Sa buong Mindanao...
Sa kasalukuyan, nakaugat ang Partido sa limang rehiyon ng Mindanao. Sa ilalim nito ang mga komite ng larangang gerilya at ilang interrehiyunal at munisipal na komite. Daan-daang sangay ng Partido ang matatagpuan sa mga baryo, mga komunidad ng maralitang-lunsod, paaralan, pabrika at mga upisina. Umabot na sa ilang libo ang kabuuang bilang ng mga kasapi ng Partido sa isla. Lumaki pa ito nang 33% sa loob ng nakaraang taon.
Mahigpit na pinamunuan ng Partido ang pagsulong ng armadong pakikibaka sa isla. Sa nakaraang taon, nailunsad ng BHB rito ang 60 taktikal na opensiba kung saan nakakumpiska ng 150 malalakas na armas. Saklaw ng BHB ang 20 prubinsya, 200 bayan at 1,500 baryo.
Naitayo na ng BHB ang mga demokratikong gubyernong bayan sa maraming lokalidad. Libu-libong mamamayan ang nakinabang sa matatagumpay na pakikibakang masa para sa minimum na programa ng reporma sa lupa. Sa kanayunan at kalunsuran, pinamunuan ng Partido ang iba't ibang kampanya at pakikibakang masa.
Napanatili rin ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon sa isla ang mga alyansa nito sa iba pang progresibong organisasyon. Patuloy na tinatamasa nito ang mahusay na pakikitungo ng Moro Islamic Liberation Front. Napalawak nito ang pakikipag-alyansa sa mga progresibong elemento ng simbahan, mga paaralan, mga kawani ng gubyerno at maging sa loob ng reaksyunaryong militar.
Halaw sa pahayag ng PKP-Mindanao Commission
|