Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Labanan ang armadong panghihimasok at banta ng armadong agresyon ng imperyalismong U.S.

 Read this article in English

Komiteng Tagapagpaganap
Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Ang armadong panghihimasok ng mga pwersang militar ng US sa Mindanao, na pilit ikinukubli sa isang matagalang joint training exercise diumano, ay tahasang paglapastangan sa pambansang soberanya at nagbabadya ng mas malakihan at mas masahol pang armadong agresyon.

Ang pag-atake ng Setyembre 11 ay todong isinasangkalan ng imperyalismong US para makapanugis at makapanalakay nang walang pakundangan sa mga hangganan ng maliliit at mahihinang bansa. Inaangkin ng US ang natatanging karapatang tumugis kahit saan ng mga mamamayan at magpatumba maging ng mga gubyerno ng ibang bansa na binabansagan at pinagsususpetsahang "terorista". Sa simula'y nakatutok laban sa "terorismong internasyunal" para tukuyin ang mga direktang banta sa seguridad ng teritoryo ng US, ang kampanyang militar sa kalauna'y pinalawak at tumarget sa lahat ng pwersa, elemento, at maging gubyerno at bansang arbitraryong pinagpapasyahan ng gubyernong US na "terorista" at mga tagasuporta ng "terorismo" para saklawin ang lahat ng mga seryosong banta sa interes at kapangyarihan ng imperyalismong US sa loob at labas ng sariling bayan nito. Mula sa depensibong reaksyon sa teroristang pag-atake sa sariling bayan, ang kampanya ng US ay mabilis na ibinaling sa agresibong pagtatanggol at paggigiit sa imperyalistang kapangyarihan at interes ng nagsosolong superpower sa kabuuan at iba't ibang dako ng daigdig. Ang imperyalistang blacklist ay sumaklaw maging sa mga anti-imperyalistang gubyerno at rebolusyonaryong kilusan sa pambansang pagpapalaya na nagtatamasa ng malawak na suporta ng kani-kanilang mamamayan gaya ng NDFP at BHB. Pero tulad ng inaasahan hindi nito isinali ang mga maka-imperyalistang pwersang gaya ng gubyernong Israeli na walang habas na naghahasik ng terorismo laban sa bansa at mga sibilyang Palestino.

Sinalakay at patuloy pang sinusuyod ng mga tropang Amerikano ang Afghanistan. Pinalalawak ang mga joint exercise ng US at mga gubyernong alyado at dependyente nito bilang paghahanda kundi man aktwal nang pag-uumpisa ng armadong panghihimasok at pananalakay. Lalo pang pinalalawak ang matagalang pagpupusisyon ng mga tropa, armas at kagamitang militar ng US sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Sa pamamagitan ng Financial Action Task Force, pinahihigpit ng US ang pagmamanman at pagkontrol sa mga transaksyong pinansyal at daloy ng pondo sa iba't ibang dako ng daigdig na itinuturing o hinihinalang sumusuporta sa "terorismo". Gayunman, ang kabilang mukha ng gerang walang hangganan sa ibayong-dagat ay ang patakarang fortress USA na ibayo namang naghihigpit sa pagpasok ng mga dayuhan sa teritoryo ng US. Sa loob ng US pinaiiral ang mga paghihigpit at restriksyon sa mga kalayaang sibil alinsunod sa idineklarang kalagayan ng digma — tulad ng mga restriksyon sa mga karapatan ng mga akusadong "terorista" at pagmamanman sa mga suspek na nasyunalidad (racial profiling).

Walang kapantay na imperyalistang pamamayagpag ang gerang walang hangganan ni Bush at ng matataas niyang adviser na kabilang ang mga utak at beterano ng anti-komunistang teroristang kampanya ng Contras, mga death squad at iba pang pasistang butangero sa Latin America, Africa at Asia noong panahon ni Reagan. Ang digmang agresyon, paghahandang makidigma at malakihang gastos militar ang binabalingan ng imperyalismong US para apulain ang malaganap na ligalig sa mundo, paandarin ang pumapalyang ekonomya ng US at daigdig, patuloy na ipataw ang imperyalistang kapangyarihan at pribilehiyo, at patuloy at higit pang pigain ang mga neokolonya at dependyente ng US — sa madaling sabi, patuloy na itaguyod at igiit ang imperyalistang dominasyon at imperyalistang globalisasyon na kung tutuusi'y mga pangunahing dahilan mismo ng naglalagablab na ligalig at krisis sa mundo.


