Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Ikinalulugod ng Partido Komunista ng Pilipinas ang nakatakdang muling pagsisimula sa darating na Abril ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Katulad sa nakaraan, nakahanda ang Partido at NDFP na itaguyod sa pamamagitan ng usapang pangkapayaan ang mga saligang pambansa at panlipunang interes ng mamamayan na walang ilusyon na ito ang tangi o pangunahing paraan para makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Mulat ang Partido sa kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang deklarasyon para sa "todong kapayapaan" ay hindi nagbabaligtad sa saligang patakaran ng pagsusulong ng kontra-rebolusyonaryong digma. Sisikapin ng mga rebolusyonaryong pwersa na hanggat maaari ay kamtin ang mga signipikanteng pakinabang sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan. Gayunpaman, tiyak na haharapin nito ang maraming balakid na ilalatag ng mga militarista. Ang lahat ng kanilang maniobrang pananabotahe ay kailangang labanan ng lahat ng pwersang magnanais na magtagumpay ang usapang pangkapayapaan.

Pinamumunuan ng Executive Secretary na si Gen. Renato de Villa, ng dating pangulo at kasalukuyang "special ambassador" Gen. Fidel Ramos at ni Defense Secretary Gen. Angelo Reyes ang pangkat ng mga militaristang namumugad sa tuktok ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Kabilang din sa pangkating ito ang di kukulangin sa anim pang dating heneral na hinirang ni Macapagal-Arroyo sa iba�t ibang pusisyon sa kanyang gabinete at iba pang pusisyon sa pamahalaan.

Ang pagpwesto ng mga militaristang ito sa mga nangungunang pusisyon sa gubyernong Macapagal- Arroyo ang pangunahing banta ngayon sa usapang pangkapayapaan. Ang lahatang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal ay tuluy-tuloy na hinahadlangan ni General de Villa. Gayundin, ang planong maayos na pagpapalaya sa mga bihag ng digma ng BHB ay sinabotahe ng mga militarista sa paglulunsad ng nabigong rescue operation nitong Marso 8.

Nakapangyayari ang pusisyon ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa kabila ng naunang deklarasyon ni Macapagal-Arroyo para sa "todong kapayapaan", ipinagpapatuloy nila ang patakaran ng todong digma at militarisasyon sa kanayunan. Kahit ang idineklarang suspensyon ng opensibong mga operasyong militar at pulisya sa Timog Katagalugan ay walang-habas na nilalabag.

Sa mga militarista, ang mga rebolusyonaryo ay mga kriminal at ang pagsapi sa rebolusyonaryong kilusan ay isang krimen. Gagamitin nila ang lahat ng paraan, pangunahin na ang sandatahang pagsupil, upang makamit ang ultimong layuning gapiin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ipreserba ang reaksyunaryong kapangyarihan.

Para sa kanila, may silbi ang usapang pangkapayapaan kung ito ay magagamit para linlangin ang mga rebolusyonaryong pwersa, gawing pasibo o tuluyang pasukuin ang rebolusyon. Pagsisikapan din nilang magkamit ng mga taktikal na layuning militar at pampulitika.

Sa bawat pihit ng usapang pangkapayapaan, nagmamatigas silang mayroon lamang iisang konstitusyon at gubyerno sa bansa; at sinasarhan ang anumang puwang na makilala ang status of belligerency ng rebolusyonaryong kilusan.

Upang makabuluhang sumulong ang usapang pangkapayapaan sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo at mabuo ang mga kasunduan sa substantibong adyenda ng usapan, kailangang tutulan at biguin ang lahat ng maniobra ng mga militarista na isabotahe at ibagsak ang usapan.

Kailangang magpunyagi ang NDFP at ang negotiating panel nito sa pagtataguyod sa rebolusyonaryong integridad nito at sa pambansa-demokratikong interes ng mamamayang Pilipino. Kailangang ipaglaban nito ang pagsasakatuparan ng lahat ng mga nagdaang kasunduan, kabilang na ang CARHRIHL.

Hinihikayat ng Partido ang mga patriyotiko at demokratikong pwersa na bantayan, ilantad at labanan ang mga maniobra ng mga militarista laban sa usapang pangkapayapaan. Kailangang igiit sa rehimeng Macapagal-Arroyo na sipain ang mga pangunahing militaristang elemento sa kanyang gubyerno, laluna si Gen. Renato de Villa.

Ang pusisyon ng NDFP sa negosasyon at anumang makabuluhang makakamit natin sa usapang pangkapayapaan ay nakasalalay sa ating armadong rebolusyonaryong lakas.

Mayroon man o walang usapang pangkapayapaan, kailangang tuluy-tuloy na palakasin ang BHB at ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ito, sa katuus-tuusan, ang batayan ng pagkamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

 


 Back to topNext article

Marso 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Bagong hirang na kalihim ng depensa:
Gen. Angelo Reyes: Pusakal na pasista

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado
Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis
Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe
Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.