Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

12 KAAWAY, PATAY SA AMBUS SA BOHOL

Walong sundalo ng Philippine Army at apat na myembro ng CAFGU ang napatay nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa Sta. Catalina, Sagbayan, Bohol nitong Marso 2. Kabilang sa napatay si 2Lt. Socrates Que, lider ng grupo. Tatlong kaaway din ang nasugatan sa naturang ambus. Nasamsam sa ambus na ito ang 14 na matataas na kalibreng armas.

Ang mga inambus na sundalo ay kabilang sa 7th Special Forces Unit na nakabase sa Sityo Kalubihan, Poblacion, Sagbayan. Ang yunit na ito ay aktibo sa paglulunsad ng mga search and destroy operation sa kabundukan ng Sagbayan at mga karatig bayan nito.

16 ARMAS, NASAMSAM SA REYD SA CEBU

Labing-anim na baril, kabilang ang pitong M16, ang nakumpiska nang salakayin ng BHB ang istasyon ng pulis at munisipyo sa bayan ng Sogod, Cebu nitong Abril 27 bandang ika-8 ng umaga. Nasamsam din sa reyd ang isang two-way base radio.

Layunin din ng mga Pulang mandirigma na arestuhin ang alkalde ng Sogod na si Thaddeus Durano, subalit hindi ito inabutan sa kanyang upisina. Si Durano, isang pusakal na pasista at kroni ng yumaong diktador na si Marcos, ang responsable sa pagdukot at pagpatay kina Fr. Rudy Romano at Noli Ylagan noong 1985 at iba pang mga militanteng manggagawa at magsasaka.

BERDUGO NI MACLI-ING DULAG, PINARUSAHAN NG BHB

Pinarusahan ng BHB sa ilalim ng Josefino Corpuz Command ang dating major ng Philippine Army na si Leodegario Adalem nitong Abril 11, ika-11 ng umaga sa tapat ng pamprubinsyang upisina ng National Irrigation Administration sa Lunsod ng Tarlac.

Si Adalem na kabilang sa PMA Class ng 1975 ang pumaslang noong Abril 24, 1980 kay Macli-ing Dulag, lider ng isang tribu ng mga Ifugao na lumaban sa Cellophil Resources at sa proyektong dam sa Ilog Chico.

Ayon kay Jose Agtalon, tagapagsalita ng Josefino Corpuz Command, si Adalem ay lider din ng isang sindikatong sangkot sa iligal na sugal, droga at pagbebenta ng baril sa Gitnang Luzon.

Pinarusahan din ng BHB si Tomas Pangilinan, isang ahente ng National Bureau of Investigation at kasabwat ni Adalem sa mga kriminal na aktibidad.

Sa kaugnay na balita, dalawang sundalo naman ng 70th IB ang napatay ng BHB sa isang ambus noong Marso 15 sa Baler, Aurora.

PULIS, INAMBUS SA QUEZON

Isang pulis ang napatay at pito ang nasugatan sa isang ambus na inilunsad ng BHB nitong Abril 16, bandang 2:30 ng hapon sa Barangay Magsikap, General Nakar, Quezon. Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang upisyal na sina P/Insp. Jesse Batag at P/Insp. Dominic Bacay. Ang dalawang tim ng Special Action Forces at Regional Mobile Group ng Philippine National Police ay nagpapatrulya sa nasabing baryo nang sila'y tambangan ng mga Pulang mandirigma.

MALAWAKANG TRANSPORT STRIKE, TAGUMPAY

Isang matagumpay na transport strike ang isinagawa ng mga militanteng drayber ng dyip nitong Marso 30 sa iba't ibang dako ng bansa. Pinangunahan ito ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Kilusang Mayo Uno.

Lumahok sa naturang aksyong masa ang mga makabayang tsuper, mga manggagawa at iba pang progresibong sektor at grupo mula sa iba't ibang bayan, malalaking lunsod at prubinsya. Mariin nilang tinutulan ang walang tigil na pagtataas sa presyo ng langis at ang kontra-mamamayang road users' tax. Tinuligsa rin ng mamamayan sa naturang pagkilos ang pagtatanggol ni Estrada sa interes ng kartel ng langis at ang pagbibingi-bingihan nito sa kahilingan ng mamamayang irolbak ang presyo ng langis, ibasura ang batas sa deregulasyon, lansagin ang kartel at isabansa ang industriya ng langis.