Sa Pilipinas, ang kampanya laban sa Abu Sayyaf at ang kabiguan ng AFP-PNP na sugpuin ang teroristang pangkat na sariling likha ng AFP at CIA ay sinasangkalan ng imperyalismong US at papet na gubyernong Macapagal-Arroyo para bigyang-matwid ang tuwirang panghihimasok militar ng mga tropang Amerikano sa bansa. Pero ang idinedeklarang kasunod at mas malaking target ng joint operations na nagpapanggap na joint training exercise — ayon mismo sa paulit-ulit na pahayag ni Gen. Angelo Reyes — ay ang NDFP at BHB, na hindi pwedeng iugnay kahit sa guniguni sa pag-atake ng Setyembre 11.

Noon pang Oktubre at Nobyembre ng nakaraang taon ay may sikretong kasunduan na si Bush at Macapagal-Arroyo sa armadong interbensyon ng mga tropang Amerikano sa bansa. Tahasang iligal ang pakana kaya hanggang sa huling sandali ay naghahagilap ang Malakanyang ng mga salamangka sa batas, konstitusyon at paliwanag sa publiko. Nariyan ang pinilipit na mga interpretasyon sa Mutual Defense Treaty (MDT) at Visit ing Forces Agreement (VFA). Nariyan pa ang pag-aanunsyo at pagtanggi pagkatapos ng pagkakaroon ng bagong lihim na Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) na muling nagbibigay sa mga Amerikano ng karapatan sa pagbabase.

Noong umpisa, bago tumindi ang pagtutol ng publiko, walang kahihiyang inaamin ni Macapagal-Arroyo na mabilisang tagumpay sa kalaban ang kanilang sadya at pagbibigay-matwid sa tuwirang panghihimasok militar ng US — kahit pa mayurakan ang pambansang soberanya at mga prosesong konstitusyunal. Sa anu't anuman, desidido ang imperyalistang amo at ang lokal na papet na igiit ang armadong panghihimasok ng mga tropang Amerikano. Kung kinakailangan, luluto sila ng mga bagong kasunduan, magpapakana ng mas masahol pang mga pagsagasa sa sarili nilang konstitusyon, at magpapakulo ng sari-saring insidente — maipilit lamang ang kanilang anti-nasyunal na pakana.

Desperadong naghahagilap ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo ng mga madaliang remedyo sa napakatinding krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema. Lugmok at patuloy pang humihina ang ekonomyang malapyudal bunga ng matinding pandaigdigang krisis, pananalasa ng neoliberal na patakaran sa deregulasyon at liberalisasyon, at wala pang kapantay na burukratikong pangungurakot sa kabang-bayan. Patuloy na lumalawak ang armado at di-armadong paglaban ng mamamayan. Maigting ang mga pakana at banta ng mga reaksyunaryong karibal sa pulitika ni Macapagal-Arroyo. Sa ganitong kalagayan, naghahangad ang naghaharing reaksyunaryong pangkatin ng mabilisang tagumpay militar sa pamamagitan ng direktang tulong ng mga tropang Amerikano, para tabunan ang matinding internal na krisis ng bansa at palakihin ang pagkakataon nilang makatagal hanggang 2004 at manalo sa susunod na eleksyon.


Ang interbensyong militar at nakaambang armadong agresyon ng imperyalismong US ay panibagong malaking pagsahol ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Ito ay desperadong pagbaling sa kolonyal na panghihimasok at pandarahas para iligtas ang gumegewang na reaksyunaryong sistema. Ito ay pamamayani ng todong pangangayupapa at pagkapapet, militarismo at militaristang pamamaraan para marahas na sugpuin hindi lamang ang mga "terorista" kundi ang iba pang tumututol at lumalaban sa imperyalismo at sa paghaharing malaking panginoong maylupa at malaking kumprador-burgis.

Ang matinding lasong dala ng imperyalistang armadong panghihimasok ay agad nadama sa garapal na pagsagasa ng Malakanyang sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Sa udyok ng mga militaristang pinamumunuan ni Gen. Angelo Reyes, arbitraryong sinuspindi ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang usapan at nag-isyu ito ng sunudsunod na mga ultimatum at kundisyong tahasang lumalabag sa mga kasunduang una nang napirmahan ng magkabilang panig. Ang nangingibabaw na intensyon ay hindi kapayapaan ni pakikipag-usap, kundi ang paglansi sa NDFP at mga rebolusyonaryong pwersa para gawing target ng pinagsanib na operasyon ng mga tropang Amerikano at tropang papet.

Tahasang iligalidad at kataksilan ang itinataguyod ng sabwatang Bush-Arroyo at ibayo nitong pinasasahol ang talamak nang iligalidad, kriminalidad at kabulukang nanunuot hanggang sa pinakatuktok ng burukrasyang sibilyan, militar at pulisya ng papet na estado. Lalo nitong iniengganyo at pinalalakas ang dulong kanan, ang mga militarista, ang mga pinakapapet at pinakabulok, ang pinakamasahol na mga elemento ng reaksyunaryong pulitika sa bansa.

