Mga anti-globalisasyong pagkilos, sumusulong
Sa nakaraang dalawang taon, ibayong sumigabo ang mga paglaban sa imperyalistang "globalisasyon" sa iba�t ibang bahagi ng mundo. Kinatangian ito ng mga dambuhalang demonstrasyon sa loob at labas ng mga sentro ng kapitalismo at malalawak na mga taktikal na alyansang sumasaklaw ng ilandaang organisasyon at indibidwal. Tunay ngang hindi na makapagtipon saan mang dako ng daigdig ang mga monopolyong burges na mga negosyante at pulitiko nang hindi hinaharap ng malawakang protesta ng mamamayan. Bilang tugon, marahas na binubuwag ng mga lokal na pwersang militar at pulis ang karamihan sa mga demonstrasyon.
Habang nakatuon sa iba�t ibang internasyunal na institusyon at pulong ng mga imperyalista (IMF, WB, WTO, FTAA, Group of 8, EU Summit, WEF), ang mga raling ito ay pawang lumalaban sa mga pang-ekonomyang patakaran ng imperyalismo na pumipinsala sa mga malakolonya, mga sekundaryong kapitalistang bansa at sa mamamayan ng daigdig. Palagiang tema ng mga protesta ang pagtutol sa "globalisasyon" at sa kaakibat na patakarang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga pambansang ekonomya.
Ilan sa pinakatampok ang sumusunod:
Seattle, USA: Sa tinaguriang "Battle in Seattle", dumagsa sa lansangan ng syudad na ito noong Nobyembre 1999 ang mahigit 60,000 katao upang tutulan ang mga patakaran ng "globalisasyon". Nakatuon ang mga demonstrasyon sa pagbubukas ng pulong ng World Trade Organization. Nang sumiklab ang kaguluhan, nagpataw ng batas militar ang gubyernong US sa mga lansangan ng Seattle at marahas na binuwag ang mga demonstrasyon. Ang "Battle in Seattle" ang kauna-unahang malaking anti-"globalisasyong" demonstrasyon na inilunsad sa mismong bakuran ng imperyalismong US.
Prague, Czech Republic: Itinaon ng mahigit 50,000 aktibista ang kanilang mga rali sa pagbubukas ng pagpupulong ng IMF at WB noong Setyembre 2000. Tulad ng inaasahan, marahas na binuwag ng mga pulis ang mga demonstrasyon.
Melbourne, Australia: Umabot sa 30,000 ang nagprotesta sa pagbubukas ng World Economic Forum (WEF) sa Melbourne noong Setyembre 2000.
Sa Brazil, idinaos noong Enero 2001 ang World Social Forum na dinaluhan ng mahigit 10,000 parlamentarista, siyentista, lider unyon at aktibista mula sa iba�t ibang panig ng daigdig. Itinaon ang porum sa WEF sa Davos, Switzerland�isang pulong ng pinakamalalaking kumpanya sa buong mundo.
Quebec, Canada: Naging sentro ng mga protesta ang Quebec noong Abril 2001 nang idaos dito ang Summit of the Americas. Marahas na binuwag ng pulisya ang mga rali at umabot sa 400 ang mga inarestong demonstrador.
Gothenburg, Sweden: Mahigit 20,000 ang dumagsa at nagrali sa Gothenburg habang idinaraos doon ang European Union Summit noong Hunyo 2001. Binatikos ng mga nagrali ang "globalisasyon". Sinalakay, binatuta at pinaputukan ng mga pulis ang isang hanay ng mga demonstrador. Mahigit 500 ang inaresto at daan-daan ang nasugatan, tatlo sa kanila dahil sa tama ng bala.
Genoa, Italy: Umabot sa 200,000 demonstrador ang marahas na dinispers ng 20,000 pulis sa Genoa, Italy noong Hulyo 2001. Itinaon ang mga protesta sa pagbubukas ng pulong ng Group of 8 na kinabibilangan ng walong pinakamayayamang bansa sa mundo. Isang demonstrador ang binaril, napatay at pinasagasaan pa sa armored vehicle ng pulisya. Marami ang nasaktan at marami rin ang iligal na inaresto.
Brussels, Belgium: Umabot sa 80,000 manggagawa at iba pang mamamayan ang nagrali sa Brussels dalawang araw bago ang pagdaraos dito ng European Union Summit noong Disyembre 2001. Iginiit ng mga nagrali ang pagpapababa ng disempleyo, mas maayos na mga serbisyong panlipunan, mas masaklaw na karapatan ng mga manggagawa at mas maayos na kalagayan sa paggawa.
Barcelona, Spain: May 300,000 mamamayan ang nagprotesta sa Barcelona laban sa "globalisasyon". Idinaos ito kasabay ng pagdaraos ng European Union Summit noong Marso ng taong ito. Marahas na binuwag ng mga pulis ang rali, gamit ang tirgas at iba pang instrumento para sa riot dispersal. Umabot sa 10 ang nasaktan at 50 ang inaresto.
Washington DC, USA: Noong Abril 2002, umabot sa 100,000 demonstrador ang nagtipon sa Washington DC, kasabay ng pagbubukas doon ng Ministerial Meeting ng WTO. Bukod sa mga panawagang anti-"globalisasyon", nanawagan din ang mga nagrali laban sa "digmang kontra-terorismo" ng US at sa terorismo ng Israel sa Palestine.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|