Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

 Read this article in English

Paano isasalin sa wikang Iloko ang salitang protracted? Kung susundin ang salin sa Pilipino na "matagalan", sa Iloko ay "pangmabayagan". Subalit sa baul ng lenggwaheng Iloko ay may natatangi at mas angkop na termino - "naunday." Ibig sabihin, mahabang proseso pero may hangganan, at hindi maaaring kalburuhin. Tulad lamang ito ng pag-abot sa wastong gulang ng isang bata o paghinog ng panahon.

Mayaman ang bokabularyong Iloko sa presisong paglalarawan ng mga ideya. Ang viewpoint (pananaw) sa Iloko ay "pannirigan" - hindi lamang "opinyon", kundi may dagdag na kahulugang "pagtudla". Ang great ay "naindaklan" - hindi lamang malaki ("dakkel"), kundi "malawak at dakila".

Gayunman, marami pa ring suliranin. Matagal nang katanungan ng mga nagsusulat sa Iloko kung paano isasalin ang mga terminong tulad ng self-reliance (pagsandig sa sarili), one-sided (makaisang panig), real estate (mga lupa at gusali), underemployed (walang sapat na hanapbuhay), Cold War (tunggaliang walang hayagang pagsambulat sa pagitan ng US at Soviet Union) at iba pa.

Paano isasalin ang odd jobbers - mga naglalako ng sigarilyo at kendi sa kalye, tagabantay at tagalinis ng mga kotse at iba pang di regular na trabaho? mangmangged a kumpormi la ditan ti serserken da? (manggagawang kung anu-ano na lamang ang pinapasukan); no anya la ditan ti panggedan da? (kung anu-ano na lamang ang hanapbuhay); uray no ania la't pamastrekan da? (kahit ano pinapasok nila) o kaya ay gamitin ang sangkasaang-sangkasapulan (idyom sa Iloko, na ang katumbas sa Pilipino ay "isang kahig, isang tuka")?

Paano naman ang "pagpapanibagong-hubog", "sahod" na kaiba pa sa "sweldo" at iba pa?

Sa katatapos na Kumperensya sa Lenggwaheng Iloko na idinaos nitong Agosto sa inisyatiba ng rehiyunal na organo ng Partido sa Ilokos-Kordilyera, nagtipon ang mga kagawad na nakatalaga sa propaganda at edukasyon at iba pang kaugnay na organo mula sa rehiyon ng Ilocos-Kordilyera at Cagayan Valley. Dinaluhan din ito ng mga kinatawan mula sa Ang Bayan. Sinikap ng kumperensya na maabot ang pagkakaisa sa isang panimulang gabay at tangkas ng mga susunding kumbensyon para sa ispeling, balarila at bokabularyo sa Iloko. Ito ay patuloy na payayamanin at magsisilbing upisyal na panuntunan sa mga isusulat o isasaling pahayag, dokumento at likhang pampanitikan. Ilalabas ito bilang gabay sa Iloko na kahalintulad ng inilimbag ng KAWSA (Kawanihan sa Pagsasalin ng Partido Komunista ng Pilipinas) noong 1981.

Ang Iloko ay isa sa mga mayor na lenggwahe sa Pilipinas. Ginagamit ito ng mahigit 8,000,000 mamamayan sa kalakhan ng hilagang Luzon. Iloko rin ang lingua franca o komon pero sekundaryong wika ng iba't ibang etno-linggwistikong grupo sa Kordilyera at Cagayan Valley. Signipikante rin ang populasyong nagsasalita ng Iloko sa hilagang bahagi ng Central Luzon. Katulad ng iba pang katutubong lenggwahe sa bansa, ang Iloko ay isang relatibong "batang" wika, kumpara halimbawa sa Ingles. Bagamat ginagamit na ito bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas bilang oral o binibigkas na lenggwahe, ilandaang taon pa lamang ang nakasulat na porma nito. Kung kaya may iba't ibang grupo ng mga manunulat na may magkakaibang panuntunan sa pagsusulat sa Iloko.