Hindi maaaring malimita lamang sa Basilan at Sulu at hindi maaaring malimita lamang sa Abu Sayyaf ang tuwirang epekto ng armadong panghihimasok ng US. Ang Abu Sayyaf ay puwang lamang na sinamantala ng imperyalismong US at papet na rehimeng Macapagal-Arroyo para ibalik ang mga tropang Amerikano at tuwirang makialam sila sa patuloy na lumalawak at umiigting na labanan ng armadong rebolusyon at armadong kontra-rebolusyon sa bansa. Sa tulong ng US, kagyat na hinahabol ng AFP na mabilis na makapagpalakas ng sandata at iba pang kagamitang militar laluna sa transportasyon, komunikasyon at surbeylans, higit pang magparami ng mga papet na tropang regular at paramilitar, at palawakin sa buong kapuluan ang mga malakihang opensibang militar na ngayon ay nakakonsentra sa mga piling prubinsya dahil sa kakulangan sa pondo, kagamitan at tauhan.

Walang dudang lalong patitindihin ng armadong panghihimasok ng US at todong kontra-rebolusyonaryong digma ang paghihirap ng malawak na masa ng sambayanan. Napakalaking hambalos ito sa mamamayang labis-labis nang nagtitiis dahil sa napakalubhang sosyo-ekonomikong krisis.


Hindi maaaring sindakin ng mga banta ng mga imperyalista, reaksyunaryo at militarista ang Partido at rebolusyonaryong kilusan. Bunga ng matagumpay na pagkakumpleto ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ay mas malakas, mas matatag at mas malinaw na nakauunawa sa mga tungkulin at mga pangangailangan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa mga lokal at dayuhang kaaway. Mahigpit na nagkakaisa ang buong Partido at determinado itong pamunuan ang sambayanan sa ubos-kayang paglaban sa armadong panghihimasok at banta ng armadong agresyon ng imperyalismong US. Subok at panday sa mahigit 30 taon ng buhay-at-kamatayang pakikibaka ang Bagong Hukbong Bayan.

Habang mas sumasahol ang imperyalismo at reaksyon, lalo lamang nilang inilalantad at ihinihiwalay ang kanilang sarili, lalo lamang nilang itinataboy palapit sa rebolusyon ang malawak na masa ng sambayanan, at lalo lamang nilang pinadadali ang araw ng kanilang tuluyang pagbagsak. Anuman ang mga taktikal na kahirapang maaaring idulot ng interbensyong militar at armadong agresyon ng US, tiyak na lubos na mahihigitan ang mga iyon ng mga bentaheng lilikhain ng paglaban ng milyun-milyong mamamayang handang makibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Mga tungkulin ng Partido at rebolusyonaryong kilusan

Mahigpit na tungkulin ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan na tuluy-tuloy at ubos-kayang labanan ang armadong panghihimasok at banta ng armadong agresyon ng US. Kailangang malawakang ihanda at pakilusin ang mga rebolusyonaryong pwersa, gayundin ang malawak na masa ng sambayanan para matatag na labanan ang panibagong pananalakay ng imperyalismong US at mga lokal na alipures nito. Palawakin, palakasin at paigtingin ang kilusang protesta at armadong pakikibaka, palawakin at palakasin ang pambansang nagkakaisang prente, at matatag na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Labanan at biguin ang armadong panghihimasok ng US at pagbayarin nang mahal ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa kanilang tahasang pagkapapet at pagtataksil sa bansa.

1Kagyat na bigyang-diin ang pagpapalawak at pagpapaigting ng kilusang protesta at kilusang propaganda. Malawakang pukawin at pakilusin ang masa ng sambayanan para tuligsain, tutulan at labanan ang armadong panghihimasok at banta ng armadong agresyon ng US. Papag-alabin at pataasin ang kamalayang makabayan at anti-imperyalista ng masa ng sambayanan sa pamamagitan ng malawakan at sustinidong mga aksyong protesta, edukasyong pampulitika at mga kulturang pagtatanghal. Matamang subaybayan, matyagan, ilantad, tuligsain at labanan sa bawat hakbang ang armadong panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa Mindanao. Puspusang ilantad at tuligsain ang MDT, VFA, MLSA at iba pang kolonyal na kasunduang kinakasangkapan ng imperyalismong US at papet na rehimen. Magsagawa sa iba't ibang saklaw at antas ng mga paggunita sa Digmaang Pilipino-Amerikano para pukawin at pakilusin ang malawak na masa laban sa imperyalistang panghihimasok at agresyon. Pasiglahin sa loob at labas ng rebolusyonaryong hanay ang pag-aaral sa mga patakaran at estratehiyang internasyunal ng imperyalismong US.

