Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pabagsakin ang reaksyunaryong rehimeng US-Estrada, palawakin at paigtingin ang rebolusyon!

 Read this article in English

Pahayag ng Komiteng Tagapagpaganap �
Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas

Isang ganap na krisis sa pulitika ang pinasambulat ng sigalot sa pagitan ng punong papet na si Joseph Estrada at ng kanyang dating kasapakat sa krimen na si Luis "Chavit" Singson. Ang pagbubunyag ng raket sa proteksyon ng huweteng na pinatatakbo ni Estrada mula sa Malakanyang ay lubos na naglantad at malubhang naghiwalay sa gumigiray na reaksyunaryong rehimeng US-Estrada at nagtulak dito sa bingit ng tuluyang pagbagsak.

Lubos na nalantad ang walang pangingiming kroni-ismo, kriminalidad at pandarambong na namamayani sa pinakatuktok ng bulok na estadong neokolonyal. Bago nito kabi-kabila na ang pagtuligsa sa rehimeng papet bunga ng patuloy na pagbagsak ng ekonomya, patungpatong na mga iskandalo, garapal na pangaabuso sa kapangyarihan ng mga pamilyang Estrada at mga kumpare niya, pakikipagkutsabahan sa mga Marcos at mga kroni ni Marcos, pagpapatindi ng kontra-rebolusyonaryong digma at pananagasa sa usapang pangkapayapaan ng NDFP-GRP at pagkatapos ng MILF-GRP, mali-maling pakikitungo sa hostage crisis na gawa ng Abu Sayyaf, malaganap na paglapastangan sa mga karapatang tao at maraming iba pa. Ngayon ito ay tampulan ng pagkamuhi at galit ng mamamayan at paglaban ng napakalawak na hanay ng mga pwersa mula kaliwa hanggang kanan. Tampok na usapin sa pulitika ngayon ang pagtanggal nito sa kapangyarihan.

Kapag patuloy pang humulagpos sa kamay ni Estrada ang kontrol sa sitwasyon asahan ang mas papalaki pang panghihimasok ng US...

Ang pagmamatigas sa poder ng pangkating Estrada sa kabila ng kanilang kumpletong pagkakalantad at pagkakahiwalay ay lalong nagpapalaki at nagpapasidhi ng hidwaan sa pagitan ng mga reaksyunaryong pro- at anti-Estrada. Malakihang pagbalasa ang nagaganap sa hanayan ng mga reaksyunaryong paksyon, maigting ang agawan ng suporta, pukpukan ang mga maniobra at kontra-maniobra. Para kay Estrada at mga pangunahing alipures niya, nakasalang sa labanan hindi lamang ang kanilang kapalaran sa pulitika kundi maging ang pagharap sa mga pananagutang kriminal at maaaring pati kaligtasang personal.

Laluna't ginagamit ng naghaharing pangkating Estrada ang lahat ng paraang malinis at marumi para iligtas ang sarili at makaganti, ang labanan ng mga reaksyunaryo ay hindi pwedeng manatili lamang sa loob ng reaksyunaryong parlamento. Nasa sentro ng mga iskandalo, gawaing kriminal at maniobrang paksyunal ang matataas na upisyal ng PNP at AFP. Bago pa man ang pagbubunyag ni Singson, garapal nang ginagamit ang mga ahensyang paniktik laban sa mga karibal ni Estrada sa pulitika at maging sa mga alitan sa loob ng Malakanyang.

Ang eleksyong 2001, kahit matuloy, at ang labanan sa pagpapatalsik kay Estrada ay hindi maiiwasang magkasala-salabat at ibayo pang magpapatindi at magkukumplika sa isa't isa. Gayundin, ang napakalubhang mga problema sa ekonomya at gulo sa pulitika na patuloy at mas mabilis pang lumalala ay hindi na makapaghihintay sa eleksyong presidensyal sa 2004.