Sa tatlong araw na diskusyon, naging mahigpit ang tunggalian ng mga ideya. Maraming punto ang hindi agad o madaling napagkasunduan lalo na sa ispeling. Sa kalaunan, naabot ang pagkakaisa.

Sa ispeling o pagbaybay at balarila, natukoy na may magkatunggaling mga kumbensyon - sa pagitan ng nakagawian at malaganap nang sistema na ginagamit ng Bannawag (bersyong Iloko ng magasin-komiks na Liwayway) at ng mga nagsalin ng Bibliya, at sa kabilang banda ang sistema na nakabatay sa makabagong Pilipino at ayon sa mga panuntunan ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin. Halimbawa, naging malaking usapin kung babaguhin na ang makalumang ispeling ("rebolusion" ay babaybaying "rebolusyon"), at kung ihihiwalay na ang mga panghalip tulad ng nasa dagatayo ("lupa natin") para maging dalawang salita - daga tayo. Sa kalaunan, nagsalubong ang magkabilang panig sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking kunsiderasyon sa mga sumusunod: (1) pag-aangkop sa kasalukuyang mababang antas sa literasiya ng kalakhan ng masang mambabasa; (2) pagsasalubong ng lokal at pambansang wika; at (3) mas madaling pagtugon sa matagal nang paghihintay ng mga pwersa at masa sa bersyong Iloko ng mga rebolusyonaryong babasahin tulad ng Ang Bayan at mga kursong pang-edukasyon. Pinagkaisahang ang purong Iloko na mga kataga ay babaybayin sa dating paraan, habang ang "hiram" o angkat ay isusulat ayon sa baybay sa Pilipino.

Kinilala ang pangangailangan ng pagbibigay ng mataas na halaga sa presisyon sa pagsasalin ng nilalaman ng rebolusyonaryong mensahe.

Kinilala na mas madaling sundin ang dati nang panuntunan ng Iloko sa ispeling dahil may internal itong pag-aalinsunod at walang gaanong eksepsyon sa mga tuntunin. Hindi natin basta-basta binabago ang mga lumang panuntunan sa ispeling at balarila nang walang batayan at kung hindi kailangan, kundi'y maaaring maging katawa-tawa ang ating mga sulatin para sa mga nasanay na sa mga dating panuntunan, at masahol pa, di nila maiintindihan. Halimbawa, mas mainam na panatiliin ang "diario" sa halip na "dyaryo", "industrialisasion" sa halip na "industriyalisasyon" dahil mas nakasanayan na ng masa ang mga ito. Sa kabilang banda, kinilala rin na marami nang mga salitang naisasanib sa Iloko, na hiram sa iba pang lenggwahe.

Maging sa ilang dati nang salitang Iloko, may mga pinagkaisahan ding pagpapaunlad. Sa ispeling, malaking kunsiderasyon ang inilaan ng kumperensya sa elegansya o kagandahan ng tunog at itsura. Halimbawa ang salin ng "panginoong maylupa". Ang apotdaga (mula sa apo ti daga o "panginoong may-ari ng lupa"), na tulad ng landlord sa Ingles, ay hindi elegante sa itsura at para na ring naging bagong salita. Hindi rin elegante ang tunog at itsura ng apo nga addaan-daga (panginoong maylupa), na batay naman sa estilong Pilipino. Pinagkaisahang mas angkop na gamitin ang apo't daga (pinaigsing apo ti daga) kung para sa isa. Maaaring appo't daga ang pangmaramihan, kaya lamang ay maaaring makalito ito dahil kahawig ng apput-daga na ang ibig sabihin ay "panakip sa lupa" at pangit ding pakinggan. Kaya napagkaisahang dagiti apo't daga (mga panginoong maylupa) ang gagamitin sa pangmaramihan.