2Ilantad, labanan at ihiwalay ang papet at reaksyunaryong rehimeng Macapagal-Arroyo. Ikonsentra ang pinakamalakas na bira kay Macapagal-Arroyo at mga militarista sa pangunguna ni Angelo Reyes dahil sa kanilang tahasang pagkapapet at pagtataksil sa bansa. Dapat silang kundenahin bilang pinakamasahol na mga elemento ng reaksyunaryong pulitika.

3Palawakin at palakasin ang nagkakaisang prenteng anti-imperyalista. Masigasig na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga pwersa at elementong nagtataguyod sa iba't ibang antas ng anti-imperyalismo at nagtatanggol sa pambansang soberanya at kasarinlan. Magbuo ng pinakamalawak na posibleng alyansa laban sa imperyalistang panghihimasok at agresyon. Magbukas ng pinto at isulong ang iba't ibang tipo, antas at anyo ng pakikipagtulungan sa pinakamalawak na posibleng hanay ng aktwal at potensyal na alyado. Pakilusin ang mga progresibong pwersa at alyado sa mga aksyong protesta, gawaing propaganda, pag-oorganisa, mga hakbang sa loob ng reaksyunaryong parlamento at iba pang larangan para isulong ang pinakamalawak na paglaban ng sambayanan sa iba't ibang larangan.

4 Paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong kapuluan. Pagbayarin nang mahal ang mga reaksyunaryo, lalong palakasin ang armadong rebolusyonaryong kilusan, engganyuhin at suportahan ang iba't ibang anyo ng paglaban, at ihanda ang pag-iisip at organisasyon ng masa at rebolusyonaryong kilusan para sa pukpukang pakikibaka sa imperyalistang agresyon. Sa pamamagitan lamang ng pagpapatindi ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya puspusang maihahanda ang Partido, hukbong bayan at baseng masa para sa pagharap at paglaban sa tumitinding imperyalistang panghihimasok at banta ng agresyon. Lalong mahigpit na panghawakan ang wastong linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na nagtatamasa ng papalawak at papalalim na suportang masa. Dapat pag-ukulan ng mas matama pang pansin ng mga namumunong komite ng Partido at kumand ng hukbo ang pangingibabaw sa mga litaw na kahinaan at sagka sa mabilis na pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa at kilusang masa, pagpapasigla ng mga taktikal na opensiba, at pagpapalawak at pagpapalakas ng Partido sa kanayunan. Dapat paunlarin ang pagsasanay ng mga upisyal at kawal, paunlarin ang kaalaman at kasanayan nila sa mga taktikang gerilya, at pataasin ang kakayahang lumaban ng buong hukbo. Kailangan ding pag-ukulan ng karampatang pansin ang pagpapaunlad ng kakayahan sa mga operasyong partisano sa kalunsuran. At higit sa lahat, ibayong palawakin at palakasin ang baseng masa at kilusang masa, pasiglahin ang iba't ibang tipo ng mga kampanyang masa at mobilisahin sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka ang milyun-milyong mamamayan.

5 Palawakin at palalimin ang kilusang lihim sa kalunsuran at kanayunan. Kailangang seryosohin ang banta ng imperyalistang agresyon habang ubos-kayang nilalabanan at hinahadlangan ito sa iba't ibang paraang ligal at iligal, armado at di-armado. Kahit wala pa ang lantad na panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa kontrarebolusyonaryong digma laban sa BHB, mahigpit na magmatyag sa malamang na tuwiran pero sikretong paglahok nila sa pagmamanman at paniniktik. Kaya lalong palawakin at palalimin ang kilusang lihim sa kalunsuran at kanayunan. Lalong pahigpitin ang pagtalima sa mga tuntunin ng pagsisikreto at lihim na pagkilos. Paunlarin, palawakin at lalong higpitan ang paggamit ng encryption sa mga sensitibong talastasan at impormasyon. Paunlarin ang mabilis pero ligtas na sistema ng komunikasyon: Palawakin at palakasin ang sistema ng mga kuryer habang minamaksimisa ang ligtas na paggamit ng mga modernong pamamaraan ng komunikasyon. Patuloy na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran sa wasto at ligtas na paggamit ng radyo, cellfone, email at iba pang modernong pamamaraan ng komunikasyon. Ayusin at paunlarin ang pagbabase at moda ng operasyon ng mga namumunong komite ng Partido at kumand ng hukbo.

6Palawakin at palakasin ang suportang internasyunal laban sa imperyalistang panghihimasok at banta ng agresyon. Lalong mahalaga at kinakailangan ang mas malawak at mas malakas na pakikipagtulungan sa mga rebolusyonaryo at anti-imperyalistang pwersa sa ibayong dagat, laluna sa United States. Lalong kinakailangan ang higit na pagpapalawak ng anti-imperyalistang propaganda sa ibayong dagat.

 


 Back to top 

20 Enero 2002
Edisyong Pilipino


Labanan ang armadong panghihimasok at banta ng armadong agresyon ng imperyalismong U.S.
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.