Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sunggaban ang sitwasyong ibinunga ng pag-aaklas ng mga kabataang upisyal militar

 Read this article in English

Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Mabilis na tumumba ang pag-aaklas ng mga kabataang upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Pero sa kabila niyon, ang AFP, Philippine National Police at mga reaksyunaryong naghaharing uri ay patuloy na niyayanig ng mga pagbubulgar at pagkundena ng mga nag-aklas sa talamak na korupsyon sa reaksyunaryong gubyerno at AFP-PNP, malubhang demoralisasyon sa hanay ng mga upisyal at sundalo, at ang pagpapakana ng Malakanyang at AFP ng terorismo at pambobomba sa Mindanao. Ang mga pagbubulgar at pagkundena ay matinding tumatalab sa mga karaniwang sundalo at nakabababang upisyal ng AFP-PNP at maging sa karaniwang mamamayan.

Tampok sa mga isyung pinakulo ng pag-aaklas ang isyu sa korapsyon at teroristang pambobomba ng AFP sa Mindanao. Pero nauungkat din ang malalang paghihikahos ng mamamayan, ang kabulukan ng gubyerno at lipunan, ang tunay na mga ugat ng armadong labanan at ang pangangailangan ng mga pundamental na pagbabago sa lipunan.

Isinasangkalan ng mga propagandista at mga abugado ng Malakanyang ang kuneksyon ng reaksyunaryong oposisyon sa pag-aaklas militar para menosin ang protesta ng mga kabataang upisyal, limitahan ang pinsalang magagawa ng mga nag-aklas, at gipitin ang mga karibal sa pulitika. Bagamat may mga palatandaan ng gayong ugnayan, may mga malinaw ding indikasyon ng sariling mga isyu at sariling palo ng mga kabataang upisyal. Ang pagkasangkot naman ng mga reaksyunaryong anti-GMA sa mga ekstra-konstitusyunal na hakbang � bukod sa sumasalamin sa desperasyon ng ilan sa kanila � ay ibayong nagpapaigting sa mga hidwaan at labanan ng mga reaksyunaryo.

Kaya ang pag-aaklas at ang kasunod na mga tuligsaan at mga maniobra at kontra-maniobra ay lalong nagpainit sa mga pangunahing isyung pambansa at panlipunan at lalong nagpasidhi sa mga hidwaan ng mga reaksyunaryo. Sunggaban natin ang mainam na sitwasyon para magpalawak at magpalakas ng ahitasyon at propaganda, mga protestang masa, mga taktikal na opensiba at gawaing alyansa.

Ang higit pang pagpapasigla ng mga pakikibakang masa at mga taktikal na opensiba ang pinakamainam na paghahanda para sa iba pang malalaking laban: pagdalaw ni Bush, paglaban sa interbensyong militar ng US, paglaban sa pinaiigting na pasistang pananalakay sa mga larangang gerilya at kilusang masa, eleksyong 2004, at iba pa.

Habang umiiwas na makupot sa usapin ng pagsuporta o di kaya'y pagkundena sa pag-aaklas � bigyang-diin natin ang nahahalukay na mga kaso at isyu ng korapsyon at kabulukan, teroristang pambobomba ng AFP sa Mindanao at iba pang pakanang antimasa, antinasyunal at anti-demokratiko ng papet na rehimen upang higit pang palawakin ang mga protestang masa, palakasin ang ahitasyon sa hanay ng mga sundalo at pulis, at mas palawakin ang ugnay at pakikipagtulungan sa pinakamalapad na posibleng hanay ng mga progresibo at positibong pwersa.

Pag-ibayuhin ang paghihiwalay at pagbigwas sa imperyalismong US, sa naghaharing pangkating papet na Macapagal-Arroyo at sa mataas na kumand ng AFP at PNP. Ang teroristang pang-iintriga ng AFP sa Mindanao ay direktang nagsisilbi sa pagpapaigting ng interbensyong militar ng US at todong militarisasyon at pasistang terorismo ng estadong papet at reaksyunaryo.

Maging alerto din sa paglitaw ng dagdag at mas malalaking bitak sa kampo ng naghaharing reaksyunaryong paksyon para lalong ihiwalay ang pinakamalaki at pinakamasugid na mga papet at reaksyunaryong nakapaligid sa pangkating Arroyo-Reyes.

