Palayain ang mga detenidong pulitikal sa buong mundo!
Sa buong mundo, nagdurusa sa loob ng mga reaksyunaryong piitan ang libu-libong mamamayang militanteng lumaban sa pag-iral ng mapang-api at mapagsamantalang sistema. Gaya ng 216 at paparami pang bilanggong pulitikal sa Pilipinas, sina Abdulla Ocalan, Abimael Guzman, Mumia Abu-Jamal, Tian Chua at Memik Horuz ay nakakulong sa mga piitan sa Turkey, Peru, US at Malaysia. Ito ang mga tampok na kaso ng laganap na detensyong pulitikal sa buong mundo. Ang pagpapalaya sa kanila ay iginigiit ng International League for People�s Struggles (ILPS). Patuloy na lumalakas at lumalaganap sa buong daigdig ang panawagan para sa pagpapalaya sa kanila at sa lahat ng mga detenidong pulitikal.
Abdulla Ocalan. Nakakulong mula 1999 sa isang isolation cell (seldang nagbubukod sa bilanggo) sa Turkey si Ocalan. Nang dinakip, siya ay tagapangulo ng Kurdistan Workers Party (PKK) na lumalaban para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng 40 milyong Kurd sa timog-silangang Turkey. Pinatawan ng Turkish State Security Court ng sentensyang kamatayan si Ocalan sa kasong pagpatay at pagtataksil sa bayan kaugnay ng pamumuno niya sa PKK at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Abimael Guzman. Nang madakip noong 1992, si Abimael Guzman ay pinuno ng Sendero Luminoso (Partido Komunista ng Peru) na namumuno sa armadong pakikibaka sa Peru. Ikinulong siyang nag-iisa sa isang selda sa ilalim ng lupa (underground cell). Kasalukuyan siyang maysakit dulot ng makahayop na kalagayan ng kanyang piitan.
Bukod sa pagtortyur kay Guzman, patuloy na pinahihirapan ng reaksyunaryong rehimen sa Peru ang mga detenidong pulitikal at mga bihag ng digma sa pamamagitan ng paghihiwalay at pagkulong sa kanila sa madidilim na concentration camp na nakakalat sa bansa. Hindi miminsang minasaker ang daan-daang mga detenido sa loob ng mga kulungan, laluna sa ilalim ng rehimen ng diktador na si Fujimori.
Mumia Abu-Jamal. Pinatawan ng sentensyang kamatayan si Abu-Jamal noong 1982 batay sa isang gawa-gawang kaso ng pagpatay sa isang pulis. Ikinulong siya sa Philadelphia sa US mula noon. Si Abu-Jamal ay dating kasapi ng Black Panther Party, isang rebolusyonaryong organisasyon ng mga Afro-American sa US. Ang kalakasan ng organisasyong ito ay mula dekada 1970 hanggang dekada 1980.
Sapul nang patawan siya ng sentensya, si Abu-Jamal ay ipiniit sa isang isolation cell. Pinagbabawalan siyang makipag-usap kanino man at maglabas ng mga pahayag. Dalawang beses nang nasuspinde ang pagpapatupad ng sentensya kay Abu-Jamal dahil sa malakas na protesta sa loob at labas ng US.
Tian Chua. Inaresto ng pulisya ng Malaysia si Tian noong Abril 10, 2001 sa ngalan ng Internal Security Act, isang batas na nagpapahintulot sa pag-arestong pansansala (preventive arrest) at pagbibilanggo nang walang kaso, walang paglilitis at walang-taning. Sa kabila ng kawalan ng ebidensya, idineklara ng Inspector-General ng pulisya na si Tian ay sangkot sa planong pabagsakin ang gubyerno ni Mahathir Muhammad.
Bago siya ikinulong, si Tian ay pangalawang tagapangulo ng National Justice Party at puspusang nagtatanggol sa mga karapatang-tao hindi lamang sa Malaysia kundi pati sa ibang bansa.
Dalawang buwan siyang ibinartolina bago inilipat sa notoryus na Kamunting Detention Center.
Memik Horuz. Si Horuz ay inaresto noong Hunyo 2001 dahil sa paglathala ng panayam sa Kurdish Workers� Party sa kanyang pahayagan. Isa siyang progresibong mamamahayag sa Turkey na militanteng nagtatanggol sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Upisyal din siya ng ILPS.
Nakabilanggo siya sa isang isolation cell. Tinututulan ito ng Turkish Medical Association at Turkish Bar Association (asosasyon ng mga abugado) dahil sa seryosong sikolohikal na epekto nito sa mga bilanggo sa bansa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|