Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pulang pagpupugay kay Silvino �Ka Bino� Clamucha

 Read this article in English

Noong hapon ng Marso 5, napatay si Kasamang Silvino �Ka Bino� Clamucha, 51, tagapagsalita ng Arnulfo Ortiz Regional Command ng BHB-Central Visayas. Kasama niyang namartir ang kapwa Pulang mandirigmang si Ka Kardo habang nakikipaglaban ang mga gerilya ng Chocolate Hills Command sa 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Barangay Liboron, Catigbian, Bohol.

Dalawang dekadang makulay na pakikibaka. Halos dalawang dekadang nag-alay ng kanyang angking talino't tapang sa sambayanang Pilipino si Ka Bino.

Galing sa mababang saray ng uring petiburges, ipinanganak siya sa Barangay Del Carmen Norte, Balilihan, Bohol. Pinalaki siyang mapagmahal at matulungin sa kapwa.

Una siyang namulat sa mga progresibong ideya nang mapasali sa anti-diktadurang pagkilos ng noo'y anti-Marcos na partidong PDP-Laban sa Davao del Norte noong 1982. Noong 1984, narekluta siya sa kilusang lihim at naging buong-panahong aktibista sa ligal na demokratikong kilusan. Noong 1988, sumapi siya sa Partido Komunista ng Pilipinas.

Bilang kadre, inatasan siyang pukawin, organisahin at pakilusin ang mga estibador, maglalako at drayber sa Tagbilaran City at kanugnog nito. Isa siya sa mga gumanap ng malaking papel sa matatagumpay na welga ng mga manggagawa sa daungan sa panahong iyon. Nakatulong din siya sa pagkuha ng suporta ng mga panggitnang pwersa sa mga pakikibaka ng batayang masa. Tumulong siya sa pag-oorganisa ng mga magsasaka sa Balilihan kasabay ng paglulunsad ng mga kilos protesta laban sa mga maka-Marcos na pulitiko sa kanilang lokalidad. Pagkatapos ng EDSA I noong 1986, pinamunuan ni Ka Bino ang rali-protesta ng ilandaang Balilihanon laban sa alkaldeng itinalaga ng bagong gubyernong Aquino.

Nang maging kasapi siya ng Komite ng Partido sa Bohol, itinalaga siya noong 1990 sa kanayunan at doo'y gumanap ng mga gawain at responsibilidad bilang kalihim sa iba�t ibang seksyon ng Partido.

Malaki ang ginampanan niyang papel sa lahatang panig na pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagsisimula ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992.

Ipinadala siya noong huling bahagi ng 1992 sa larangang gerilya sa gitnang hilagang Cebu upang palaganapin ang kilusang pagwawasto. Kalagitnaan ng 1995, delegado siya sa Ikalawang Panrehiyong Kumperensya ng Partido at nahalal bilang regular na kasapi ng Komiteng Rehiyon. Agad siyang inatasang mamuno sa rebolusyonaryong gawain sa kalunsuran ng Cebu.

Pagtupad sa dalawang susing gawain. Sa panahong ito, naipatupad ni Ka Bino ang dalawang susing gawain para sa lahatang-panig na pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Una, binuklod niya ang lahat ng mga organo ng Partido sa kalunsuran alinsunod sa papel ng mga pwersa sa mga lunsod at bayan at buong Central Visayas. Ikalawa, tiniyak niya ang patuloy na deployment ng marami-raming kadre at aktibistang masa sa kanayunan laluna mula sa edukadong kabataan at panggitnang pwersa.

Noong 1998, nahalal si Ka Bino sa Komiteng Tagapagpaganap bilang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Central Visayas (KR-CenVis). Itinalaga rin siyang tagapagsalita ng Arnulfo Ortiz Regional Operational Command ng BHB.

Sa panahong iyon, dramatikong umunlad ang apat na larangang gerilya sa Bohol at Cebu.

