lacson.
Tanging ang rehimeng US-Estrada ang may pakinabang sa pambobombang ito. Isinagawa ito ni Estrada at ng kanyang mga pangunahing pasistang upisyal sa AFP at PNP upang gamiting dahilan sa pagpuntirya sa mga personalidad sa malapad na nagkakaisang prenteng anti-Estrada, ilayo ang atensyon sa paglilitis laban kay Estrada at gumawa ng eksena para muling makapagbida. Nais ni Estrada na lumikha ng kaguluhan at takutin ang mamamayan sa desperadong pagtatangkang hadlangan ang tuluytuloy na paglakas ng kilusang protesta, laluna ang inaasahang muling pagsambulat nito sa pagpasok ng 2001.
Gayunpaman, tiyak na hindi nito mapipigilan ang mamamayang Pilipino sa paglulunsad ng mga protesta dahil napakalalim ng galit at napakatindi nang pagkamuhi nila sa ubod nang bulok na gubyernong Estrada. Anumang terorismo at pasismo ni Estrada laban sa mamamayan ay tiyak na lalo lamang magpapaliyab sa apoy ng protesta. Ang pagsalakay sa di armadong mga sibilyan ay nag-uudyok sa mamamayan na maglunsad ng higit na malalaki at maiigting na aksyong masa.
Habang naninindigan ang Partido at BHB na ang pagpapabagsak sa rehimeng Estrada ay idudulot pangunahin ng mga bigwas ng mapayapa at militanteng mga dambuhalang aksyong masa sa kalunsuran, nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa, laluna ang mga mandirigma ng BHB sa kanayunan, na ibayo pang paigtingin ang digmang bayan sa buong bansa at ilunsad ang mga armadong taktikal na opensibang tutulong sa pagpapabagsak sa gumegewanggewang nang rehimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|