Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

 Read this article in English

(Ikalawang bahagi)

Ilahad natin ngayon dito ang ilang aspeto ng ekonomya at lipunang Tsino noong 1949 hanggang 1976 na nagpapatampok ng mga malaking pagsulong nito sa ilalim ng bandila ng sosyalismo noong 1949 hanggang 1976. Matingkad na ipinakikita ng mga ito ang mga tagumpay na nakamit sa iba't ibang larangan matapos wakasan ang atrasadong malakolonyal at malapyudal na sistema.

Transportasyon. Atrasado ang sistema ng transportasyon at komunikasyon sa malakolonyal at malapyudal na China. Kulang na kulang ang mga riles at mga kalsada upang maabot ang iba't ibang sulok ng napakalawak na bansa. Pagsapit ng 1949, mahigit kalahati ng mga riles at kalsada ay hindi halos magamit dahil sa pagkasira. Napakalimitado rin ng sistema ng transportasyon sa mga ilog at dagat. Halos walang sistema ng transportasyon sa himpapawid. Maging ang ilang malalaking syudad ay walang mga paliparan.

Sa pagtatatag ng demokratikong gubyernong bayan, mabilis na kinumpuni ng mamamayang Tsino ang mga riles. Pagsapit ng 1973, ang kabuuang haba ng mga riles ay ilang ulit na mas malaki kumpara sa iniwan ng mga reaksyunaryo noong 1949. Ang mga ito'y lumagos sa daan-daang matataas na bundok at tumawid sa malalawak na ilog. Pinagdugtong nito ang mga prubinsya at rehiyong dating hindi magkakaugnay. Kabilang dito ang paglalatag ng mga riles na nagdugtong sa hilagang-kanluran at timog-kanlurang China sa iba pang mga sentro ng bansa.

Hanggang 1949, wala ni isang tulay na tumatawid sa Yangzi River, isang 5,800 kilometrong ilog na halos humahati sa buong China mula sa mga bundok sa timog-kanluran hanggang sa timog-silangan. Pagsapit ng 1973, ang Yangzi ay tinatawid na ng apat na malalaking tulay. Nakapagtayo naman ng 10 riles at mahigit 20 tulay sa Yellow River na dati ay tinatawid lamang ng dalawang riles.

Lalong malaking tagumpay ang natamo sa paglalatag ng mga haywey. Sa katapusan ng 1973, ang kabuuang haba ng mga kalsada ay siyam na ulit na mas malaki kumpara noong bago magtagumpay ang rebolusyon noong 1949. Ang mga haywey ay umabot sa Chinghai-Tibetan Plateau, kabilang sa pinakamatataas na lugar sa buong mundo. Aabot sa 2,000 kilometro ang Szechuan-Tibetan Highway na tumawid sa 14 na bundok, sampung malalaking ilog at pumaikot-ikot sa mga dalisdis at bangin. Dahil sa paglalatag ng mga haywey na ito, lalong naging mahigpit ang ugnayan sa mamamayan ng Tibet at iba pang mga nasyunalidad sa iba't ibang bahagi ng China.

Mula 1949, ilang ulit na dumami ang mga tipo ng eroplano na ginamit sa China. Nakapagtatag ng paliparan maging sa Tibetan Plateau at nagkaroon ng regular na byahe patungo roon. Ang byahe ng "domestic flights" noong 1973 ay dumami nang anim na ulit kumpara noong mga unang taon pagkatapos ng tagumpay.

Mula sa wala, sinimulan ng mamamayang Tsino ang pagbubuo ng mga tren. Noong dekada 1960, maramihan na ang produksyon ng malalaking tren at mga modernong bagon na pampasahero at pangkargada. Sinimulan din ang paggawa ng malalaking barko katulad ng 10,000-toneladang barkong-pandagat na binuo noong 1959. Pagsapit ng 1957, mula sa wala, nagsimula ang China na gumawa ng maliliit at katamtamang-laking eroplano.

Ang pag-unlad ng modernong transportasyon sa China ay kaakibat ng pag-unlad ng produksyon sa industriya at agrikultura. Lumaki ang pangangailangan para sa pagbibyahe ng mga produkto. Gayundin, kaakibat ng pag-unlad ng kabuhayan ng mamamayan, lumaki nang ilang ulit ang bilang ng mga pasahero.

