![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Nasasadlak ngayon sa walang kasintinding krisis ang papet na rehimeng Arroyo at ang buong naghaharing sistema sa Pilipinas. Ang lokal na reaksyunaryong sistema ay binabayo ng napakalubhang sosyo-ekonomikong krisis at walang taros na kabulukan, pagkapapet at represyon. Bumabagsak ang malapyudal na ekonomya batay sa lahat ng mayor na palatandaan. Ang lubos na pangangayupapa ng rehimeng Arroyo sa patakaran ng US sa globalisasyon ng "malayang merkado" ay nagsadlak sa ekonomya sa ibayong pagkabangkrap. Isinaisantabi na ng rehimen ang lahat ng usapin kaugnay ng soberanya sa ekonomya, proteksyon sa pambansang patrimonya, reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa tangka nitong makaahon sa pagkabangkrap, lalo nitong ibinabaon ang mamamayan sa papabigat na pasaning utang at mga buwis habang walang tigil na nagbubuhos ng pondo para sa di produktibong mga gastusin sa militar, pulisya, bayad-utang, korapsyon at sarisaring luho ng malalaking burukrata at naghaharing uri. Dahil dito, lalong naghihirap ang mamamayan at ipinagkakait sa kanila maging ang pinakabatayang mga serbisyong panlipunan. Dahil sa kitid na ng pinag-aagawang rekurso ng naghaharing uri, garapalan na ang korapsyon sa rehimeng Arroyo. Sangkot mismo ang mag-asawang Arroyo sa mga mayor na kaso ng pandarambong. Nararapat silang usigin at litisin para rito. Inilantad rin ng mga sundalong nag-alsa noong Hulyo 2003 ang malalaking kaso ng korapsyon sa AFP at gubyerno.
Ang mga pagtutol ay sinasagot ng pasistang dahas. Sa lahat ng rehimeng naluklok sa poder mula 1986, ang rehimeng Arroyo na ang nagtala ng pinakamalalang rekord sa paglabag kapwa sa mga sosyo-ekonomikong karapatan at mga karapatang sibil at pampulitika ng mamamayan. Namumuo ang mas malawakan at mas malakihan pang mga sagupaan ng mga pwersa ng reaksyon at rebolusyon sa bansa. Desperado ang reaksyunaryong naghaharing sistema na isalba ang sarili sa krisis kaya walang-awa nitong pinipiga ang mamamayan laluna ang pinakapinagsasamantalahan at inaaping mga uri at sektor. Labis-labis na ang pagtitiis at galit ng mga biktima ng kahayukan at kalupitan nito. Dahil sa lala ng sitwasyon, masidhi ang pagnanais ng masang anakpawis at iba pang pinagsasamantalahan at inaaping sektor na ibagsak na ang rehimeng Arroyo. Kailangang samantalahin ang napakatinding krisis sa ekonomya at pulitika para ubos-kayang iangat ng mga rebolusyonaryong pwersa ang antas ng pakikidigmang gerilya, kilusang masa at nagkakaisang prente. Dapat paigtingin ang pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista upang mas epektibong mapamunuan at mapakilos ang malawak na masa laban sa malakihang pananalakay at paglapastangan sa kanilang kapakanan at karapatan. Ang reaksyunaryong papet na pangkating Macapagal-Arroyo ang nananatiling pangunahing target ng mga pakikibakang bayan. Kailangang patuloy ang paglalantad, pagbatikos at paghihiwalay dito. Kaalinsabay, kailangang maghanda sa lumalaking posibilidad na palitan ng ibang pangunahing reaksyunaryong papet ang kasalukuyang naghaharing pangkatin dahil sa mabilis na pagkakahiwalay nito. Sa gayon, kailangang imulat ang mamamayan na walang garantiya na sinumang papalit kay Arroyo ay magkakaroon ng pundamental na pagkakaiba sa kanya. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|