|
|
Noong Mayo 1999, walang awang pinatay ng mga nag-ooperasyong militar ang apat na sibilyan sa Lobo, Batangas matapos silang mapaghinalaang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Noong Oktubre 2000, siyam na mandirigma ng BHB ang pinaslang ng militar sa Haliging Kanluran, Batangas City. Ang mga pangyayaring ito ay nagpalaganap ng matinding takot at pangamba sa mamamayan ng buong prubinsya. Dahil dito, sinimulan nilang masigasig na paghandaan at langkapan ng kulturang pagtatanghal ang mga pulong masa na inilulunsad sa mga baryo. Karaniwan na ginagawa ang pag-awit, pagtula, at pagtatanghal ng mga dula sa espesyal na mga aktibidad tulad ng pag-aaral o anibersaryo. Bukod rito, nakita rin ng mga kasama ang bisa ng sining at panitikan sa araw-araw na mga gawain sa hanay ng masa. Nagsikhay ang mga Pulang mandirigma na paunlarin ang mga pagtatanghal hanggang dumating ang panahong naging bahagi na ito ng kanilang pang-araw-araw na gawain sa hanay ng masa. Ang paglikha ng iskit o dula-dulaan ang isang tipo ng pagtatanghal na mahusay nilang napaunlad sa proseso ng paglulunsad ng gawaing masa. Nilaman ng nalikha nilang mga iskit ang karaniwang buhay ng mga magsasaka, mga kalagayang kanilang kinakaharap, tulad ng militarisasyon, at ang relasyon sa pagitan nila at ng kanilang hukbo. Dahil dito, mainit na tinatanggap ng masang magsasaka ang mga iskit na likha ng mga kasama. Sa gayon, ang mensaheng nais ipaabot ay higit na tumitimo sa kanilang isip. Napananatili rin ang atensyon ng masa dahil maiikli ang mga ito. Mabilis ding nakaaantig ang mga ito sa damdamin ng masa dahil napapanood nila ang kanilang mga sarili at kinasadlakang kalagayan sa mga kwento at tauhan ng mga dula. Naging daluyan ang mga dula ng pagpapatagos ng mga pagsusuri at paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay sa mga isyu at iba pang mga usapin na may kinalaman sa kalagayan ng masa. Naging behikulo rin ang mga ito sa pagpapaunawa sa kanila sa kahalagahan ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo, paglutas ng suliranin sa hanay ng mamamayan at, sa kalaunan, maging sa konsolidasyon ng kanilang hanay. Ayon kay Kasamang Mao Zedong, �Ang hukbong walang gawaing pangkultura ay hukbong mapurol at kailanman ay di makagagapi ng kaaway.� Pinatutunayan ng mga kasama sa Batangas na ang bawat larangang gerilya ay isang malawak na entablado ng labanan di lamang sa pulitiko-militar, kundi maging sa kultura. Ang gawaing pangkultura ay isang mabisang sandata na nagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan upang gapiin ang kaaway.
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|