Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

 Read this article in English

Ang ibayong paglubha ng krisis pampulitika ng naghaharing reaksyunaryong sistema ay lumilikha ng lalong umiinam na sitwasyon upang mabilis na sumulong at lahatang-panig na makapagpalakas ang rebolusyonaryong kilusan. Kailangang mahigpit na ipatupad ang mga tungkulin at walang-pagod na kumilos ang mga rebolusyonaryong pwersa upang pagkaisahin at pamunuan ang milyun-milyong mamamayan sa pakikibaka para ibagsak ang naghaharing rehimen; at mapukaw at maorganisa sila para sa mas matagal at mahirap na rebolusyonaryong pakikibaka.

Dumaranas ng napakasidhing pampulitikang krisis ang naghaharing sistema. Kinatatampukan ito ng lumalawak na pagkilos ng mamamayan, ng tuwirang banggaan ng mga reaksyunaryong paksyon at ng sagad-sagarang pagkakahiwalay ng naghaharing rehimeng Estrada. Sa kabila ng konsensus sa pagitan ng iba't ibang paksyon ng naghaharing uri na kailangang mabilis na lutasin ang krisis pampulitika, hirap na hirap silang resolbahin ito dahil sa pagbubuhul-buhol ng mga personal at paksyunal na ambisyon, interes ng malalaking negosyo, interes ng mga sindikatong kriminal at iba pa.

Isang magandang pangyayari ang pagkalas ni Luis "Chavit" Singson sa sindikatong kriminal ni Estrada-Atong Ang at pagtestigo niya laban sa malawak na korupsyon, operasyong kriminal at kabulukan sa gubyernong Estrada. Inengganyo nito ang mga reaksyunaryong anti-Estrada, sa partikular ang paksyong Ramos at Aquino, na lumantad at makiisa sa panawagan at mga pagkilos upang patalsikin si Estrada. Pinasiklab nito ang kasalukuyang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema.

Patuloy na lumalawak ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada ng mga pwersang patriyotiko at demokratiko. Kabilang dito ang mga organisasyon ng batayang masang manggagawa at magsasaka, ng sektor ng kababaihan, kabataan, mga propesyunal, kawani ng pamahalaan pati na ang mga mayor na sektang relihiyoso, mga akademikong institusyon at mga pulitikong anti-Estrada.

May umiiral na koordinasyon at tulungang pormal at di pormal, hayag at lihim sa mga pagsisikap na wakasan ang rehimeng Estrada. Nanawagan si Jaime Cardinal Sin at Corazon Aquino para sa pagbibitiw o pansamantalang pagbabakasyon (leave of absence). Dahan-dahan ay nakaiipon ng tagasuporta sa kongreso ang resolusyon para sa impeachment (pagtanggal sa pwesto) ni Estrada habang patuloy na isinasagawa ang pagdinig sa Senado ng kaso sa hweteng na lalong nagdedetalye sa mga iligal na operasyon at katiwalian ng gubyernong Estrada. Sa masmidya, ibinubunyag ang daan-daang milyong pisong mga mansyon ni Estrada at ng kanyang mga asawa sa mga eksklusibong subdibisyon na ibayong nagpapaapoy sa galit ng mamamayang Pilipino.

Lahat ng mga ito ay ambag sa pangkalahatang pagsisikap na pabagsakin ang gubyernong Estrada. Subalit ang higit na mahalagang pagtuunan ng pansin at pagpupunyagi ay ang ibayong mas demokratiko at makapangyarihang paglahok ng milyun-milyong mamamayan sa mga dambuhalang kilos-protesta sa lansangan. Ang halaga nito ay pinatunayan ng pag-aalsa sa EDSA noong 1986 na nagpabagsak kay Marcos kaalinsabay ng rebelyon ng militar at pulisya. Ang tuluy-tuloy na paglawak ng mga kilos-protesta ay mapagpasyang salik sa paglaban kay Estrada. Dahil ito ang nagbibigay-lakas at bigat sa iba pang mga paraan ng pagpapatalsik kay Estrada, kailangan itong pagtulungan ng lahat ng pwersang anti-Estrada.

