Milyun-milyong pisong nakawan sa PAGCOR
Isa na namang palabigasan ng mga naghaharing uri ang nalulugi dahil sa pandarambong ng kasalukuyang rehimen. Ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay baon ngayon sa utang na P1.4 bilyon.
Hindi dapat magkautang ang PAGCOR sa laki ng pondong pumapasok dito. Ngunit dahil sa maluhong pamumuhay ng mga upisyal nito, sa dami ng mga ipinasok na mga bagong upisyal at empleyadong hindi naman kailangan at sa korapsyon na itinatago bilang donasyon, nabaon sa utang ang korporasyon.
Sa PAGCOR nagmumula ang pondo ng Malakanyang para sa mga diumano'y proyekto ng pangulo at iba pang ahensya ng gubyerno. Ito rin ang isa sa mga pangunahing nagpopondo sa Department of Social Welfare and Development at Philippine Sports Commission. Dahil sa laki ng pondo nito at relatibong kaluwagan ng korporasyon sa pamimigay ng tulong pinansyal at ayuda, tradisyunal na itong palabigasan ng lahat ng mga reaksyunaryong rehimen. Bukod rito, hindi inaawdit ng Commission on Audit ang PAGCOR.
Kaya isa sa mga unang hakbang ni Arroyo pagkaupong-pagkaupo niya sa poder ay ipwesto sa PAGCOR si Ephraim Genuino, matapat at maaasahang opereytor ng pamilya Arroyo at iba pang upisyal na dikit kay Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo at sa kanilang prenteng partidong Bigkis Pinoy.
Agad na naglagay si Genuino ng dagdag na 2,000 empleyado sa PAGCOR at mahigit 100 konsultant kasama ang ilang peryodista. Sinuswelduhan ang mga ito ng mula P10,000 hanggang P50,000 kada buwan. Kung pagsasama-samahin, aabot sa P2.5 milyon ang buwanang sweldo ng mga konsultant. Dagdag dito, lumobo mula P18 milyon noong 2000 tungong P86 milyon noong 2002 ang ginastos ng PAGCOR para sa "bonus at iba pang benepisyo."
Bukod rito, mula 2001 ay gumastos ang PAGCOR ng P120 milyon para sa dagdag na 100 mamahaling sasakyan. Walang kahihiyang binigyan ng mga pinuno ng ahensya ang kanilang mga sarili ng "benepisyo" para makabili sila ng magagarang kotse. Si Genuino bilang pinuno ay makakabili ng P2.5 milyong kotse habang ang iba pang mga board member ay mabibigyan ng tig-P2 milyong kotse.
Tinangka ni Genuino na ilihim at pagtakpan ang anomalya sa pamamagitan ng pagpigil sa pagkakalantad nito sa midya. Pansamantalang napigilan ang pagbubunyag ng Probe Team (isang programa sa telebisyon) kaugnay nito nang balaan ng rehimen ang GMA-7 na iaatras nito ang paglalabas sa istasyon ng anumang patalastas ng gubyerno. Mangangahulugan ito ng 6% bawas sa kita ng istasyon. Ipinalabas na lamang ang ulat ng Probe Team makaraan ang ilang linggo nang umalma ang mga tagamidya at maraming mamamayan sa pambubusal sa kalayaan sa pamamahayag.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|