Mga tagumpay ng rebolusyonaryong mamamayan at kilusan sa Western Mindanao
Maraming dahilan upang ipagdiwang ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ng Western Mindanao ang ika-36 na anibersaryo ng Partido. Sa nakaraang taon, mahusay na nagampanan ng rehiyon ang mga rebolusyonaryong tungkulin nito at nakapag-ambag sa pambansang panawagang palakasin at palawakin ang digmang bayan. Nakapaglunsad ito ng mga pakikibakang masa, higit na napalawak at napatatag ang baseng gerilya at napataas ang armadong kakayahan ng BHB sa rehiyon. ![](../../angbayan/images/050107/westmind.gif)
Daan-daang pamilya ang nakinabang sa minimum na programa sa reporma sa lupa na pinamunuan ng Partido. Naitaas ang sahod ng mga manggagawang bukid sa mga palayan at niyugan, napawi ang di makatarungang kaltas sa timbang ng kopra, napababa ang usura nang 50% at napababa ang pamasahe sa pagluluwas ng mga produktong agrikultural. Napababa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa baryo at napaunlad ang produksyon sa pamamagitan ng tulungan. Naabot ang mga ito sa pamamagitan ng nagkakaisang pagkilos ng mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid at mababang panggitnang magsasaka na naglunsad ng mga demokratikong konsultasyon, dayalogo at pakikipag-alyansa. Tuluy-tuloy ding nailunsad ang mga kampanya sa edukasyon, literasiya, kultura, kalusugan, produksyon, pagtatanggol sa karapatang-tao at iba pang kampanyang nagtataguyod sa kagalingan ng mamamayan.
Higit na lumawak ang organisadong lakas ng mamamayan. Aabot na sa ilampung libo ang mga kasapi ng mga samahang magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang demokratikong sektor. Ang kabuuang baseng masa ay umabot na sa ilandaang libo at nakikitang lalaki pa ito sa susunod na taon.
Sumigla ang suporta at partisipasyon ng mga samahang magsasaka sa armadong pakikibaka. Dahil dito, marami sa kanila ang nahikayat na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at sa gayon ay higit na napalakas ang armadong kakayahan nito.
Hindi nagapi ng reaksyunaryong hukbo ang mga pormasyong platun na naitayo na sa mga larangang gerilya. Napasubalian ng karanasan ng BHB rito ang ipinangangalandakan ng AFP na hindi na muling mababawi ng BHB sa Western Mindanao ang baseng masa nito na nabuwag noong dekada 1980 bunga ng malulubhang paglihis. Matagumpay na nakabalik at kumilos ang BHB sa mga estratehikong lugar sa limang prubinsya ng rehiyon. Napangibabawan nito ang matitinding kampanyang saywar ng militar at kanilang mga kasapakat. Kabilang na rito ang panlilinlang ng RPA-ABB na nagkukunwaring rebolusyonaryong grupo.
Noong nakaraang taon, nakasamsam ang BHB sa rehiyon ng 30 malalakas na armas. Aabot sa 41 sundalo ang napatay at 21 ang nasugatan sa mga inilunsad nitong ambus, reyd at pagdidisarma at sa mga engkwentro nito sa AFP at CAFGU. Makailang beses nitong matagumpay na naipagtanggol ang sarili sa mga sorpresang atake ng kaaway.
Hindi na maitatwa ang lawak na naabot ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa Western Mindanao. Noong nakaraang eleksyon, marami-raming pulitiko ang kusang lumapit sa rebolusyonaryong kilusan upang humingi ng pahintulot na makapangampanya sa mga lugar ng rebolusyonaryong gubyerno.
Sa kalunsuran, nagkaroon ng panibagong sigla ang paggampan ng mga rebolusyonaryong gawain. Katulad sa kanayunan, sistematikong nailunsad ang mga anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang kampanya. Kabilang dito ang mga pakikibaka laban sa imperyalistang globalisasyon at panghihimasok ng mga tropa ng US sa bansa. Inilunsad rin ang mga kampanya para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa National Integrated Protected Areas o NIPAs at iba pang kontra-lumad na mga proyekto. Aktibo ring sinuportahan ng kilusang masa sa kalunsuran ang mga pakikibaka sa kanayunan.
Sa kanayunan at kalunsuran, lumawak at tumatag ang organisasyon ng Partido. Lumaki nang 45% ang kabuuang kasapian ng Partido. Karamihan sa mga bagong kasapi ay nagmumula sa mga organisasyong masa sa mga baryo.
Sa harap ng mga tagumpay na ito, tinukoy ng PKP-Western Mindanao ang mga tungkulin nito para sa susunod na mga taon upang higit pang palakasin ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.
Halaw sa pahayag ng PKP-Western Mindanao
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|