Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo

 Read this article in English

Noong Oktubre 3, sinampahan na ni Sulpicio Tagud, direktor ng Philippine Estate Authority (PEA), kasama ng Plunder Watch, Bayan Muna at iba pa, ng kasong pandarambong ang mga kroni ng mag-asawang Arroyo sa board of directors ng PEA at ang kasabwat nilang JD Construction. Kaugnay ito ng sobrang pagpe-presyo sa konstruksyon ng President Diosdado Macapagal Boulevard (PDMB) nang mahigit P600 milyon. Isa lamang ang kasong ito sa mga anomalya at kaso ng panghuhuthot ng mag-asawang Arroyo, kanilang mga kroni at "kulektor".

Napakalaganap ng korapsyon sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Katunayan, ayon sa Transparency International, ika-11 pinakakurakot na bansa ang Pilipinas sa hanay ng 102 bansa. Ang Transparency International ay isang pribadong organisasyong nagmamanman sa antas ng korapsyon sa iba't ibang bansa.

Dahil dito, ibayong nalalantad na walang pinagkaiba ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa kinamumuhiang rehimeng Estrada. Katunayan, mas desperado ito sa pondo dahil napakalimitado na ng rekursong maaari nitong mapakinabangan. Dagdag dito, kung wala itong gagawing malaking salamangka, malamang na matatalo si Macapagal-Arroyo sa eleksyong 2004. Kailangang-kailangan niya ng malaking pondo upang mapantayan kundiman malampasan ang kakayahan ni Estrada na gumawa at bumili ng boto.

Bangkong daluyan

Nitong Oktubre 17, nalantad ang patago at maanomalyang pagbili ni Dante Ang, propagandista ni Macapagal-Arroyo, ng isang bangko na nakabase sa Makati. Noon pang Abril nakuha ni Ang ang mayoryang kontrol sa BankWise Inc., dating Bank Dharmala, sa halagang P575 milyon. Ginamit ni Ang ang Seed Capital, isang kumpanyang hawak ng isang nagngangalang Roberto Guevara na sangkot rin sa paglalabas ng P1 bilyong maanomalyang PeACE Bonds noong nakaraang taon.

Pinaniniwalaang binili ni Ang ang bangko upang gamiting daluyan ng makukuhang kikbak ng amo nitong si Macapagal-Arroyo sa P100 bilyong pondong nakalaan para sa pagpapautang sa maliliit at katamtamang laking negosyo. Ipauutang ang nasabing pondo sa napakababang interes na hindi ayon sa tantos ng interes na itinakda ng pamilihan. Laganap ang paniniwala na gagamiting pansuhol ang pondong ito sa eleksyong 2004.

Panghuhuthot sa mga pribadong kontrata

Hindi pa man natatapos ang kontrobersya sa sobrang pagpepresyo sa PDMB, magkakasunod na nalalantad ang mga panibagong anomalya kaugnay ng sobrang pagpepresyo.

Ibinunyag kamakailan na sobra rin ang pagpepresyo sa konstruksyon ng Bay Boulevard, ang daang magdudugtong ng PDMB sa Roxas Boulevard. Ang kontratang ito ay bahagi pa rin ng maanomalyang kontratang isinuhol ng rehimen sa JD Construction, kontraktor ng PDMB. Ayon sa mga dokumento, naglaan ng P5.2 milyon ang PEA para sa konstruksyon ng naturang daan gayong P2.5 milyon lamang ang orihinal na halagang tantya ng JD Construction.

Gayundin, nalantad nitong Oktubre ang pambabraso ni Justice Sec. Hernando Perez sa Department of Public Works and Highways na igawad sa JD Construction ang kontrata sa paggawa ng haywey sa Bauan at Mabini sa Batangas. Ayon sa DPWH, ginagamit ng JD Construction ang Torreja Construction bilang prenteng korporasyon. Kalakip sa isinumiteng papeles ng Torreja Construction ay isang sulat mula kay Perez na "nag-eendorso" sa kumpanya. Napagalaman ding direktang binabara ng mga tauhan ni Perez ang iba pang interesado sa proyektong nagkakahalaga ng P41 milyon.