Malaki ang papel ni Ka Bino sa pagpaplano at paglulunsad ng mapangahas at naging bantog na pagsalakay sa himpilan ng 7th Regional Mobile Group-Combat Support Company (RMG-CSC) sa Barangay Rizal, Batuan noong Hunyo 11, 1999. Sa pamamagitan ng panlalansi, matagumpay na nakaagaw ang BHB ng 60 malalakas na riple, isang 60-mm mortar, isang M60 light machine gun, mahigit 30 maiikling baril at iba pang kagamitang militar. Ito ang pangalawang pinakamalaking bilang ng mga armas na nasamsam sa buong bansa sa isang aksyong militar mula nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Noong maagang bahagi ng taong 2000, pinamunuan ni Ka Bino ang Chocolate Hills Command at personal niyang inasikaso ang pagpaplano at implementasyon ng isa pang matagumpay na taktikal na opensiba. Noong Marso 2, sa pamamagitan ng taktikang panlalansi, anim na elemento ng Special Forces at apat na CAFGU ang namatay sa isang ambus sa Barangay Sta. Catalina, Sagbayan. Noong 2001, pinangasiwaan ni Ka Bino ang lahat ng larangang gerilya sa isla una, bilang pinuno ng Bohol Area Command Conference at kalauna�y Bohol Island Conference.

Kabilang si Ka Bino sa matagumpay na bumigo sa kontra-rebolusyonaryong kampanya ng Task Group Bohol

ng AFP mula Setyembre 1999 hangang Mayo 2000 at sa 301st Brigade mula Hunyo 2000 hanggang Marso 2001.

Sustenidong pag-unlad. Sa pamumuno ni Ka Bino, nagpatuloy sa pag-unlad ang rebolusyonaryong baseng masa sa Bohol. Mahigit kalahati ng mga baryo sa isla ay nasasakupan ng iba't ibang larangang gerilya. Sa mga baryong ito, binubuo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika kasabay ng mga organisasyon ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan at mga grupong suporta.

Upang maisulong ang antipyudal na pakikibaka at maibsan ang karalitaan sa kanayunan, pinamunuan nina Ka Bino ang pagpapatupad ng minimum na programa ng rebolusyong agraryo.

Bukod sa pagpapababa ng upa sa lupa at usura, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid at presyo ng mga produktong agrikultural at pagtataguyod ng mga proyektong mapagkukunan ng dagdag na mapagkakakitaan, isinulong ang mga programa sa kalusugan at kalinisan at mga kampanyang masa laban sa mga kontra-magsasakang presidential proclamation, programa ng plantasyon sa palm, at ang tinaguriang mga "mega project" at pakanang "poverty alleviation" na pinopondohan ng mga imperyalista.

Saludo! Tumulong din sa pagpapaunlad ng armadong pakikibaka sa kalapit na mga isla ang KR-CenVis. Pinamunuan ni Ka Bino ang pagpaplano at implementasyon ng matagumpay na taktikal na opensiba sa Mahaplag, Leyte noong Setyembre 20, 2002. Anim na tropa ng Scout Ranger ang namatay sa labanang ito.

Ilang buwan bago siya nasawi, pinamunuan ni Ka Bino ang pagbubuo ng isa pang larangang gerilya sa Central Visayas.

"Tunay ngang isa siya sa pinakamahuhusay na anak ng henerasyong ito," pagpupugay ng KR-CenVis, ng Arnulfo Ortiz Regional Operational Command at buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabisayaan at buong kapuluan.

Sumasaludo sa kanya ang sambayanang Pilipino!

 


Previous articleBack to topNext article

21 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan ang pagpapatupad ng JMC

Pulang pagpupugay kay Silvino �Ka Bino� Clamucha
Mga ulat koresponsal:
Mga intriga ng AFP, pinabulaanan

Mga ulat koresponsal:
Tuloy ang pakikibaka para sa lupa sa Hacienda Luisita

Sa ibayong dagat: Bagong antas ng pakikibaka sa Iraq
Sa ibayong dagat:
Sharon Plan, isang tusong pakana

Balita:
Mga kasapi ng KARAPATAN, ginawang hostage ng militar

Balita:
KAGUMA, 33 taon na

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.