Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya:
Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

 Read this article in English

(Ikatlong bahagi)

Sa batayan ng pag-unlad ng lokal na produksyon sa industriya at agrikultura at pagpapaunlad ng ugnayang panlabas, napaunlad rin ang kalakalang panlabas ng China. Noong 1949, mula sa dating kalakalang panlabas na tali at kontrolado ng imperyalismo, sinimulan ng mamamayang Tsino ang bagong sistema ng pakikipagkalakalan na nakabatay sa pantay na ugnayan at mutwal na pakinabang; gayundin, sa batayan ng palitan ng karanasan at pagpapaunlad ng pakikipagkaibigan ng mamamayang Tsino sa iba't ibang mamamayan ng daigdig.

Maunlad ang ugnayang pangkalakalan ng China at mga sosyalistang bansa sa batayan ng internasyunalismo at pagtulong sa isa't isa. Maunlad rin ang kalakalan sa mga mapagkaibigang bansa sa Asia, Africa at Latin America sa batayan ng kapwa pagsuporta sa pagpapaunlad ng ekonomya. Tuluy-tuloy ding lumaki ang ugnayang pangkalakalan sa mga kapitalistang bansa.

Sa pag-unlad noon ng ekonomya ng sosyalistang China, lumaki nang lumaki ang dami at halaga ng mga produktong nailuluwas nito. Sa loob ng walong taon hanggang 1973, lumaki nang 2.5 ulit ang halaga ng eksport ng China. Animnapu't limang porsyento ng mga eksport ng sosyalistang China ay mga produktong minanupaktura. Kabilang dito ang mga instrumentong pangmakinarya, mga kagamitang pangkonstruksyon, mga instrumentong siyentipiko, mga panukat, aparatong medikal, mga bisikleta, makinang panahi, kamera at iba't iba pang mga produkto. Nakapagluwas na rin noon ang China ng langis matapos nitong matugunan ang sariling pangangailangan.

Sinikap ng China na umasa sa sarili. Itinuon nito ang produksyon sa pagtitiyak sa pangangailangan ng mamamayan at ekonomya. Sa ganitong balangkas isinagawa noon ng China ang pag-aangkat ng ilang mga produkto tulad ng bakal, mga sasakyan, barko, eroplano, mga makinarya, goma, pataba, insecticide at iba pa. Isinagawa ito sa planadong paraan tungo sa lalong pagpapaunlad ng produksyon at para matiyak ang suplay ng iba't ibang klase ng mga produktong pangkonsumo.

Pag-unlad sa kabuhayan ng mamamayan

Sa ilalim ng sosyalismo, ang mamamayang Tsino ay nabuhay nang may kasiguruhan habang tuluy-tuloy na umangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Tiniyak noon ng gubyernong bayan sa pamumuno ng Partido Komunista na pangunahing binibigyang-konsiderasyon ang interes ng mamamayan.

Pagkatapos magtagumpay ng rebolusyon, kagyat na nilutas ang problema ng disempleyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho alinsunod sa pangangailangan ng pambansang rekonstruksyon. Sa mabilis na pagsulong ng sosyalistang konstruksyon, nalutas ang problema ng kawalan ng trabaho. Pagsapit ng 1957-58, wala nang disempleyo sa China.

Ang ipinatupad noong sistema ng sahod ay nagdiin sa pangangailangang paliitin ang agwat ng pinakamataas at pinakamababang antas ng sahod. Kasabay niyon, nagpatupad ng mga pagtaas ng sahod. Pagsapit ng 1973, ang karaniwang sahod ng mga manggagawa ay 150% mas mataas kumpara sa mga unang taon ng sosyalistang rebolusyon. Subalit higit pa sa pagtataas ng sahod, tiniyak ang istableng kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng kaseguruhan sa empleyo, matatag na mga presyo, mababang paupa sa mga tirahan (na 4-5% lamang ng buwanang sahod), kawalan ng income tax at pagtiyak sa mga pampublikong serbisyo sa edukasyon at kalusugan.

Siniguro ng estado ang mga gastos sa panganganak, sa pagtanda o kapag napipinsala o nababalda. Kapag nagkakasakit, ang mga manggagawa ay nabibigyan ng 40-100% ng kanilang sahod, habang sinasagot ng estado ang kanilang gastusing medikal. Kapag napinsala habang nagtatrabaho, tumatanggap ang mga manggagawa ng 100% ng kanilang sahod habang nagpapagaling. Ang kababaihan ay binibigyan ng 56-araw na bayad na maternity leave, at lahat ng gastusin sa ospital ay binabalikat ng estado. Binabalikat din ng estado ang gastusing medikal ng mga nagkakasakit na kamag-anak ng mga manggagawa sa empresa ng estado. Ang mga nagreretiro ay tumatanggap ng 50-85% ng kanilang sahod bilang pensyon. Naglaan ang estado ng pondo para sa seguro ng mga manggagawa na hindi kinakaltas sa kanilang sahod.

Sa panahon ng sosyalismo, tuluy-tuloy ding tumaas ang kita ng mga magsasaka kasabay ng pag-unlad ng produksyon at pagsasagawa ng sosyalistang transpormasyon sa agrikultura. Nakapagtipon ng reserbang butil ang mga brigadang pamproduksyon at mga pamilya. Naitaas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng butil at iba pang produkto ng mga magsasaka, kasabay ng pagbababa ng presyo ng mga produktong industriyal at mga makinaryang pang-agrikultura.

Ilang ulit na tumaas ang antas ng kabuhayan ng mamamayan sa kalunsuran at kanayunan sa pagpapataas ng kita at ng kakayahang bumili. Dahil dito, patuloy na tumaas noon ang pagkonsumo ng karne, itlog, mga gulay at mga kagamitang pambahay. Bagamat itinaas ang presyo ng mga produktong agrikultural upang itaas ang kita sa kanayunan, pinanatili ng estado ang presyo nito sa pamilihan upang tiyakin ang kabuhayan ng mamamayan sa mga syudad at kabayanan. Tuluy-tuloy ding ibinaba ng sosyalistang estado ang presyo ng gamot. Bumaba nang 80% ang presyo ng ilang importanteng gamot mula 1950 hanggang 1973.

Upang lutasin ang malawak na problema ng pabahay, kaagad nagtayo ang estado ng mga apartment at iba pang tirahan para sa mga manggagawa. Isa itong malaking pagsulong sa kabuhayan ng milyun-milyong manggagawa na dating naninirahan sa mga barungbarong.

Natamo ng mamamayang Tsino ang matatag at masayang buhay sa ilalim ng bandila ng sosyalistang rebolusyon noong 1949-1976. Ipinakita nila na ang paglaya mula sa krisis, kahirapan at kagutuman ay makakamit lamang sa pagwawakas ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal at pagtataguyod ng isang estadong pinamumunuan ng proletaryado at kumakatawan sa interes ng malawak na mamamayan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Disyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Desperasyon ng rehimeng Arroyo, nagpapalala sa terorismo ng estado

Panananlanta ng pasistang estado:
Walang habas na paglabag sa CARHRIHL

Panananlanta ng pasistang estado:
Karumal-dumal na masaker sa Hacienda Luisita

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
18 armas, nasamsan ng BHB sa Bulacan

Luha ng buwaya
Edukasyong Pilipino:
Nananatiling komersyalisado at nakatuon sa dayuhang interes

Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya:
Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon
Kaugnayan ng mga kontrarebolusyonaryong grupo sa mga Trotskyista at Sosyal-Demokrata
Tigil-pasada
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.