Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Mga desperadong pakana ng rehimeng Arroyo para makapanatili sa poder

 Read this article in English

Lalong nagiging desperado ang naghihingalong rehimeng Arroyo sa ibayong pag-igting ng krisis pang-ekonomya at pampulitika sa bansa. Sarisari ang maniobra at pakanang ginagawa nito para makapanatili sa poder hanggang 2004 at lampas pa rito. Ngunit sa kalakha�y bigo at bumubwelta rin sa rehimen ang mga maniobra at pakana nito.

Binigyang-daan at sinakyan ni Arroyo ang pakanang impeachment kay Chief Justice Hilario Davide Jr. na pinagulong ng mga tauhan ni Eduardo �Danding� Cojuangco sa Kongreso sa pag-asang hindi na lalabanan at sa halip ay susuportahan pa ni Cojuangco si Arroyo sa darating na halalan. Ngunit bunga ng malaking kontra-bigwas na nilikha nitong kutsabahan at pakana nila, naghugas-kamay na lamang si Arroyo at sumakay sa deklarasyon ng Korte Suprema na iligal ang prosesong dinaanan ng impeachment.

Hindi nawawala ang salik ng dahas sa maniobrahan at bangayan sa pagitan ng pangkating Arroyo at mga reaksyunaryong anti-Arroyo para sa pampulitikang poder. Kahit pilit na pilit, sinikap pa rin kamakailan ng mga pulitikong anti-Arroyo na gamitin ang pagkaunsyami ng pakanang impeachment para samantalahin ang destabilisasyong nalikha nito at magplano ng kudeta. Samantalang pinaghahandaan nila ang eleksyon sa 2004, binabalak nilang agawin na ang poder kahit bago pa man ang eleksyon. Kabilang sa tangkang pagyanig sa rehimeng Arroyo ang paglulunsad ng demonstrasyon ng ilampung libo noong Nobyembre 12. Sa utos mismo ni Arroyo, agad itong marahas na sinupil sa napakaliit na dahilang lumampas ang mga demonstrador nang ilang minuto sa takdang oras ng pagtatapos. Mabilis na nabuwag ang hanay ng mga demonstrador nang pagpapaluin sila ng mga pulis, bombahin ng tubig at pasabugan ng tirgas.

Samantala, sa kanayunan, tuluy-tuloy ang matitinding operasyong militar at paggamit ng karahasan ng estado laban sa mga karaniwang magsasaka. Ito ang pangunahing ginagamit na paraan ng rehimen sa pagsisikap na masupil ang lumalawak at lumalakas na paglaban ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Kasabay ng mga ito, gumagawa rin ang rehimen ng marurumi at tusong pakana upang matakpan ang mga katiwalian at iba pang kasalanan nito sa mamamayan, makapagpabango, mapatigil ang mga hakbanging destabilisasyon at paglulunsad ng mga kudeta laban dito, madisarmahan ang iba pang mga kalaban ni Arroyo sa reaksyunaryong pulitika at mapahina ang mga batikos. Sa pamamagitan ng mga ito, hinahangad ni Arroyo na makatagal pa siya sa poder nang lampas sa 2004.

Pinakabago sa mga pakana ng rehimen ang alok nito ng �lubusang rekonsilyasyon� sa lahat ng mga tumutunggali rito, kabilang na ang pamilyang Marcos, ang napatalsik na pangulong Estrada, sina Danding Cojuangco, Sen. Panfilo Lacson, at Sen. Gregorio Honasan, ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ayon kay Arroyo, hangad niyang makamit ang pakikipagkasundo sa mga ito bago ang eleksyong 2004.

Ang mga alok ng "rekonsilyasyon" sa mga kalaban niyang paksyon at pulitiko sa hanay ng mga reaksyunaryong naghaharing uri ay pawang may kaakibat na lihim at kahina-hinalang mga pag-uusap at kasunduan sa kapinsalaan ng mamamayan.

Ang litaw pa lamang sa alok na �rekonsilyasyon� kay Estrada ay ang pag-aatras ng mga tagausig ng pamahalaan ng dating pagtutol sa kahilingan ni Estrada sa Sandiganbayan na sa US na magpagamot. Bahagi lamang ito ng pinag-uusapan ngayon nina Arroyo at Estrada sa pamamagitan ng kanilang tagapamagitan na si Housing Secretary Mike Defensor. Ang mas malaking sikretong pinapaksa nila ay ang pagpapalusot kay Estrada sa kasong pandarambong kapalit ng hindi niya pagsuporta sa mga pakanang destablisasyon at sa mga makakalaban ni Arroyo sa darating na eleksyon. Samantala, habang bumibigay si Arroyo, lalo lamang nagpapakipot si Estrada at nagdaragdag pa ng mga kundisyon para patagalin ang negosasyon hanggang 2004 at higit pang mabitin at mapresyur si Arroyo.

Ang �rekonsilyasyon� sa mga Marcos ay may kaakibat na mga panukala para masagkaan ang pagbibigay ng bayad-pinsala sa mga bilanggong pulitikal na biktima ng batas militar ni Marcos. Kabilang dito ang pagbubuo ng �Truth Commission� na sa katunaya�y magdaragdag lamang ng mga balakid at pahirap sa pagkamit ng katarungan para sa mga biktima ng batas militar.

