Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Erap Kontra Mahirap

Kabaligtaran ng paghahambog nitong "Erap para sa Mahirap", ang papasok na rehimeng Estrada ay hindi naiiba sa lahat ng nakaraang reaksyunaryong gubyerno: ito'y maka-dayuhan, papet ng imperyalismong US, kinatawan ng malalaking kumpradorburgesya at malalaking asendero at kontra sa interes ng mayorya ng naghihirap na mamamayang magsasaka at manggagawa.

Ang rehimeng US-Estrada ang siya ngayong pangunahing mangangalaga sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Lahat ng ipinapahayag na patakaran at programa ni Joseph Estrada, bagong reaksyunaryong presidente ng gubyerno ng Republika ng Pilipinas, ay hindi naiiba sa mga programang kasalukuyang nagdudulot ng krisis sa ekonomya at pagdarahop sa mamamayan. Katunayan, hindi lamang pangako ni Estrada na ipagpapatuloy ang mga programa ng rehimeng Ramos, partikular pa niyang tinitiyak ang masugid na pagpapatupad sa mga patakarang dikta ng IMF-WB-WTO.

Uupo sa poder ang gubyernong Estrada sa panahong napakasidhi ng krisis sa ekonomya. Sumisilakbo ang diskontento ng mamamayan, sumusulong ang mga pakikibakang masa ng iba�t ibang sektor at ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Noong eleksyon, sinamantala ng kampong Estrada ang kawalangkasiyahan ng mamamayan at nakinabang sila sa malaking protestang boto. Pagkatapos ng eleksyon, nagpatuloy si Estrada sa astang tigasin para sa mahirap: Nagpasiklab siya na tatanggalin ang 'pork barrel' ng Kongreso, nagbanta ng pagtugis ng mga kriminal, at nakipananghalian sa mga magsasakang taga- Sumilao, Bukidnon na nagpipiket sa upisina ng DAR (Department of Agrarian Reform).

Subalit hindi mapagtakpan ang langit-atlupang agwat ng asta at intensyon. Sa inilabas na 'Sampung-Puntong Programa ng Gagawin sa Unang Sandaang Araw ng Panguluhang Estrada', inilantad ni Estrada ang mga tunay niyang prayoridad. Ang kaibuturang programa ni Estrada, na nakapadron sa programa ng rehimeng USRamos, ay pagpapatupad ng patakaran ng denasyunalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon na dikta ng IMF-WB-WTO. Tama si Hen. Ramos nang kanyang tiyakin sa mga dayuhang monopolyong kapitalista na wala silang dapat ikabahala sa gubyernong Estrada dahil itutuloy lamang nito ang dati nang mga patakaran sa ekonomya at pulitika.

Ang 'Sampung-Puntong Programa' ni Estrada ay nakatuon sa kumpletong pagbebenta ng pambansang patrimonya at kasarinlang pangekonomya sa mga dayuhang monopolyong kapitalista at pagsusuko sa interes ng masa.

Dala-dala nito ang bandila ng 'globalisasyon', ibig sabihin, ang todong pagbubukas ng ekonomya sa pagkontrol at pagsasamantala ng malalaking dayuhang kapitalista. Nakatuon ang pansin nito sa produksyong para sa eksport na lubos na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan, dayuhang teknolohiya at dayuhang pamilihan. Nagyayabang pa nga ito ng �todong opensiba sa pag-eeksport� sa kalagayang tambak-tambak sa pandaigdigang pamilihang kapitalista ang labis na suplay ng mga tradisyunal na produktong eksport (hilaw na materyales) at mga mumurahing re-eskport (kasuotan, laruan, chips, at iba pa).

Kakabit ng patakarang ito ang higit pang pagbubukas sa dayuhan ng mas marami pang sektor ng ekonomya, gaya ng pagbabangko, pagtitingi, mass media at pag-aari ng lupain. Kakabit din ang patakaran sa �pagkontrol ng implasyon sa sahod�, ibig sabihin, kontraktwalisasyon, mababang pasahod, pagbabawas ng gastos para sa kaligtasan at kalusugan, at syempre pa, mga patakarang antiunyon at antiwelga para sapilitang maipatupad ang mga ito.