Balisang-balisa ang lokal na malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa, gayundin ang mga dayuhang mamumuhunan. Pruweba ang mabilis at tuluy-tuloy na pagbagsak ng stock market at halaga ng piso. Lahat ng pangunahing sekta ng relihiyon maliban sa El Shaddai ay nanawagan na ng pagbibitiw ni Estrada.

Ligalig ang imperyalismong US sa krisis. Maagap itong kumikilos para suhayan ang sumusuray na neokolonya niya at maghanda sa lalong paglala ng krisis. Pagkaraang maghabol ang mga diplomatang US ng konsultasyon kay Gloria Arroyo, hindi nagtagal at nagbitiw sa gabinete ang huli. Kapag patuloy pang humulagpos sa kamay ni Estrada ang kontrol sa sitwasyon, asahan ang mas papalaki pang panghihimasok ng US para lunasan ang krisis sa pulitika, malamang sa pamamagitan ng pagpwersa sa pagbibitiw ni Estrada o pagpapatawag ng snap election.

Ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ay nasa unahan ng pakikibaka para pabagsakin ang reaksyunaryong naghaharing rehimeng Estrada.

Galit ang mamamayan sa walang tigil na pagbayo ng krisis sa ekonomya. Mabilis na sumasahol ang paghihikahos, kasalatan sa mga pangunahing pangangailangan, disempleyo, pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at ang pagbagsak ng kita at hanapbuhay. Dagdag pa ang malaganap na pang-aabuso sa maliliit, paglapastangan sa mga demokratikong karapatan, malawakang pagpapalikas sa kanayunan at kalunsuran, lantarang pagpapasasa ng mga nasa kapangyarihan at pamamayagpag ng mga dayuhang monopolyo. Sa hirap ng buhay at sa tindi ng pang-aapi, ang karaniwang mamamayan ay bumabaling sa mga protesta sa lansangan, sa pakikibaka at sa pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ay nasa unahan ng pakikibaka para pabagsakin ang reaksyunaryong naghaharing rehimeng Estrada. Bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, mas matibay ang pundasyon at gulugod ng rebolusyonaryong kilusan. Sa nakaraang ilang taon, tuluy-tuloy na napalawak at napaigting ang pakikidigmang gerilya at mga pakikibakang masa batay sa sariling kakayahan. Nagpunyagi ang rebolusyonaryong kilusan kahit sa pinakamahirap na sitwasyon at buong tatag na pinanatiling nag-aalab ang mapanlabang diwa ng bayan.

Mula't sapul, pursigidong inilantad at nilabanan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang sagadsaring reaksyunaryong paghahari ng rehimeng US-Estrada. Nang mabilis na nalantad at nahiwalay bunga ng pakikipagkutsabahan sa mga Marcos, sunud-sunod na mga iskandalo, at militaristang pananagasa sa usapang pangkapayapaan para paigtingin ang kontra-rebolusyonaryong digma, tuwirang ipinanawagan ng mga pwersang pambansa-demokratiko ang pagpapatalsik dito. Ngayon, nasa mahusay na pusisyon ang Partido at rebolusyonaryong kilusan para mas pabilisin pang lumawak at sumulong at kabigin ang milyun-milyong mamamayan sa rebolusyon. Dito nakasalalay ang pagsulong ng rebolusyon sa mas mataas na antas.

Pangkalahatang tungkulin ng Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa kasalukuyang sitwasyon na ubos-kayang paigtingin ang pakikibaka para pabagsakin ang reaksyunaryong rehimeng US-Estrada at mapangahas na isulong ang rebolusyon sa iba't ibang larangan at saklaw.

Magkatugmang tungkulin ang pagkokonsentra ng hambalos sa naghaharing rehimeng papet at ang pagsusulong ng rebolusyon. Ikinukonsentra natin ang bigwas sa pinakamakitid na sagadsaring reaksyunaryong target at nagsisikap tayong makipagtulungan sa iba't ibang antas at paraan sa pinakamalawak na posibleng hanay ng mga pwersang anti-Estrada. Kaalinsabay, matatag nating itinataguyod ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at pinalalakas sa abot ng makakaya ang mga progresibong pwersa.