Naparalisa ang transportasyon sa Bulacan (90%); Pampanga (100%); Tarlac (95%); Bataan (100%); Laguna (Calamba, 95% at Lunsod ng San Pablo, 90%); Cavite (74%); Albay (99%); Sorsogon (100%); Camarines Sur (100%); Lunsod ng Bacolod (100%); Negros Occidental (98%); Negros Oriental (98%); Cebu (100%); Lunsod ng Tagbilaran (100%); Lunsod ng Butuan (90%); Lunsod ng Cagayan de Oro (90%); Lunsod ng Davao (98%); Kidapawan (100%); Cotabato (95%); Mati (98%); Lunsod ng Tagum (99%); Digos (100%); Lunsod ng General Santos (100%); at sa mga mayor na ruta ng dyip sa Metro Manila (85%).

3 SUNDALO, PATAY SA AMBUS SA CAGAYAN

Tatlong sundalo ng 41st IB ang napatay at isa ang nasugatan nang tambangan sila ng BHB sa Sityo Iligan, Barangay Iluru, Rizal, Cagayan nitong Marso 20. Lulan sila ng isang dyip papunta sa kabayanan ng Rizal nang tambangan ng mga Pulang mandirigma. Nasamsam mula sa ambus ang mga M16 ng mga sundalo.

Maraming utang na dugo ang 41st IB sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa hangganang Apayao at Cagayan.

DALAWANG PULIS SA NORTHERN SAMAR, DINISARMAHAN

Apat na M16, isang .45, 12 maiikling magasin at apat na unipormeng pampulis ang nakumpiska ng BHB sa isang walang putok na reyd na inilunsad sa Barangay Botong, Lapinig, Northern Samar noong unang linggo ng Marso.

Pinaligiran ng mga Pulang mandirigmang nagpanggap na mga sundalo ang tahanan nina PO1 Elias Labaca at PO1 Antonio Boses. Agad na isinuko ng dalawang pulis sa BHB ang kanilang mga armas at iba pang kagamitan.

KABABAIHAN, LUMAHOK SA DIGMANG BAYAN! -MAKIBAKA

"Panahon na upang ang malaking bilang ng kababaihan, laluna yaong mga nagmula sa uring manggagawa at magsasaka, ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan". Ito ang naging pana-wagan ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa paggunita nito ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis nitong Marso 8.

Anang MAKIBAKA, kailangang pawiin ng kababaihan ang kaisipan na sila ay mahina. "Hindi tayo mga libangan o mga parausan lamang tulad ng pagturing ni Estrada sa kababaihan," anang MAKIBAKA. Iginiit ng organisasyon na "tulad ng kalalakihan, may kakayahan ang kababaihan na humawak ng armas upang ibagsak ang reaksyunaryong gubyerno". Tinukoy ng MAKIBAKA na sa iba't ibang dako ng kapuluan, sumusulong at lumalaban ang kababaihan - sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya o sa mga welga, rali, barikada at iba pang anyo ng aksyong protesta.

Sa kasalukuyan, anang MAKIBAKA, kumakapal ang hanay ng kababaihan na nakikiisa sa panawagang patalsikin o piliting magbitiw ang rehimen. Subalit inilinaw din nito na hindi kusangloob na isusuko ng rehimeng US-Estrada ang poder nito o makikinig sa gayong panawagan. Bagkus ay lalong magpapakawala ito ng mararahas na pasistang atake. Alinsunod rito, nanawagan din ang MAKIBAKA para sa pagbubuo ng isang kilusang lihim sa kalunsuran na may sapat na lawak at sinsin at itatayo sa mga pabrika, komunidad, paaralan, pribadong kumpanya, ahensya ng gubyerno, ospital, simbahan at iba pang lugar.

 


Previous articleBack to top 

Marso 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!

Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
- Armando Liwanag

Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa
Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Krisis sa sistema ng pagbabangko
Ipagdiwang sa Mayo Uno:
Ibayong militansya at paglaban ng uring manggagawa

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong
Pananalanta ng pasistang estado
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.