Pinansya. Katulad ng kasalukuyang bangkaroteng gubyerno sa Pilipinas, ang reaksyunaryong gubyernong Kuomintang ay palagian noong kapos sa pondo. Ang pinansya nito ay nakasalalay sa pagbubuwis sa mamamayan, walang tigil na pamamalimos sa imperyalismo at paglilimbag ng pera. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagbulusok ng halaga ng salapi.

Pagkatatag ng gubyernong bayan, kaagad nitong ibinasura ang mabibigat na buwis at kung anu-anong mga singilin na nagpahirap sa mamamayan. Winakasan ang imperyalistang pampinansyang kontrol, pinanghawakan ang mga burukrata-kapitalistang institusyong pampinansya at ipinailalim sa sosyalistang pagpaplano ang mga pribadong bangko. Naglabas ng bagong salapi at nagtayo ng bagong sosyalistang sistemang pampinansya.

Itinaguyod ang prinsipyong "paunlarin ang ekonomya at tiyakin ang suplay." Kaakibat ng mabilis na pag-unlad ng produksyon, tuluy-tuloy na nakapag-ipon ng pondo ang China mula sa mga sosyalistang empresa. Sa pamamagitan ng sentral na pagpaplano ng ekonomya, nabalanse ang pondo ng estado at nakapag-ipon pa ng surplas.

Ang mga bono na inisyu ng gubyerno simula 1950 upang makapag-ipon ng kinakailangang inisyal na pondo ay nabayarang lahat pagsapit ng 1968. Ang mga pautang mula sa Soviet Union ay nabayarang lahat pagsapit ng 1965. Pagsapit ng 1973, ang China ay isa nang bansang walang utang.

Matatag ang halaga ng salapi. Sa loob ng dalawang dekada, ang halaga ng mga saligang pangangailangan ng mamamayan ay nanatiling istable (tingnan ang talahanayan sa itaas). Dahil sa pag-unlad ng suplay, ang halaga ng mga produktong minamanupaktura tulad ng mga pataba, makinarya, gamot at iba pa ay unti-unting bumaba.

Sa ilalim ng sosyalistang China, walang ipinataw na "income tax" o indibidwal na buwis sa mga manggagawa. Ang pondo ng estado ay nagmula sa mga sosyalistang empresang nasa kontrol ng estado. Ang alokasyon ng pondo ng estado ay isinagawa alinsunod sa layuning ipatupad ang mabilis na sosyalistang konstruksyon. Kabilang dito ang pagtiyak ng malaking pondo para sa mga proyektong patubig at mekanisasyon ng agrikultura. May pondong pansuporta rin sa mga nagigipit na komunang bayan o brigadang pamproduksyon.

Kasabay nito, naglaan ang estado ng pondo para sa edukasyon, kalusugang pampubliko, agham at kultura. May inilaan ding pondo para sa seguro (insurance) at kagalingan ng mga manggagawa at upang paunlarin ang kabuhayan ng mamamayan. Naglaan din ang estado ng pondo para sa mga lugar ng minoryang mamamayan upang harapin ang mga espesyal na pangangailangan sa mga lugar na ito.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ituon ang makauring galit sa rebolusyonaryong pagbabagsak sa mga nagsasamantalang uri at buong naghaharing sistema

Sigaw ng mga manggagawa sa Hacienda Luisita
Di kami uurong

Mga Ulat Koresponsal
Depensiba sa Tarlac, naipihit tungong taktikal na tagumpay

Tuluy-tuloy na binibigyang-sigla ng kabataan ang Partido at rebolusyonaryong kilusan
40 taon ng Kabataang Makabayan
Mga aral at tagumpay sa pagbubuo ng mga balangay ng Kabataang Makabayan
Bukas na liham ni Ka Roger sa mga sundalo at pulis, pinalalaganap
10 punto ng pagkilos ng mga armadong tauhan ng reaksyunaryong estado
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon
Matatagumpay na opensiba ng BHB
10 tropa ng kaaway, napatay sa pakikipagsagupaan sa BHB ngayong Nobyembre

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.