Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Mahusay na plano, bentahe sa tereyn, mahigpit na ugnay sa masa

 Read this article in English

Ang mga pangyayari sa matagumpay na opensiba ng BHB sa San Ildefonso, Bulacan

Noong Nobyembre 30, naganap ang matagumpay na pananambang ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa Barangay Pasong Bangkal, San Ildefonso, Bulacan. Inambus ng 20-kataong yunit ng BHB ang 20-katao ring yunit ng "C" Company ng 56th IB. Napatay sa ambus ang 14 na sundalo at lima ang sugatan. Nasamsam ng BHB ang 18 malalakas na sandata.

Pilit pinalabas ng militar na nagsasagawa ng isang relief operation para sa mga nasalanta ng bagyo ang naturang yunit ng militar. Subalit inamin mismo ng mga nakaligtas na sundalo na sila ay nagsasagawa ng misyong pangkombat. Nasamsam din kay 1Lt. Ben Puyao ang mission order, saklaw, tagal, kumand at mga yunit na sangkot sa kanilang operasyon. Walang dalang anumang relief items ang mga sudalong napalaban. Higit sa lahat, malayo ang pinangyarihan ng labanan sa mga lugar na apektado ng baha.

Ayon sa ulat ng mga kasama sa Central Luzon, alas-9:00 ng umaga ng Nobyembre 30 nang ipaabot ng taumbaryo ang balitang may operasyon ang kaaway. Naghahanda pa lamang sila para sa mga gawain sa araw na iyon kung kaya't pinagpasyahan nilang iwasang makaengkwentro ang mga nag-ooperasyong militar. Kasabay ng pag-iwas na makabangga ang kaaway, tiniyak nilang nasa mataas na pusisyon sila. Pumwesto sila sa hilera ng mga punong mangga sa tabi ng kalsadang malayo na sa kabahayan. Humigit-kumulang 60 metro ang layo ng manggahang ito sa kalsada. Ito na rin ang dulo ng masukal na bahagi ng lugar na iyon. Lagpas pa rito ay malaki na ang posibilidad na may makakita sa kanila.

Habang nakaantabay ay tuluy-tuloy na nakatanggap ng impormasyon ang mga Pulang mandirigma mula sa taumbaryo. Ayon sa pasabilis, sa karanasan ay sa kalsadang iyon dumaraan ang mga sundalo tuwing nag-ooperasyon. Alas-tres ng hapon nang nagmamadaling dumating ang nagbigay ng impormasyon. "Andyan na, mga kasama!" ang ulat nito.

Nagsipaghanda ang mga gerilya. Ilang sandali pa ay nakita na nila ang nakapila at naglalakad na mga kaaway. Nang pasok na sa tambangan ang lahat ng tropa, binasag ng putok ng baril ang katahimikan. Sumunod na rin ang pagpapaputok ng ibang Pulang mandirigma, at ang makapal na ganting-putok ng kaaway. Malinaw ang bilin ng kumand sa mga Pulang mandirigma: huwag magpapaputok nang hindi sigurado ang target. Ito'y upang walang masayang na bala. Inasinta at tiniyak na bawat putok ay may matatamaan.

Habang nagpapalitan ng putok, napansin ng kumand ng BHB na hindi gumagalaw ang kaaway at nananatili sila sa lugar kung saan una silang pinaputukan. Nangakadapang nagkumpulan ang mga militar sa lungaw pero sa mababang bahagi.

"Plangka kanan!" "Kunin ang kalsada!" Sunud-sunod ang bigay ng kumand ng CO ng yunit ng BHB. Di kalaunan ay nasukol ng mga gerilya ang paralisadong kaaway. Tumagal ng isa't kalahating oras ang labanan.

Sumuko ang limang sugatang sundalo. Tinipon at kinausap sila ng mga kasama. Nilapatan sila ng unang lunas sa abot ng makakaya. Ayon sa mga kasama, nakiusap ang isang sundalo na kunin na lamang ng mga kasama ang kanyang hawak na pera. Wika ng isang sundalo, "Manganganak po ang aking asawa, andun po sa bag ang perang gagamitin sa panganganak." Ngunit pinakuha lamang ng mga kasama ang kanyang bag at laking tuwa niya nang ipahawak ito sa kanya. Nang matiyak ng mga Pulang mandirigma ang kalagayan ng mga sugatan, pinalaya nila ang lahat ng mga bihag.

Sa labanang ito, nag-alay ng buhay si Kasamang Anacleto Butuan Jr. Nasugatan din ang dalawa pang kasama.

Napatunayan ng mga Pulang mandirigma na maipagtatagumpay ang opensiba laban sa nag-ooperasyong yunit ng kaaway sa pamamagitan ng mahusay na taktika at teknika, paggamit ng bentahe ng tereyn, at higit sa lahat, ng mahigpit na suporta ng masa. Sa kabila ng pagkakapantay lang ng bilang ng mga tropa ng BHB at ng kaaway, may kalamangan ang BHB dahil sa mahigpit na suportang masa.

Napatunayan din na kung taglay ang mga bentaheng nabanggit, kahit mga sundalo ng Philippine Army o kahit mga Scout Ranger na sinasabing dumaan sa espesyal na pagsasanay ay kayang gapiin. Ipinakita rin ng opensiba sa San Ildefonso ang kakayahan ng BHB na madaliang magbalangkas ng mahusay na planong pang-opensiba na tiyak na maipagtatagumpay.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Enero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Protestang bayan at mga armadong opensiba ng BHB, yayanig sa rehimeng Arroyo sa 2005

Mabungang taon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Central Luzon
Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Mahusay na plano, bentahe sa tereyn, mahigpit na ugnay sa masa
Patuloy ang pandarahas sa piketlayn ng Hacienda Luisita
Mga tagumpay ng rebolusyonaryong mamamayan at kilusan sa Western Mindanao
Sa buong Mindanao...
Ang susunod na apat na taon sa ilalim ni George W. Bush
155,000 patay sa tsunami sa Indian Ocean
Unilateral na tigil putukan ng GRP, nilabag ng militar
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.