Naghihingalong sistemang pangkalusugan sa bansa
Hindi tinatamasa ng mayorya ng mamamayang Pilipino ang karampatang serbisyong pangkalusugan dahil sa komersyalisasyon at burukratikong katiwalian.
Maraming Pilipino ang namamatay dulot ng mga kumplikasyon mula sa pinakakaraniwan at madaling gamuting sakit tulad ng trangkaso, tigdas, altapresyon at sakit sa baga. Marami sa mga nagkakasakit ang hindi na umaabot sa mga ospital at hindi na nabibigyan ng anumang atensyong medikal.
Ang pinakamabibigat na suliraning bumabayo sa sistemang pangkalusugan ay sanhi ng patuloy na pagpapatupad ng reaksyunaryong rehimen ng mga kontra-mamamayang patakarang nakapaloob sa Health Sector Reform Agenda (HSRA) at Executive Order 102 (EO 102) na sinimulan ng rehimeng Estrada. Sa balangkas nito, tuluy-tuloy na binabawasan ang kakayahan ng DOH na maghatid ng serbisyong pangkalusugan at ipinapasa sa pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan ang pangangasiwa rito.
KAKARAMPOT NA ALOKASYON PARA SA KALUSUGAN. Tuluy-tuloy ang pagbawas ng badyet para sa serbisyong pangkalusugan nitong mga nakaraang taon: 2.58% (P11.3 bilyon) lamang ng pambansang badyet ang inilaan sa kalusugan noong 1999, noong 2000 ay 2.26% (P10.2 bilyon) at 2.08% (P13.64 bilyon) noong 2001.
Ang mistulang paglaki sa halagang inilaan sa kalusugan (P14.52 bilyon) ay dahil lamang sa paglaki ng kabuuang badyet ng gubyerno ngayong taon. Katunayan, ibayo pang lumiit ang bahagi nito sa kabuuan (1.8%). Pina kamalalaking bahagi pa rin ng pambansang badyet ang ini laan ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa bayad-utang (P359.8 bilyon) at sa militar (P60.24 bilyon).
DEBOLUSYON. Kasabay ng pagpapatupad ng Local Government Code noon pa mang 1991 ay inumpisahan na ang debolusyon o pagpasa ng DOH ng responsibilidad sa serbisyong pangkalusugan sa mga lokal na pamahalaan. Layunin diumano nitong ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayan.
Noong nakaraang Oktubre, 72 na lamang sa 616 pampublikong ospital sa bansa ang hawak ng DOH. Dahil sa kakulangan sa pondo, hindi na namantine at bumagsak ang serbisyo ng mga ospital na napasakamay ng mga lokal na pamahalaan. Samantala, sangkapat na lamang ng lahat ng barangay sa Pilipinas ang mayroong health center. Kadalasa�y sarado ang mga ito at karaniwa�y salat sa gamit, gamot at istap. Kasabay ng debolusyon ng mga serbisyong pangkalusugan ang debolusyon din at paglawak ng katiwalian sa kamay ng mga lokal na burukrasya. Nagdulot ito ng pagkawasak ng paghahatid ng kalingang pangkalusugan at lalong paglayo nito sa mamamayan.
KORPORATISASYON. Patuloy na itinutulak ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga pampublikong ospital na pataasin ang kita upang gawing "de-kalidad" at kumikita bilang "korporasyon" ang lahat ng mga ito pagsapit ng 2010 hanggang 2015. Ihinahabol ng rehimen na gawing korporasyon ang humigit-kumulang 20 mayor na pampublikong ospital sa bansa bago matapos ang taong ito (tingnan ang talaan). Kaakibat nito ang komersyalisasyon at pagtungo sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital.
PAGLALA NG KALAGAYAN NG MGA MANGGAGAWANG PANGKALUSUGAN. Nananatiling kalunus-lunos ang kalagayan ng may 74,000 pampublikong manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Napakaliit ng buwanang kinikita ng mga utility worker (P4,975.70), mga nars (P6,664.11) at medical officer (P11,635.00) kumpara sa taya ng National Economic Development Development Authority (NEDA) na P15,042 na minimum na buwanang sahod na kinakailangan ng isang anim-kataong pamilya. Dulot ng pagkaltas sa badyet at streamlining ng sektor, kadalasa�y pinagtatrabaho sila nang lampas sa walong oras bawat araw o sa takdang trabaho nang walang bayad dahil sa kakulangan sa tao.
Ilan sa mga ospital na ihinahabol na ikorporatisa ngayong 2002:- East Avenue Medical Center
- Quirino Memorial Medical Center
- Rizal Medical Center
- National Children�s Hospital
- Philippine Orthopedic Center
- Jose R. Reyes Memorial Medical Center
- Jose Fabella Memorial Hospital
- Mariano Marcos Memorial Medical Center
- Western Visayas Medical Center
- Cotabato City Medical Center
- Zamboanga City Medical Center
|
Pinagdurusahan ng mga manggagawang pangkalusugan ang kasalatan sa kagamitan para sa proteksyon laban sa mga peligro ng mga gawain sa ospital, ang mga sira at nabubulok na pasilidad at matinding kakulangan sa gamot. Malaking banta sa kanilang seguridad sa trabaho ang tuluy-tuloy na pag-streamline, pagsasanib o pagsasara ng mga pampublikong ospital at mga upisina at serbisyong pang kalusugan. Sinusupil din ang karapatan sa malayang pagpapahayag at pag-oorganisa sa sarili.
Bunga nito, marami sa kanila ang napipilitang mangibangbayan. Katunayan, umabot na sa 150,000 Pilipinong nars ang nagtatrabaho sa labas ng bansa. Dahil sa pangako ng mas mataas na kita at mas kaayaayang mga kundisyon sa paggawa, hindi mapipigilan ang tuluy-tuloy at maramihang paglikas ng mga propesyunal at iba pang manggagawang pangkalusugan mula sa bansa.
Noon pa mang 1993, iniutos ng World Bank (WB) sa mga gubyerno ng mga malakolonya na bawasan ang pampublikong gastos sa serbisyong pangkalusugan at hikayatin ang pribatisasyon ng mga serbisyong medikal at mga segurong pangkalusugan. Ginagawa nitong kalakal ang kalusugan. At ang kalingang pangkalusugan ay ginagawa nitong larangan para sa pagpapayaman. (Tingnan din kaugnay na artikulo sa Setyembre 2000 isyu ng AB).
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|