Matatagumpay na opensiba ng BHB
Rebulto ni Marcos, winasak ng BHB
Ipinagdiwang ng mamamayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang pagpapasabog ng mga mandirigma ang Chadli Molintas Command (CMC) ng Bagong Hukbong Bayan sa Kordilyera sa higanteng rebulto ni Marcos sa Tuba, Benguet noong Disyembre 29.
Sa pahayag ng CMC, tinawag nitong "isang monumento ng absolutong arogansya at kapalaluan ng diktadura" ang naturang rebulto. Dagdag pa, isa itong "salot sa lupaing ninuno ng mamamayang Ibaloi at paalaala sa kakila-kilabot na mga krimen ng mga Marcos laban sa mamamayan." Noon pa ma�y tinututulan na ng mga Ibaloi ang pagtatayo rebulto dahil napalayas sila sa kanilang lupain nang itayo ito noong maagang bahagi ng dekada 1980.
Binati ni Ka Roger, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang pagwasak ng rebulto. Aniya, ang pagwawasak nito ay pagpapahayag na hindi pa nabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng diktadura at "ang tanging masusulingan ng mamamayang inaapi at pinahirapan ng diktadurang Marcos" ay ang rebolusyonaryong kilusan. Binigyang-diin ni Ka Roger na nananatiling may bisa ang direktiba ng Komite Sentral ng PKP noong 1999 na "arestuhin, litisin at parusahan ang mga pangunahing tagapagtupad at nakinabang sa batas militar".
Kampo ng 20th IB, sinalakay ng BHB sa Surigao del Norte
Matagumpay na nilusob ng BHB ang kampo ng abusadong 20th IB sa Barangay Ombong, Alegria, Surigao del Norte noong Disyembre 19. Isang sarhento at isang elemento ng Citizens Armed Forces Geographical Unit ang nasugatan sa labanang tumagal lamang nang 15 minuto. Ang abusado at malupit na 20th IB ay matagal nang inirereklamo ng mga lumad at mga upisyal ng kalapit na bayan ng Las Nieves.
Samantala, isang upisyal ng Philippine Navy sa Agusan del Norte ang naagawan ng kanyang kalibre .45 pistola noong Disyembre 20. Hindi na nakakilos pa si Lt. Christopher Salimbangon nang tutukan siya ng baril ng tatlo-kataong yunit ng BHB sa Sityo Dalaw-an, Barangay Rizal, Buenavista. Maliban sa kanyang baril, nakumpiska rin sa upisyal ang kanyang cell phone at night vision goggles.
Koronel, sugatan sa ambus sa South Cotabato
Isang kumander ng Philippine Army at tatlo pang sundalo ang nasugatan nang ambusin sila ng BHB sa Sityo Salapidan, Barangay Palian, Tupi, South Cotabato nitong Enero 4. Nagpapatrulya ang mga tropa ng 27th IB sa pamumuno n Lt. Col. Eduardo Laden nang sila ay tambangan. Wala pang tatlong kilometro sa detatsment ng Philippine National Police ang pinangyarihan ng ambus.
9 na riple inani sa reyd sa Davao Oriental
Siyam na riple ang nasamsam sa walang putok na reyd ng BHB sa upisina ng Civil Security Unit (CSU) sa Mati, kabisera ng Davao Oriental noong madaling araw ng Disyembre 29. Nasamsam ang dalawang M14, tatlong M16, isang karbin, isang garan at dalawang shotgun. Ang upisina ng CSU, na nasa kapitolyo ng Davao Oriental, ay 200 metro lamang ang layo mula sa himpilan ng 4th Special Forces ng PA at 300 metro lamang mula sa istasyon ng PNP sa Mati.
Mga sundalo, tinambangan sa Samar
Dalawang sundalo ang napatay at tatlo ang sugatan, kabilang si Lt. Reran Ante, nang tambangan sila ng BHB noong umaga ng Disyembre 29 sa Sityo Hebabaugan, Barangay Washington, Catarman, Northern Samar. Ang mga tropa, na pawang kabilang sa 63rd IB, ay lulan ng isang Kennedy-type na dyip nang pasabugan sila ng land mine ng mga Pulang mandirigma ng Sergio Lobina Command ng BHB.
RPA, 12th IB, napinsalaan sa Panay
Isang elemento ng bandidong Revolutionary Proletarian Army (RPA) ang nasugatan nang isnaypin ng BHB ang kanilang tim sa Brgy. Tacoyong Norte, Leon, Iloilo noong Disyembre 6.
Isang sarhento ng 12th IB ang napatay at isa pang sundalo ang nasugatan sa isang bigong operasyon ng militar laban sa BHB noong Nobyembre 29 sa Barangay Sta. Carmen, Dumalag, Capiz. Walang pinsala sa panig ng BHB.
9 na armas, nasamsam sa dalawang opensiba sa Central Visayas
Pitong pwersa ng kaaway ang namatay at siyam na malalakas na armas ang nakumpiska ng BHB sa magkahiwalay na opensibang inilunsad nito laban sa pasistang tropa ng militar at CAFGU sa Cebu at Bohol noong Disyembre.
Nasamsam ng mga gerilya ng BHB ang apat na M14, isang M203 grenade launcher at isang M16 at lahat ng mga bala nang salakayin nila ang mobile detachment ng 78th IB sa Sityo Siotes, Barangay Caurasan, Carmen, Cebu noong Disyembre 12. Namatay ang apat na sundalo at nasugatan ang isa pa sa labanang tumagal ng halos kalahating oras.
Samantala, dalawang M14 at isang M16 ang nakumpiska ng mga Pulang mandirigma nang ambusin nila ang mga elemento ng 15th IB at ng CAFGU sa Sityo Fatima, Barangay Taming, Danao, Bohol noong Disyembre 9. Tatlong elemento ng CAFGU ang namatay sa unang bugso ng putukan.
Pusakal na meyor, pinarusahan
Pinarusahan noong Disyembre 19 ng mga partisano sa ilalim ng Pulang Diwata Command ng BHB sa Hilagang-Silangang Mindanao si Victor Elipe, kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong alkalde ng Tagana-an, Surigao del Norte.
Isang taong nirepaso ng hukumang bayan hanggang sa rehiyunal na antas ang kaso ni Elipe bago siya hinatulan ng kamatayan. Kabilang sa mga kasong iniharap ang pangangamkam ng lupa, panggigipit sa sinumang kumalaban sa kanya, panggagahasa at pagsasamantala sa kababaihan. Humingi ng paumanhin ang BHB sa mga pamilya ng dalawang lokal na upisyal na nasugatan nang magpalitan ng putok ang mga partisano ng BHB sa mga badigard ni Elipe.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|