Davao City, laboratoryo para sa mga pasistang hakbangin
Ginagawa ngayong laboratoryo ng US at rehimeng Macapagal-Arroyo ang Davao City sa pagpapakana ng mga senaryo ng "terorismo" at kaakibat na "kontrol" sa populasyon para masubok ang mga epektibong paraan ng panunupil na maaaaring magamit sa buong bansa, kabilang na ang pagsasabatas at pagpapatupad ng Anti-Terrorism Bill at National ID System.
Mula nang pasimunuan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang serye ng mga pagbobomba at pamamaril sa paliparan, daungan, pati sa mga moske, at iba pang matataong lugar sa lunsod noong Marso at Abril na ikinamatay ng 38 katao at ikinasugat ng mahigit isandaan pa, sunud-sunod nang ipinataw sa Davao City ang mga mapanupil na hakbangin bilang pangontra umano sa pambobomba. Sa bisperas ng pambobomba sa daungan ng Sasa, nagpunta sa Davao City si Col. Victor Corpuz, hepe ng intelligence ng AFP.
Kagyat pagkatapos ng mga pagbobomba, hinigpitan ang seguridad sa syudad. Nilagyan ng karagdagang mga pwersang pulis at militar ang paliparan, daungan at iba pang matataong lugar. Tinambakan ang syudad ng karagdagang pwersang militar�dalawang batalyon ng Marines, isang Scout Ranger coy, isang Special Forces coy, mga regular na kumpanya ng 701st Bde at dagdag pang mga pwersa mula sa Bohol at Zamboanga. Tinayuan ng mahihigpit na tsekpoynt ang mga daan papasok sa syudad at ang mismong sentro ng lunsod. Ginawang kalakaran ang pangangapkap at paghahalughog ng gamit nang walang mandamyento. Mas masahol pa, ipinailalim ni Macapagal-Arroyo sa tinaguriang "state of lawless violence" (o karahasang walang sinasantong batas) hindi lamang ang Davao City kundi ang buong Rehiyon 10 at 11 upang gawing lehitimo ang mga mapanupil na hakbanging ito.
Sa kagyat, target ng panunupil ang MILF at mamamayang Moro na pinagbibintangan ngayon ng rehimen na siyang gumawa ng mga pagbobomba. Kadedeklara pa lamang ng "state of lawless violence," agad dinukot ang dalawang Moro ng mga lalaking nakabonet at nakaunipormeng militar na walang name patch. Tatlo pang Moro ang dinukot sa mga sumunod na araw. Ang mga dinukot, na pinaratangang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ay nawawala pa rin hanggang ngayon.
Mahigit 50 nang Morong sibilyan ang inaresto. Patuloy ang pagsosona sa mga komunidad ng Moro sa Davao City at pagmamarka sa mga bahay ng mga pinalalabas na may kinalaman daw sa MILF at sa mga pagbobomba.
Mga paraan ito para subukan ang mga mas "pinong" aplikasyon sa syudad ng kontra-rebolusyonaryong taktikang malawakan at matinding inihahasik ngayon ng mga pwersang militar ng gubyerno laban sa mamamayan sa kanayunan na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan - ang "paglilimas ng tubig para huliin ang isda".
Target ng pambansang aplikasyon ng mga paraan ng panunupil na nilalaboratoryo ngayon sa Davao City ang mga militanteng demokratikong organisasyon at iba pang nakikibakang mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|