Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang kriminal at kontra-rebolusyonaryong si Romulo Kintanar, pinarusahan

 Read this article in English

Iginawad ang rebolusyonaryong parusa sa sagad-sagarang kriminal at kontra-rebolusyonaryong si Romulo Kintanar nitong nakaraang Enero 23 sa Quezon City. Ipinatupad ito ng isang espesyal na yunit ng BHB matapos siyang hatulan ng espesyal na hukumang bayan noong 2002. Ipinataw sa kanya ang pinakamabigat na parusa sa batayan ng mga patung-patong na krimeng kapital na ginawa niya laban sa rebolusyon at mamamayan.

Ang mga unang kaso ni Kintanar ay isinampa sa espesyal na hukumang bayan noong 1993. Kung tutuusin, ang bigat ng mga kaso at kriminal na pananagutan niya sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan hanggang noong panahong iyon ay sapat na upang igawad sa kanya ang pinakamabigat na parusa.

May patakaran ang Partido at rebolusyonaryong kilusan na sa pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong hustisya, binibigyang-konsiderasyon at ibinubukas ang posibilidad ng pagbigay ng amnestiya sa sinumang nagpapakita ng taos na pagsisisi at kahandaang magwasto sa mga kamaliang nagawa. Inilapat ang patakarang ito sa lahat ng iba pang nagtaksil sa Partido at rebolusyonaryong kilusan, maging kay Kintanar. Subalit sa tagal ng panahon, wala siyang ipinakita ni katiting na pagsisisi o anumang pagwawasto. Dumami at tuluy-tuloy ang mga naisampang kaso kaugnay ng mga kriminal at kontra-rebolusyonaryo niyang aktibibidad. Sa ginawang pagrebyu ng espesyal na hukumang bayan sa kanyang mga kaso, nabigyang-diin ang mga bagong ebidensyang nagpapatunay na isa siyang sagad-sagaring kriminal at kontra-rebolusyonaryo na lalo pang nalulong sa pagsagawa ng mga krimenmatapos tahasang magtaksil sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Pangunahin dito ang tuwirang pagiging ahente ng militar at aktibong pagtulong sa kampanyang "anti-insurgency" ng AFP at PNP. Ilan lamang sa pinakamalalaking kriminal na pananagutan niya kahit noong nagpapanggap pa siya sa loob ng Partido at Bagong Hukbong Bayan ang sumusunod:

1) Walang pakundangang pang-aabuso ng kanyang awtoridad sa loob ng Partido at hukbong bayan sa pagpapasimuno, paglulunsad at pagpapalaganap ng mga operasyong gangster at kriminal. Kabilang sa mga ito ang kidnapping for ransom, panghoholdap sa mga bangko at iba pang negosyo, pamemeke ng dolyar at iba pang anyo ng krimen at katiwalian. Sa pamamagitan ng mga kuneksyon sa reaksyunaryong gubyerno at militar, sangkot din siya sa malakihang pandarambong sa kaban ng bayan para sa personal na pagpapasasa.

Nagsimula ang kanyang kriminal na mga aktibidad noon pang maagang bahagi ng dekada 1980 sa Davao City. Lumala ito mula kalagitnaan hanggang huling bahagi ng dekada 1980 nang dinala niya ang mga ito sa pambansang saklaw.

Nagrekrut siya ng mga latak ng lipunan at nakipagsabwatan sa mga kriminal na sindikato, mga pwersang militar at pulis at mga bulok na elementong sa kalauna'y kasama niyang nagtraydor at itinawalag sa Partido at BHB.

Malinaw kay Kintanar at sa mga kasabwat niya na ang ganitong mga aktibidad ay labag sa mga patakaran at tuntunin ng Partido at BHB at taliwas sa kampanya ng Partido laban sa gangsterismo. Kaya sadyang inilihim nila ang mga ito sa Partido. Sa pamamagitan ng mga ito, kumita siya at ang mga kasapakat niya ng milyun-milyong piso.

Noong 1986, kinidnap ng grupo ni Kintanar si Noboyuki Wakaoji, isang negosyanteng Hapon. Nakunan nila ito ng $10 milyong ransom. Kasabwat si Arturo Tabara, dating kalihim ng Visayas Commission ng PKP, isinagawa ni Kintanar noong 1989 ang pagkidnap kay Roger Florete, may-ari at presidente ng Bombo Radyo-Philippines. Kumita sila ng P15 milyon mula rito.

2) Pagnanakaw ng malaking halaga sa pondo ng kilusan. Isa sa pinakamatingkad ang natuklasan noong 1991 na P30 milyong kinuha at itinago ni Kintanar. Bago siya tahasang nagtaksil sa Partido, nilimas din niya ang lahat ng alam niyang pinagtataguan ng mga pondo ng Partido.

3) Tangkang panghahati at pangwawasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Si Kintanar ay isa sa mga nagpasimuno ng pagpapaksyon at tangkang pangwawasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Masugid niyang itinulak ang kampanyang anti-Partido mula Setyembre 1992. Inengganyo niya ang pagbubuo ng kontra-rebolusyonaryong RPA-ABB nina Filemon Lagman at Arturo Tabara. Nagsilbi siyang tagapayo sa mga patakaran ng RPA-ABB hanggang sa pagbubuo nito ng patakarang lubusan nang sumurender sa reaksyunaryong gubyerno at nagpagamit sa kontra-rebolusyonaryong mga operasyon ng rehimen.