Muli ring sumisingaw ang pagkakasangkot ni Perez at Macapagal-Arroyo sa maanomalyang kontrata na pinasok ng gubyerno sa Impresas Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anonima of Argentina (IMPSA). Matatandaang inaprubahan ni Macapagal-Arroyo ang kontrata ng IMPSA para sa rehabilitasyon at ekspansyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan hydroelectric power complex sa Laguna dalawang araw matapos mailuklok siya sa pwesto.

Kapalit ng pagmamadaling ito, tumanggap ng P700 milyon sina Perez at Macapagal-Arroyo. Ayon sa pag-aaral ng senado mismo, nakipagsabwatan ang rehimeng Macapagal-Arroyo upang palakihin ang gastos ng kumpanya nang $41 milyon (mahigit P2 bilyon) para sa aspetong rehabilitasyon na di naman kinailangan. Dahil dito, tumaas ang gastos ng pagpapagana sa planta mula P0.65/kwh tungong P0.81/kwh. Ang P0.16/kwh na pag-taas na ito ay mangangahulugan ng P8 bilyong dagdag na bayarin ng mga konsyumer ng kuryente na ipapataw sa pamamagitan ng purchased power adjustment(PPA).

10% sa pampublikong pondo

Pinagkukunan din ng kikbak ng mag-asawang Arroyo ang mga pondo ng mga kumikitang ahensya ng gubyerno. Ayon sa mga kawani ng gubyerno, nagpataw si Macapagal-Arroyo ng "patakarang 10%" laluna sa government financial institutions (GFI o mga pampublikong institusyong nangangalap ng pondo ng gubyerno at nangangasiwa nito). Sa ilalim nito, inoobliga ni Macapagal-Arroyo ang kanyang mga tauhan sa mga GFI na magsentralisa ng 10% ng pondo ng kani-kanilang ahensya / departamento para sa kanyang pondong pang-eleksyon. Katunayan, direktang pinangangasiwaaan ng mag-asawang Arroyo ang pangangalap ng pondo mula sa ilang ahensya at departamento sa tulong ng kanilang malalapit na kaibigan at kroni.

Isang halimbawa nito ang panghuhuthot ng mag-asawang Arroyo sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Nitong Oktubre, sumingaw ang maanomalyang pag-apruba ng board of directors ng PCSO ng karagdagang P60 milyon pondo para sa mga patalastas ni Macapagal-Arroyo. Nauna nang naglaan ng P250 milyon badyet ang PCSO para sa buong taon ngunit Oktubre pa lamang ay umabot na sa P241.6 milyon ang nagastos dito. Kabilang sa mga pinagkagastusan ang walang kwenta at sinungaling na mga patalastas hinggil sa mga murang gamot, premyo para sa inilunsad na golf tournament at iba pa. Ang PCSO ay pinamumunuan ni Virgilio Angelo, isang matalik na kaibigan ni Mike Arroyo.

Liban sa mga kilalang kaibigan at opereytor ng mag-asawa, umaakto rin bilang mga personal nilang mga "kulektor" sa iba't ibang departamento, ahensya at pati na rin mga pribadong kontrata ang kanyang kaibigang si Gloria Tan-Climaco at ang mga alipures na sina DHUD Sec. Michael Defensor at Executive Sec. Alberto Romulo.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!

Biguin ang Oplan Gordian Knot
Ang kontra-gerilyang digma ng
AFP at PNP

Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Pambansang badyet sa 2003:
Badyet ng digma laban sa mamamayan

Mga kaso ng pagdukot sa anak upang sumuko ang magulang
Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Mga Ulat Koresponsal:
Medical at fact-finding mission sa Cagayan tagumpay; CIVAC ng AFP nilangaw

Mga Ulat Koresponsal:
Liberalisasyon sa importasyon ng gulay at bigas, pumipinsala sa mga magsasaka

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang kontra-gutom, bumubwelo sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Ibaba ang pasahe ng sitaw, sigaw ng Bulacan

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno

Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista

Balita
Mga Pagtutuwid sa isyung
Oktubre 2002 ng Ang Bayan

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.