Para isaisantabi ang reporma sa lupa, idinideklara ng programa ni Estrada na �produktibidad ng lupa, hindi simpleng pag-aari sa lupa� ang sentral na isyu. Bukambibig niya ang reporma sa lupa subalit nagbabalak siyang ipatupad ang mga patakarang ibayong mag-eengganyo sa pagpasok ng dayuhang kapital sa agrikultura upang magtuon sa pagtatanim ng mga high-value crops na pang-eksport. Sinasangkalan niya ang isyu ng seguridad sa pagkain upang itulak ang mga patakarang nakabase diumano sa pamilihan pero lalo lamang magpapalakas sa pagkontrol ng malalaking panginoong maylupa at malalaking komersyante-usurero sa produksyon at kalakalan ng palay at iba pang butil.

Ang gabinete at mga tagapayo ni Estrada ay dinodomina ng mga galamay ng IMF-WB-WTO at mga dambuhalang bangkong transnasyunal. Prominente din sa sirkulong ito ang dating mga kroni ni Marcos. Bilang pandekorasyon, may paisa-isang dating nasa Kaliwa na matagal nang lumipat sa panig ng naghaharing sistema at sunud-sunuran lamang kay Estrada. Maging ang ipinapangakong krusadang antikrimen ay pinagdududahan ng marami dahil sa mga kuneksyon at utang na loob ni Estrada sa bantog na mga amo ng huweteng, sugal, at iba pang krimen.

Nagdiriwang ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at ang malalaking panginoong maylupa. Walang dudang si Erap ay kakampi nila. Kaya naman buo ang suportang ibinibigay kay Estrada ng White House, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club at iba pang organisasyon ng mga malaking kumprador at imperyalista.

Gayunman, napakatindi na ng krisis. Ang paggigiit ni Estrada ng mga patakarang antinasyunal at antimamamayan ay tiyak na mabilis na ibayong magpapasahol pa sa paghihirap ng mamamayan. Ibayo ring pag-aalabin niyon ang galit at paglaban ng mamamayan. Ang kumakalam na sikmura ng gutom na mamamayan at ang desperasyon ng daan-daang libong itinatapon sa kalsada, inaagawan ng lupa at inaalisan ng kabuhayan ay hindi mapapakalma ng mga bola at pakulo ni Estrada. Tiyak na sasalubungin nila ng malawakang protesta at pakikibaka ang bawat dagdag na pahirap na ipapataw ng gubyernong Estrada.

Dapat matatag na pamunuan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ang masa ng sambayanan. Kailangang maagap, puspusan at malawakang ilantad sa kongkretong paraan ang tunay na papet at reaksyunaryong katangian at patakaran ng rehimeng US-Estrada. Kailangang ilantad at labanan ang mga kongkretong kaso ng pangangamkam, pambubusabos at pang-aapi, kasabay ng pagtumbok sa antinasyunal at anti-mamamayang programa ng rehimeng Estrada na dinisenyo ayon sa dikta ng IMF-WB-WTO, mga dayuhang bangko at korporasyong transnasyunal, at mga lokal na malaking kumprador-burges at malaking panginoong maylupa. Kailangang mas masigasig pang palawakin at palakasin ang mga pakikibakang masa, gayundin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

 


 Back to topNext article

00 Abril 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Erap Kontra Mahirap
Mula sa tagapaglathala:
Bagong kapasyahang muling ilathala ang Ang Bayan

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder
KS: Arestuhin ang mga alipures ng diktador
Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas

Nueva Ecija: Matingkad na Pagsulong
Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive
Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino
Rebolusyonaryong Kilusang Lihim sa Pabrika, Sumusulong
25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente
Paggalang sa karapatang-Tao:
Integral sa kondukta ng digmang-bayan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.