Bukod rito, isa siya sa mga nanguna sa pagpapalaganap ng wala-sa-panahong regularisasyon, insureksyong lunsod at iba pang malulubhang kamaliang nakapinsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusan.


Matapos tahasang magtaksil sa Partido noong 1992, lalong bumwelo si Kintanar sa mga gawaing kriminal at kontra-rebolusyonaryo. Nakipagsabwatan siya sa AFP at PNP laban sa Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Mula 1992 hanggang 2003, direkta na siyang sumanib sa istruktura ng AFP, PNP, NBI at iba pang ahensya sa intelligence ng gubyerno bilang consultant, intelligence agent at espesyal na operatiba ng militar at pulis laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kinumpirma ito mismo ng Malakanyang at AFP matapos igawad sa kanya ang parusa ng rebolusyonaryong kilusan. Para sa sweldo at prente niya, pinalalabas siyang security consultant sa Bureau of Immigration and Deportation at sa National Electrification Administration.

Iginawad ang pinakamabigat na parusa kay Kintanar hindi dahil sa pagdadala niya ng maling linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon kundi dahil sa kanyang mabibigat na pananagutang kriminal sa rebolusyonaryong kilusan at sa sambayanan.
Ginamit niya ang kanyang matagal na karanasan sa rebolusyonaryong kilusan sa pagbabalangkas ng mas epektibong mga patakaran at taktika laban sa Bagong Hukbong Bayan at laban sa Partido sa kabuuan. Tuwiran siyang nakipagsabwatan sa ISAFP sa ilalim ni Col. Victor Corpus sa pagbabalak at pagpapatupad ng mga operasyong paniktik at kampanyang psywar, pananabotahe, pananalakay at tangkang pangwawasak sa mga yunit at sonang gerilya ng BHB.

Noong Mayo 2000, nagsilbi siyang project officer ng isang bigong tangkang paslangin si Kasamang Jose Maria Sison sa The Netherlands. Kasabwat niya rito si Panfilo Lacson, dating hepe ng PNP at ngayon ay senador.

Sa loob ng AFP at PNP, lalong nalulong sa mga operasyon ng mga kriminal na sindikato si Kintanar, nasangkot siya sa korapsyon sa burukrasya, nagsilbing gun-for-hire ng mga reaksyunaryong pulitiko at iba pang may nais ipapatay.

Isa sa mga bayarang mamamatay-tao na kinukupkop ni Kintanar at ng tiyuhin niyang dating hepe ng ISAFP na si Gen. Galileo Kintanar ay si Philip Medel na nasangkot sa pagpatay sa artistang si Nida Blanca.


Iginawad ang pinakamabigat na parusa kay Kintanar hindi dahil sa pagdadala niya ng maling linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon kundi dahil sa kanyang mabibigat na pananagutang kriminal sa rebolusyonaryong kilusan at sa sambayanan. Ang pagbibitiw sa Partido o paglabas sa rebolusyonaryong kilusan, o ang simpleng pagdadala ng maling linya o ang pagsasalita laban sa Partido ay hindi itinuturing na krimen na pinarurusahan ng kamatayan.

Taliwas sa mga pahayag ng rehimeng Macapagal-Arroyo at kanyang mga kriminal at taksil na kasapakat, hindi isang "ordinaryong sibilyan" at lalong hindi isang bayani si Kintanar. Isa siyang malaking kriminal at operatiba ng militar, pulis at intelligence, na tuluy-tuloy na nagpahamak sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Sa gayon, naging lehitimong target militar siya ng rebolusyonaryong kilusan.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal: Para sa pagsuporta nito sa pang-uupat ng gera sa Iraq
Pagbayarin ang rehimeng Macapagal-Arroyo!

Malawak ang pandaigdigang pagtutol sa pananalakay sa Iraq
Mga tampok na kilos protesta
Mga kilos-protesta sa Pilipinas laban sa bantang gera ng US sa Iraq, lumalawak
Ang kriminal at kontra-rebolusyonaryong si Romulo Kintanar, pinarusahan
Macapagal-Arroyo, hayagan nang pumabor sa cha-cha
Pandaraya sa mga estadistikang pang-ekonomya, nabunyag
Ang krisis na ikinukubli ng pandirigma ni Bush
Mga Ulat Koresponsal:
Pakikibakang agraryo sa Cagayan at Isabela:
Kampanya sa pagpapataas ng presyo ng mais, tagumpay

Mga Ulat Koresponsal:
Lupang inagaw, binawi ng mga magsasaka sa Isabela

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang magsasaka sa Ilocos Region, lumalawak

Mga Ulat Koresponsal:
Paano binawi ni Mang Ador ang kanyang lupa

Dekada '70: Pelikulang may panlipunang kabuluhan
Balita
Bilang pagtutuwid
Mensahe sa mga manggagawa ng PLDT

Pagtutuwid
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.