Sa todong pagpapaigting ng pakikibaka sa reaksyunaryong rehimeng US-Estrada, layunin nating pasidhiin pa at samantalahin ang mga alitan ng mga reaksyunaryo at hakbang-hakbang na pahinain ang reaksyunaryong kapangyarihan sa kabuuan. Kaalinsabay, pinalalakas natin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng mga taktika ng nagkakaisang prente at kumbinasyon ng iba't ibang anyo at larangan ng pakikibaka�mula armado't iligal hanggang parlamentaryo't ligal.

Sa sitwasyon ng napakatinding krisis, pinakamahalaga para sa mga rebolusyonaryong pwersa na umugnay sa pinakamalawak na masa sa pinakamabilis na paraan at pamunuan ang kanilang pakikibaka para lalo pang palawakin iyon at gabayan tungo sa rebolusyonaryong direksyon.

Magpalawak kasabay ng pagpapaigting; magpaigting upang magpalawak at magpalakas. Samantalahin ang init ng mamamayan at ang pagkakagulo ng mga reaksyunaryo, paigtingin ang armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa. Sa ganitong paraan epektibong mapamumunuan ang masa, maiengganyo silang mangahas na lumaban, at makakabig nang maramihan sa rebolusyon.

Malaking pagkakamali sa ganitong kalagayan ang magkasya sa dating makitid na saklaw at mga dating nakagawian at magpatumpik-tumpik. Mapangahas na magmartsa sa unahan ng mamamayan.

Sumusunod ang mga pangunahing tungkulin ng Partido sa kasalukuyang sitwasyon:

1 ILUNSAD ANG MGA TAKTIKAL NA OPENSIBA AT PAIGTINGIN ANG ARMADONG PAKIKIBAKA.

Pagbayarin ang reaksyunaryong rehimeng US-Estrada sa labis na pagpapahirap sa bansa at sambayanan dala ng pamamalakad na labis na anti-nasyunal, anti-mamamayan, anti-demokratiko at bulok. Ang mga desperadong maniobra nila para manatili sa kapangyarihan ay walang pupuntahan kundi ang lalong malalim na pagkakabaon sa krisis at mas masahol pang pagpapahirap sa bayan. Ang mga taktikal na opensiba ang pinakamatinding hagupit na maaaring pakawalan ng bayan. Kinakailangan ang mga ito para tibagin ang kapit nila sa kapangyarihan at engganyuhin ang todong paglaban ng lahat ng pwersang progresibo at anti-Estrada.

Kailangan ang malaganap na mga taktikal na opensiba para magpatama ng matinding bigwas sa reaksyunaryong rehimeng US-Estrada at mag-ipon ng mas marami pang sandata at ibang kagamitang militar. Kailangan ang mga ito para magbukas ng mas marami pang larangang gerilya at palakasin ang mga nakatayo na.

Gayunman, kailangan ang ekstrang pagsisikap para maglunsad ng mga aksyong militar na may malakas na epektong pampulitika, nagpapataas sa morale ng masa at lumilikha ng mas malaking pinsala at kaguluhan sa mga kalaban ng bayan. Dapat hagipin ang malalaki at pinakakinamumuhiang mga kaaway ng bayan at mga simbolo ng reaksyunaryong kapangyarihan.

2 PAIGTINGIN ANG MGA PROTESTA AT PAKIKIBAKANG MASA.

Magbunsod ng mga higantekng aksyong protesta sa mga lansangan at palaganapin ang mga ito sa buong kapuluan. Gamitin ang mga taktikang alyansa para magtipon ng mga bilang na dadaig sa hakot at kwarta ng naghaharing rehimen. Mapagpasya ito sa pagbasag ng natitira pang suporta ng naghaharing rehimen at paghikayat sa mga nag-aatubili.