Ang nilalaman ng �rekonsilyasyon� kay Cojuangco ay matagal nang paulit-ulit na pinapakana at pinagsasabwatan nina Arroyo at Cojuangco sa kabila ng matinding pagtutol dito ng mamamayan. Pangunahing nilalaman ng kutsabaan nila ang pagbabaligtad ng kapasyahan ng Korte Suprema na ituring na pag-aari ng publiko ang pondong coco levy. Kaakibat nito ang pag-angkin ni Cojuangco sa karagdagang 27% ng mga sapi ng San Miguel Corporation na hawak ng gubyerno, bukod pa sa 20% na ibinalik na sa kanya ng Sandiganbayan dahil lamang sa maliit na teknikal na pagkukulang ng Presidential Commission on Good Government. Kapalit nito ang pagsuporta naman ni Cojuangco sa kandidatura ni Arroyo sa darating na eleksyon.

Ang lahat ng kasong nabanggit ay nangangahulugan ng pakikipag-areglo sa mga taong may malaking pagkakasala sa mamamayan sa halip na tiyakin, itaguyod at pabilisin ang mga paglilitis at pagpaparusa sa kanila.
Pakay ng negosasyon sa pagitan nina Arroyo at Lacson ang paglulubay ng gubyerno sa pag-uusig sa kasong Kuratong-Baleleng at, sa panig naman ni Lacson, paglulubay sa Part 3 ng paglalantad sa kasong Jose Pidal at pag-atake sa mag-asawang Arroyo. At pakay naman ng mga alok kay Honasan ang pagbitiw na ng gubyerno sa mga kaso niyang paglulunsad ng kudeta noong Hulyo 27, kapalit ng pagtigil na niya ng mga ganitong proyekto at pagkakasya sa mga �pampulitikang paraan ng resolusyon.�

Ang lahat ng kasong nabanggit ay nangangahulugan ng pakikipag-areglo sa mga taong may malaking pagkakasala sa mamamayan sa halip na tiyakin, itaguyod at pabilisin ang mga paglilitis at pagpaparusa sa kanila. Gagawin ni Arroyo ang lahat, kabilang ang pagsagasa sa mga karapatan at pagkakait ng hustisya sa mamamayan, makapanatili lang siya sa poder.

Subalit harapan mang tanggapin ng mga kalaban ni Arroyo ang mga alok niyang �rekonsilyasyon�, wala pa rin siyang katiyakan na titigil ang mga ito sa pagmamaniobra laban sa kanya. Sa halip na palabasing lumalakas si Arroyo, lalo lamang naipakikita ng mga ito ang lubha na niyang kahinaan at desperasyon.

Pangunahing target sa pakanang �rekonsilyasyon� ni Arroyo ang mga kalabang reaksyunaryong pulitiko. Gayunman, inaasahan din ni Arroyo na makatutulong sa pagpapangibabaw sa krisis at pagpigil sa kanyang tuluyang pagdausdos at pagkatalo sa pulitika kung maaakit pati ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanyang "rekonsilyasyon" sa pamamagitan ng pagtutuloy ng nabiting mga usapang pangkapayapaan.

Ngunit walang mangyayari kung hindi seryoso ang rehimeng Arroyo na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa NDF at MILF. Ang pakikipag-usap pangkayapaan sa NDF ay matagal nang sinagasaan at sinasagkaan ng rehimen sa pamamagitan ng pagdedeklarang terorista ang PKP-BHB at si Kasamang Jose Ma. Sison at pagsasampa ng kung anu-anong nilubid na kasong kriminal laban kay Kasamang Sison. Isinaisantabi rin ang mga nakaraang kasunduan, pilit na ginagawang balangkas sa pag-uusap ang �final peace agreement� na makaisang-panig na niluto ng gubyerno at walang ibang nilalaman kundi ang pagsuko ng rebolusyonaryong kilusan, at tuluy-tuloy na naglulunsad ng matitinding operasyong militar sa base ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa kaso ng MILF, bukod sa pilit na paggamit ng katulad ring bersyon ng �final peace agreement� para pasukuin ito, ibinukas ng rehimen ang usapang pangkapayapaan ng GRP at MILF sa lubusang panghihimasok ng US sa pamamagitan ng US Institute for Peace.

Samantala, patuloy na tumitindi ang krisis sa lipunang Pilipino. Sa kabila ng iba�t ibang pagsisikap ni Arroyo na pigilin ang tuluy-tuloy na panghihina at pagdausdos niya sa pulitika, wala siyang epektibong nagagawa para maibsan ang krisis. Lalong nalalapit at natitiyak ang katapusan ng kanyang rehimen.

 


 Back to topNext article

21 Nobyembre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Mga desperadong pakana ng rehimeng Arroyo para makapanatili sa poder
Danding Cojuangco, kinasuhan ng mga magniniyog
Mga Ulat Koresponsal:
Ikalawang Kumperensya sa Gawaing Masa sa Southern Tagalog, matagumpay na idinaos

Mga Ulat Koresponsal:
Mga lumalaganap na anyo ng pagsasamantala sa kanayunan ng Southern Tagalog

Mga Ulat Koresponsal:
Gawaing pangkultura ng BHB
Mabisang sandata ng rebolusyon

Mga Ulat Koresponsal:
Kontra-magsasakang Hybrid Commercialization Program, binatikos

Sa Ibayong Dagat:
Okupasyon sa Iraq, bumibigat na pasanin ng rehimeng Bush

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.