Nag-iilusyon si Estrada na lilipas din ang krisis pampulitikang yumayanig sa kanyang poder. Sinisikap niyang hatiin ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada sa pamamagitan ng mga populistang islogan at pangungutya sa lumalawak na protesta bilang pakana lamang ng "mayayamang" kalaban niya sa pulitika. Ginagamit niya ang mga maralitang lungsod upang magdaos ng mga palabas na pamamahagi ng lupa; at tulad ni Marcos, nag-oorganisa si Estrada ng mga panatikong loyalista at gumagamit ng pondo ng gubyerno upang hakutin sila sa mga raling maka- Estrada.

Ipinananakot ni Estrada na mayroong mga nagpaplano ng pambobomba at panununog upang bigyang-matwid ang paggamit ng pwersa sa pagsupil sa mga aksyong masa. Subalit ang ganitong mga hakbang ay lalo lamang nagpapagalit sa mamamayan at nag-uudyok sa kanila na lalo pang lumaban.

Subalit ang higit na mahalagang pagtuunan ng pansin at pagpupunyagi ay ang ibayong mas demokratiko at makapangyarihang paglahok ng milyunmilyong mamamayan sa mga dambuhalang kilos-protesta sa lansangan.

Ginagamit rin ni Estrada ang maliliit na kontra-rebolusyonaryong grupo, partikular ang Sanlakas- BMP. Sa pananawagang magbitiw ang lahat ng pambansang upisyal ng reaksyunaryong gubyerno at "baguhin ang sistema", layunin ng mga grupong ito na lumikha ng lamat sa nagkakaisang prenteng anti- Estrada, maling palawakin ang target ng protesta upang pahinain o ilayo ang puntirya kay Estrada at palabasing mababago ang sistema ng gubyerno kahit walang rebolusyonaryong pakikibaka o sa simpleng pagtanggal o pagbibitiw ng ilang upisyal. Maari rin silang maglunsad ng mga pakanang insureksyunista, tulad ng panununog ng bus, paninira ng mga ari-arian at iba pa upang bigyang-matwid ang opsyon ni Estrada na ipataw ang batas militar.

Ngunit lahat ng plano ni Estrada na manatili sa poder ay tiyak na lulunurin ng agos ng protesta. Gumegewang na ang kaniyang rehimen. Ilang panahon na lamang ay babagsak ito katulad ng pagbagsak ng diktadurang Marcos.

Sa aktwal, inilaglag na ng imperyalismong US si Estrada dahil sagabal na ito sa kapanatagan ng naghaharing sistema. Ang pinakamalaking senyales nito ay ang pagkakait ng IMF sa bagong $310-milyong pautang matapos tanggihan ang ipinanukalang mas mataas na mga target sa depisito sa badyet ng gubyerno.

Itinutulak ng imperyalismong US ang mabilis na paglutas sa krisis sa pulitika ng naghaharing sistema. Nangangamba ito na habang tumatagal, lumalalim at nagiging mahirap paghilumin ang nililikha nitong lamat sa naghaharing sistema, kabilang na ang posibilidad na muling sumambulat ang tuwirang armadong banggaan ng magkakalabang reaksyunaryong paksyon. Gayundin, nangangamba ang US na ibubunsod ng krisis na ito ang paglawak at paglakas ng ligal na demokratikong kilusan at ng rebolusyonaryong armadong kilusan sa kanayunan.

Sa kabila ng mga senyales ng US, patuloy na nagmamatigas si Estrada na kumapit sa poder. Lahat ng mga iniaalok na opsyong ligal ay tinanggihan niya kabilang na ang kanyang pagbibitiw, pansamantalang pagbabakasyon at pagbibigay-daan sa snap election. Dahil dito, kumikitid ang puwang para sa mabilis at mahinahong paglutas sa pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Sa kabilang panig, binibigyan nito ng puwang at pagkakataon na makapagpalawak at makapagpalakas ang mga kilos-protesta hanggang makapag-ipon ito ng sapat na lakas upang ibagsak si Estrada.