Bukod sa mga protestang masa para patalsikin si Estrada, palawakin at paigtingin ang iba pang pakikibakang pampulitika at pang-ekonomya ng mamamayan. Tugunan ang mga pangunahing hinaing sa kabuhayan at pulitika ng masang manggagawa, magsasaka at iba pang maralitang sektor upang malawakang mapukaw at mapakilos sila.

Bigyan ng partikular na pansin ang paglalantad at pagbatikos sa malaganap na mga paglapastangan sa mga demokratikong karapatan at mga karapatang-tao. Habang mas umiigting ang labanan at mas nagiging desperado ang reaksyunaryong naghaharing rehimen, higit pa silang babaling sa pasismo at pagpapatindi ng panunupil sa mamamayang lumalaban.

Mapangahas na palawakin ang mga pambansa-demokratikong organisasyong masang hayag at lihim. Kaalinsabay, magpalitaw at magpaunlad ng dagdag na mga tipo ng organisasyon na mas mabilis na makakaabot sa karaniwang mamamayan at mag-uugnay sa kanila sa relatibong sulong na mga elementong nasa mga organisasyong pambansa-demokratiko. Huwag magkasya sa mumunting organisasyon at mabagal na pag-oorganisa.

3 PALAWAKIN AT PASIGLAHIN ANG MGA KAMPANYANG ANTIPYUDAL AT IBA PANG KAMPANYANG MASA SA KANAYUNAN KASABAY NG PAGPAPAIGTING NG PAKIKIDIGMANG GERILYA.

Pursigidong palawakin ang mga kampanya at pakikibakang masa, pangunahin ang mga kampanyang antipyudal, upang patatagin at palalimin ang baseng masa. Ipalaganap ang kampanya sa pagpapatupad ng minimum na programa ng rebolusyonaryong reporma sa lupa, gayundin ang mga kampanya sa edukasyon, organisasyon, kultura, kalusugan at iba pa.

Lutasin ang mga problema sa mabagal na pag-oorganisa at kalat-kalat na pagpapakilos sa masa. Ipalaganap at ipatupad ang mga gabay ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral sa pagpapabilis ng pag-oorganisa sa kanayunan. Paunlarin ang mga akmang ligal na anyo ng organisasyon at pakikibaka para pabilisin ang pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa.

Sa mga pinakasulong na bahagi, buuin ang mga ganap na samahang masa, mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga yunit ng milisyang bayan at mga pangkat sa pagtatanggol sa sarili, at mga sangay at grupo ng Partido.

4 MAPANGAHAS NA PALAWAKIN ANG MGA UGNAY AT MAGPAKAHUSAY SA MGA TAKTIKANG NAGKAKAISANG PRENTE.

Kailangang abutin, pukawin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan at hindi ito magagawa kung hindi gagamit at magpapakahusay sa mga taktikang nagkakaisang prente. Ugnayan ang pinakamalawak na posibleng hanay ng mga aktwal at potensyal na alyadong matagalan at panandalian, maaasahan at di maaasahan. Gamitin ang mga taktikang nagkakaisang prente para ihiwalay ang kakaunti, kabigin ang marami at pukawin ang malawak na masa. Samantalahin ang mga hidwaan ng mga reaksyunaryo para lubos na ihiwalay ang naghaharing pangkating Estrada at patuloy na higit pang pahinain ito hanggang sa tuluyang mapabagsak.

Ang kasalukuyang hanay ng mga pwersang anti-Estrada ay mas buhaghag at mas iba-iba pa ang mga paninindigan kung ihahambing sa malawak na prenteng anti-diktadura laban sa pasistang diktadurang US-Marcos. Magpakahusay sa pagbuo ng mga ugnayang bilateral at multilateral, tuwiran at di tuwiran, pormal at di pormal, relatibong istable at lubhang pabagu-bago, masaklaw at hanggang partikular na isyu lamang, sa larangang hayag at lihim, sa labas at loob ng reaksyunaryong parlamento�para sa kapakinabangan at ayon sa katayuan at kakayahan ng isa't isa. Ang mahalaga'y magpakahusay sa pakikipagtulungan sa pinakamalawak na posibleng hanay para igpawan ang ating mga limitasyon at mas mabilis na sumulong. Kaalinsabay, matatag na panghawakan ang sariling mga rebolusyonaryong prinsipyo at linya at masikhay na palakasin ang mga progresibong pwersa para makapagpupunyagi nang nagsasarili kahit bumaligtad ang mga alyadong panandalian at di maaasahan o tumindi ang ating tunggalian sa kanila.

