Ang salamangka sa datos sa disempleyo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Ipinagmamalaki ng gubyerno na mula Oktubre 2000 hanggang Oktubre 2001, nagkaroon ng karagdagang 2.3 milyong bagong hanapbuhay. Dahil dito, lumiit diumano ngayon ang tantos ng walang trabaho mula 10.1% tungong 9.8% .
Mahalagang palalimin ang pagsusuri sa mga datos sa likod ng mga estadistikang ito upang mapaghiwalay ang mistulang paghusay ng kalagayan sa empleyo at ang katotohanan ng lumalalang kawalan ng makabuluhang empleyo sa bansa.
Unang-una, mahigit 80% ng sinasabing may bagong empleyo ay nasa sektor ng agrikultura (900,000) at serbisyo (1.2 milyon). Mga 237,000 lamang ang nasa sektor ng industriya. Sa kabuuan ng empleyo, bumaba nang mula 16% tungong 15.6% ang bahagi ng industriya.d Katunayan, aabot sa 111,080 manggagawa mula sa pribadong sektor ang tinanggal sa trabaho mula Enero hanggang Oktubre 2001 -mahigit kalahati nito (50.9%) ay permanente, samantalang 49.1% naman ang inilagay sa job rotation o pagbabawas ng oras ng trabaho.
Ang higit na paglaki ng "empleyo" sa larangan ng agrikultura at serbisyo habang lumiliit naman ang empleyo sa industriya ay nagdidiin sa atrasadong agraryong katangian ng ekonomya at sa kawalan ng matatag na sektor industriyal sa bansa. Isa itong kabalintunaan, kung tutuusin, dahil habang walang tunay na industriya sa bansa, hindi rin maaaring maitaas ang kakayahan ng sektor ng agrikultura at serbisyo na lumikha ng tunay na empleyo.
Sa 2.3 milyong umanong may bagong hanapbuhay, 739,000 ay mga unpaid family worker (mga narehistrong nagtatrabaho para sa pamilya nang walang sweldo) at 1.2 milyon ay mga own-account worker(mga nag-eempleyo sa sarili na sa kalakha'y mga walang regular na empleyo)!
Mula sa mismong estadistika ng gubyerno, lumalabas din na ang sinasabing dalawang milyong netong pagdami ng empleyo ay ang maramihang pagpalit sa mga pana-panahong manggagawa sa mga dating buong-panahong manggagawa dulot ng "pleksibilidad ng paggawa", "kaswalisasyon", "labor only contracting" at iba pang anti-manggagawang iskema ng mga kapitalista at ng gubyerno. May 2.8 milyong bagong mga kaswal, kontraktwal, aprentis at iba pang partaym na manggagawa, habang 757,000 buong-panahong manggagawa naman ang tinanggal sa trabaho. Lumiliit ang bilang ng mga manggagawa habang mabilis na lumalaki ang bilang ng mga malamanggagawa. Kung tutuusin, ang kalakhan ng nalilikhang "empleyo" ay pawang di istable, di makabuluhan at karaniwang sumasabit lamang sa laylayan ng ekonomya. Sa bilang na 10.9 milyon, ang mga partaym na manggagawa -na kung tutuusi'y mga malamanggagawa- ay bumubuo ngayon nang mahigit 37% ng kabuuang empleyo sa bansa.
Pinatatampok ng mga ito ang sa kalakha'y di industriyal, di makabuluhan at pansamantalang katangian ng empleyong nililikha ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya ng Pilipinas. Isa itong saligang palatandaan ng nagpapatuloy at lalong lumalalang atrasadong kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas.
Ang nagpapatuloy na lugmok na katayuan ng ekonomya, kawalan ng pambansang industriya at bagsak ng produksyon ay magdudulot ng walang iba kundi patuloy at ibayong pagbagsak ng makabuluhang empleyo sa bansa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|