Kinilala ang pangangailangan ng pagbibigay ng mataas na halaga sa presisyon sa pagsasalin ng nilalaman ng rebolusyonaryong mensahe. Kaugnay nito, kinilala ang pangangailangang paunlarin ang paggamit ng lenggwahe at pagrerebolusyonisa rin nito, maging sa paggamit ng masa. Sa bahaging ito, kinilala sa partikular na may konsiderableng ambag sa pagpapayaman ng Iloko ang rebolusyonaryong kilusan. Maraming masa at Pulang mandirigma ang natutong magbasa at magsulat sa loob ng rebolusyonaryong kilusan. Sa proseso, inangkin na rin ng masa ang mga reboballusyonaryong salitang daglat, tulad ng SI (social investigation), CSC (criticism-self-criticism), "agrev" (agrarian revolution o rebolusyong agraryo) at DA (disciplinary action o aksyong pandisiplina). Malaganap na ring ginagamit ng masang Ilokano ang mga salitang Pilipino tulad ng "ulat", "lagom", "sangay" at "hukbo" at mga salitang angkat tulad ng "pasista", "kumprador burgesya" at "imperyalismo".

Kasabay nito, kinilala ang pangangailangang iangkop din ang gamit natin ng lenggwahe sa antas ng literasiya, kultura at praktika sa gamit dito ng masa. Kaugnay nito, kinilala rin ang pangangailangan ng malawak na pleksibilidad sa pag-angkat, "paghiram" at pag-angkin ng mga termino para mapalawak ang abot ng masang mambabasa. Kinilalang hindi rin naman gaanong nagpapatali ang masa sa "maliit" na usapin ng ispeling. Nariyan halimbawa ang nakaugalian na ng masa na mga salitang "dyonson" (junction), "bormil" o "bolmil" (ball mill), "pista-im" (peace time) at "bakwit" (evacuate). May mga pagkakaiba rin sa bigkas at baybay ng mga tunog na "i" o "e" at "o" o "u" depende sa tinubuang prubinsya, subalit natukoy na menor ang mga ito. Ang mahalaga ay nakikilala at naiintindihan ng mga mambabasa ang mga termino.

Sa proseso ng pagsasalin, nagkaisa na susundin ang pangkalahatang mga panuntunan ayon sa sumusunod na pagkakasunud-sunod:

  • Maghanap ng pinakamalapit na katumbas sa Iloko. Kung maraming pagpipilian, balansehin ang pagpili sa punto ng presisyon at popularidad.
  • Kung walang katumbas sa Iloko, gamitin at ipalaganap ang katumbas sa Pilipino, tulad ng "lagom", "sining" at iba pa.
  • Kung walang katumbas sa Pilipino, pwedeng ipaliwanag na lamang ang kahulugan sa simpleng paraan.
  • Kung walang angkop na salin, gamitin ang orihinal.

Nakikinikinitang may antas na maninibago sa simula ang mga manunulat at mambabasa ng Iloko sa paggamit at pagpapalaganap ng napagkaisahang mga kumbensyon. Subalit bahagi lamang ito ng proseso ng panibagong pagsasanay tungo sa kalaunang popularisasyon. Nagkaisa ring mahalagang makuha ang pidbak ng masang babasa sa mga gagamiting panuntunan.

Malaki ang nakamit na tagumpay sa pagdaraos ng kumperensya. Ang rebolusyonaryong kilusan ay may pursigidong kapasyahang abutin, pukawin at mulatin ang malawak na masa ng mamamayan - sa pamamagitan ng sarili nilang lenggwahe, bukod pa sa Pilipino. Di mapasusubalian ang halaga ng pagsisikap sa pagpapaunlad ng paggamit ng rebolusyonaryong kilusan sa mga lokal na wika, kasabay ng pagpapalaganap at pagpapaunlad rin ng paggamit ng pambansang wika.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga kaisahan sa kumperensya sa pag-abante ng mga rebolusyonaryong gawain at pakikibaka sa Ilokos-Kordilyera, Cagayan Valley, hilagang bahagi ng Gitnang Luzon, at iba pang lugar kung saan laganap ang wikang Iloko. Sa partikular, mapasisigla at mapauunlad ang pagsasalin at paglilimbag ng mga rebolusyonaryong babasahin at ang kabuuang gawaing edukasyon at propaganda sa Iloko.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko
Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.