Tamang mantinihin ng ligal na demokratikong kilusan ang distansya sa mga reaksyunaryong oposisyong maka-Estrada at pinakamasahol na mga pampulitikang labi ng pasistang pangkating Marcos. Tamang hiwalay na magmartsa ang ligal na demokratikong kilusan kahit sumabay ang mga maka-Estrada at maka-Marcos sa pagkilos kaugnay ng iisang isyu o okasyon.

Kaalinsabay, dapat aktibo nating samantalahin ang maigting na labanan nila ng naghaharing paksyong Arroyo. Kailangang maging agresibo at mapanlikha sa paghahanap ng mga paraan para makinabang nang di tuwiran at sa di hayag na paraan ang kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan.

May partikular na halaga ang papel ng kilusang masa at gawaing alyansa sa Mindanao. Kailangang palakasin ang kilusan para siyasatin ang mga pambobomba at pasistang terorismo sa Mindanao, parusahan ang mga utak ng mga ito, at bayaran ng danyos at tulungan ang mga biktima. Dapat tumbukin din ng kilusang ito ang paglalantad at paglaban sa pinaiigting na interbensyong militar ng US at militarismo't pasismo sa isla at sa buong bansa. Kailangang aktibong tumulong sa pagpapalakas ng kilusang protesta sa Mindanao ang ligal na demokratikong kilusan sa ibang bahagi ng bansa laluna ang sa Metro Manila.

May partikular na halaga rin ang pagtugon ng kilusang kabataan sa mga isyu at pag-aaklas ng mga kabataang upisyal ng AFP. Kailangang manguna ang progresibong kilusang kabataan sa pag-ungkat, pagtalakay, at pagpapakilos ng malawak na hanay ng kabataan at mamamayan para lutasin ang mga isyu sa korupsyon, kahirapan, kabulukan sa lipunan at gubyerno, at pundamental na pagbabago sa lipunan.

Kailangang palakasin ang anti-imperyalistang kilusang protesta bilang bahagi ng patuloy na paglaban sa interbensyong militar ng US, pakikibaka sa imperyalistang globalisasyon, at paghahanda sa pagdalaw ni Bush sa Oktubre. Sunud-sunod ang malalaking isyu na pwedeng patampukin hanggang sa pagdating ni Bush: interbensyong militar, open skies agreement, lubos na liberalisasyon ng World Trade Organization sa kalakalang agrikultural, kasunduan sa immunity ng mga tropang US sa International Criminal Court, charter change para lalong paburan ang mga korporasyong transnasyunal at iba pa.

Kailangang palawakin at pasiglahin ang pakikipagtulungan at pagpapakilos sa mga pwersa at elementong makabayan. Pasiglahin ang mga aksyong protesta, gawaing propaganda, mga forum at iba't ibang pagtitipon at aktibidad na anti-imperyalista at salubungin si Bush ng mga dambuhalang protesta.

May makabuluhang papel ang pagsigla ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa pagigting ng krisis sa pulitika ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Kailangang higit pang palawakin at paigtingin ang mga taktikal na opensiba para puspusang labanan ang pagkukumahog ng papet na pangkating Arroyo-Reyes na maglipat ng mas malaki pang pwersa at armas tungo sa mga larangang gerilya ng BHB, pagbayarin sila sa pinaiigting na pasistang terorismo sa kanayunan at kalunsuran at labanan ang pinaiigting na interbensyong militar ng US.

Pinakamahalaga sa lahat ang higit pang pagpapalakas ng ahitasyon at mga pakikibakang masa sa mga baryo, pabrika, komunidad, paaralan at lansangan. Ang aktibong masaklaw na ahitasyon at propaganda ay dapat sabayan ng ibayong mas malawak na pagsuyod, pag-abot at pagpapakilos ng masa sa mga batayang antas. Kailangang pursigidong lutasin at igpawan ang mga hadlang at problema sa pagpapalawak at pagpapataas ng antas ng organisasyon ng masa. Kailangang pursigidong buhayin at pasiglahin ang mga kampanya at protestang masa. Kailangang sinupin at paunlarin ang mga pamamaraan at teknik sa pagpukaw at pagpapakilos sa masa.

 


 Back to top 

15 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Sunggaban ang sitwasyong ibinunga ng pag-aaklas ng mga kabataang upisyal militar
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.