Kailangang patuloy din nating ilantad sa mamamayan ang ilang grupo ng kontrarebolusyonaryong taksil na nag-aastang mas kaliwa pa sa tunay na kaliwa para isingit ang kanilang sarili, lituhin ang masa at pagtakpan ang kanilang rebisyunismo, repormismo at parlamentarismo. Hangga't mas abala sa pagkakalat ng lason at mas interesado sa panggugulo at pamiminsala laban sa Partido at kilusan, ang ilang munting grupong ito ay hindi dapat hayaang makinabang sa mga pinagpaguran natin para lamang makapagpanggap at makapanggulo sa atin.

Mahalagang bahagi ng malawak na gawaing alyansa ang pagpapaunlad ng gawain sa loob ng mga reaksyunaryong institusyon, gaya ng burukrasya, simbahan, mass media, parlamento at eleksyon. Kailangang palawakin ito sa iba't ibang antas at gamitin sa pagpapalawak ng maniobra at ugnay sa masa habang itinuturo sa kanila ang likas na mga limitasyon ng mga ito.

5 PALAWAKIN ANG GAWAING PROPAGANDA AT EDUKASYONG PAMPULITIKA.

Palawakin ang gawaing propaganda at edukasyong pampulitika para paangatin ang kamulatang pampulitika ng mamamayan at maksimisahin ang kagyat at matagalang pakinabang ng rebolusyon sa mga inilulunsad na pakikibaka. Bigyan ng partikular na pansin ang mga pamamaraan ng propaganda at edukasyong pampulitika na mas mabilis na makaaabot sa mas malaking bilang ng masa, gaya ng mga pangmasang pulong, brodkas sa radyo, mga palabas na video at iba pa. Magtalaga ng mga tagapagsalita at tagaugnay para imaksimisa ang paggamit ng puwang, gaanuman kakitid, sa ligal na mass media habang pinauunlad ang sariling makinarya at kakayahan. Magpalitaw at magsanay ng malaking bilang ng propagandista at instruktor sa kilusang lihim at hayag.

6 MAPANGAHAS NA PALAWAKIN ANG PARTIDO NANG HINDI PINALULUSOT ANG NI ISANG MASAMANG ELEMENTO.

Sistematikong rekrutin sa Partido ang mga pinakamaunlad na elemento na lumilitaw sa hanay ng masa. Kailangang may mga plano sa pagrerekrut sa bawat takdang panahon at sa iba't ibang saklaw para masigasig na palawakin ang organisasyon ng Partido. Kailangang magrekrut ng libu-libo at daan-daan libong kasapi at magsanay ng libu-libong kadre para mas palakasin ang Partido at ihanda ito sa mas mabibigat pang gawain sa rebolusyon.

Patuloy na umiigting ang labanan at kailangang laging magmatyag sa mas matindi pang pananalakay ng reaksyunaryong kaaway. Dapat walang humpay na palawakin at palalimin ang kilusang lihim sa kanayunan at kalunsuran. Patuloy na palakasin din ang makinarya at kakayahan sa pinansya at mahigpit na itaguyod ang estilo ng simpleng pamumuhay at masikhay na pakikibaka para maibuhos ang lahat ng kakayahan sa pagsusulong ng armadong rebolusyon.

 


 Back to top 

14 Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Pabagsakin ang reaksyunaryong rehimeng US-Estrada, palawakin at paigtingin ang rebolusyon!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.