CPLA at AFP, magkakumpitensya sa iligal na pagtotroso sa Apayao
Habang sa kalakha'y magkasabwat sila sa mga kriminal at kontra-rebolusyonaryong pakay at aktibidad, mahigpit na magkaribal sa iligal na pagtotroso sa Cordillera ang reaksyunaryong militar at ang kontra-rebolusyonaryong grupong nagtatawag sa sarili na Cordillera People's Liberation Army (CPLA). Makailang beses nang nagkaroon ng madugong sagupaan sa pagitan ng dalawang grupo sa pagpoprotekta ng kani-kanilang interes.
Noong Hulyo 10 ay nagsagupaan ang mga elemento ng AFP at CPLA sa Luna, Apayao. Ang dahilan ng kanilang banggaan: ang panghuhuthot sa Furniture Group Inc. (FGI). Tumangging magbigay ang FGI ng `10 milyong hinihingi ng CPLA kaya sinunog ng mga elemento nito ang isang trak at ilang buldoser ng kumpanya. Sinagupa sila ng 17th IB na siyang nagbibigay ng proteksyon sa FGI. Nasugatan ang walong elemento ng CPLA at may napatay ding dalawang sibilyan. Ipinuslit ng AFP ang 70 trak ng troso pagkagapi nito sa CPLA. Tahasang nakakapagbyahe ang AFP ng ganito karaming trak ng iligal na troso kahit sa araw.
Upang pagtakpan ang kanilang pagkakasangkot sa insidente, ipinagkalat ng 5th ID na ang nakasagupa nila ay ang BHB. Mariin itong pinabulaanan ni Kasamang Martin Monta�a, tagapagsalita ng Chadli Molintas Command ng BHB sa Ilocos-Cordillera Region.
Parehong nagpapanggap na BHB ang CPLA at AFP hindi lamang upang mapagtakpan ang kanilang mga kriminal na aktibidad, kundi para siraan ang BHB sa mata ng mamamayan.
Kasinungalingan din ang sinasabi ng CPLA na pinangangalagaan nito ang lupang ninuno at ang kagubatan ng Apayao, dagdag ni Ka Martin. Ipinakikita ng mga ulat ng mga yunit ng BHB at ng organisadong masa na sangkot ang mga paksyon ng CPLA sa iligal na pagtotroso, pagtatanim ng marijuana, hweteng at iba pang kriminal na gawain sa Cordillera.
Patuloy na nagkakamal ng pera ang paksyon ni Mailed Molina mula sa iligal na pagtotroso sa Bucloc at mga kalapit na bayan sa katimugang Abra. Samantala, ang paksyong Balweg naman na pinamumunuan ni Michael Suguiyao Jr. ay nakikipagkutsaba sa mga iligal na nagtotroso sa Luna, Pudtol, Conner at Sta. Marcela sa Apayao.
Malawak na ang nasirang gubat at kalupaan bunsod ng ilang dekada ng walang pakundangang pagtotroso ng AFP, CPLA at mga sakim na kumpanya, warlord at mga sindikato sa iligal na pagtotroso. Ang kasalukuyang krisis at nauubos na yaman ng bayan ay nagtutulak sa mga grupong ito sa maigting na ribalan at madugong sagupaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|