'Padrino' ng reporma sa lupa?
Ipinagbunyi ni Joseph Estrada ang isinagawang "stock-sharing scheme" ng dating Marcos kroni na si Eduardo 'Danding' Cojuangco noong Oktubre sa Negros Occidental. Ganito aniya ang 'reporma sa lupa'. Ganito rin kababaw ang pag-unawa � at pagpapahalaga � ng rehimeng Estrada sa repormang agraryo.
Hindi pamamahagi ng lupa ang ginawa ni Cojuangco sa Negros. Nagtatag siya ng korporasyong sumasaklaw sa 11 asyendang tubuhang may lawak na 4,361 ektarya. Tinasa ang halaga ng lupa at tinakdaan iyon ng katumbas na minorya at maliit na sosyo sa korporasyong agribisnes na kontrolado ni Danding.
Wala na nga ito sa kalingkingan ng kabuuang pag-aaring lupain at negosyo ng kanilang angkan. Hindi pa totohanan ang pagkakabigay ng lupa sa mga magsasaka. Wala silang tunay na tinig at karapatang magpasya sa tatakbuhin ng negosyong "sinosyohan" nila o kahit man lamang sa mangyayari sa lupang diumano'y kanila na at hindi kay Danding.
Hindi bago ang pakanang ipinampapasiklab ni Danding. Ginagaya lamang niya ang "sharing and agricultural development model" na ipinanloko ng mga pinsan niya sa mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita sa Tarlac.
Sa batas sa huwad na reporma sa lupa ng rehimeng Aquino, ang pamamahagi ng sosyo ay itinuturing na isang tipo ng pamamahagi ng lupa upang makatakas ang mga asendero sa aktwal na pamamahagi ng lupa habang nagkukunwang tumatalima sa reporma sa lupa.
Sa Hacienda Luisita, ang lupang sakahan ay ipinaloob sa mas malaking korporasyong agrikultural, komersyal at industriyal at tinasang may halagang katumbas ng mahigit 33% sosyo sa bagong korporasyon. Sa turing, isinalin sa pagaari ng mga manggagawang bukid ang lupa ng asyenda at naging may-ari sila ng korporasyon, gaya nina Jose 'Peping' Cojuangco at Corazon Aquino. Ngunit walang silbi ang kanilang sosyo. Wala silang nagawa nang itigil ang pagbubungkal at gamitin sa real estate, komersyo at industriya ang papalaking bahagi ng asyenda; nang pagtatanggalin sila sa trabaho, at nang palayasin sila kahit sa mga loteng matagal na nilang pinaninirahan.
Itinatanghal ni Estrada si Danding na "Padrino ng reporma sa lupa." Ang pagdedeklara sa iskema nito sa Negros bilang upisyal na modelo ng distribusyon ng mga komersyal na sakahan ay pagpapabida kay Danding sa kabila ng kanyang pagiging sagadsaring kontramagsasaka.
Ang stock-sharing scheme na labis na nagustuhan ng presidenteng lumilitaw na walang kamuwang-muwang sa reporma sa lupa ay isang bahagi lamang ng engrandeng plano ng "Padrino" na hawakan ang malalawak na bahagi ng Mindanao at Kabisayaan at gawing balwarteng pampulitika at pangekonomya niya at ng kanyang mga piling kampon�hindi lamang sa burukrasyang sibil malamang, kundi maging sa mga pangkating militarista.
Dagdag pang mga gumaganap sa komedyang ito ang mga dating promotor ng "civil society" na nakaluklok sa burukrasya ng Department of Agrarian Reform at mga nangungunang promotor ngayon ng reporma sa lupa na ala- Danding Cojuangco. Pasulput-sulpot din ang pangalan ni Arturo Tabara alias Andres Nava, tagapangulo raw ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawang Pilipino at madalas na espesyal na panauhin sa asyenda ng "Padrino."
|