Anuman ang maging paraan ng pagwawakas sa rehimeng Estrada at sinuman ang humaliling pinuno ng reaksyunaryong estado, hindi ito magreresulta sa katatagan ng naghaharing sistema. Sadyang lumiliit nang lumiliit ang espasyo para mahinahong magsamahan at maghatian ang magkakalabang reaksyunaryong paksyon sa burukratang kapitalistang operasyon at iba pang pakinabang at pribilehiyo sa estado poder.

Kakailanganing harapin ng papalit na gubyerno ang demokratiko at patriyotikong interes ng mamamayan. Ang mga aksyong masang magpapabagsak kay Estrada ay tiyak na magtataas sa antas ng kamulatan, kapasyahan at kakayahang lumaban ng mamamayan. Haharapin din ng hahaliling gubyerno ang nag-iibayong lakas ng rebolusyonaryong kilusan, laluna ang umiigting na rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. Hindi magiging kasindali para sa bagong gubyernong ito na walangpakundangang lapastanganin at yurakan ang pambansa at demokratikong interes ng mamamayan sa takot na sapitin nito ang sinapit ni Marcos at sasapitin ni Estrada.

Buong katiyakan na ang tatayong gubyerno matapos ibagsak ang rehimeng Estrada ay magiging papet din ng imperyalismong US at magsisilbing tagapangalaga ng estadong neokolonyal. Ang rebolusyonaryong proseso ng pagpapalaya sa Pilipinas mula sa imperyalistang kontrol ay higit na mas kumplikado at mahirap kaysa pagpapabagsak sa gubyerno ni Estrada.

Kaya kinakailangang samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kasalukuyang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema upang mabilis na isulong at palakasin ang rebolusyonaryong kilusan.

Tungo rito, isinaad sa pahayag ng Komiteng Tagapagpaganap-Komite Sentral ng Partido nitong Oktubre 14 ang sumusunod na tungkulin: (1) ilunsad ang mga taktikal na opensiba at paigtingin ang armadong pakikibaka; (2) paigtingin ang mga protesta at pakikibakang masa; (3) palawakin at pasiglahin ang mga kampanyang antipyudal at iba pang kampanyang masa sa kanayunan kasabay ng pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya; (4) mapangahas na palawakin ang mga ugnay at magpakahusay sa mga taktikang nagkakaisang prente; (5) palawakin ang gawaing propaganda at edukasyong pampulitika; at (6) mapangahas na palawakin ang Partido nang hindi pinalulusot ang ni isang masamang elemento. Responsibilidad ng lahat ng kasapi at yunit ng Partido na pag-aralan ang pahayag na ito at iangkop at ipatupad ang mga nakasaad na tungkulin sa kanikanilang saklaw.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay nangunguna sa paglantad at paglaban sa papet, pasista at bulok na gubyernong Estrada. Mananatili itong nasa unahan ng pagsisikap na ilantad at labanan ang mga susunod pang papet na gubyernong ihahalili sa tuktok ng estadong neokolonyal habang patuloy na pinanghahawakan ang mga pangmatagalang tungkulin ng hakbang-hakbang na pagiipon ng armado at organisadong lakas at baha-bahaging pagdurog sa kaaway hanggang hinog na ang sitwasyon upang ibagsak ang naghaharing sistema.

 


 Back to topNext article

Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!
Sa harap ng malubhang krisis sa pulitika:
Patuloy ang pagdausdos ng ekonomya

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa

Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana

Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok

Sa ilalim ng VFA:
Pang-aabuso ng tropang Amerikano

Ang United Nations:
Tagapagtanggol ng imperyalismo

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.