|
|
May namumuong krisis sa sektor ng asukal. Malaki ang posibilidad na umiral muli ang taggutom sa Negros na katulad ng naganap noong unang hati ng dekada 1980 lalupa't umaasa lamang sa produksyon ng asukal ang ekonomya ng isla. Limampu't anim na porsyento (56%) ng kabuuang 2.2 milyong metriko toneladang (MT) produksyon ng asukal noong Crop Year (CY) 2002-2003 ay galing sa Negros. Patuloy na pagbulusok ng presyo ng asukal. Walang awat sa pagbagsak ang presyo ng asukal sa pandaigdigan at lokal na merkado. Mula P880 kada 50 kilo bag, bumagsak noong Disyembre 2003 ang presyo sa mill gate tungong P660. Bumulusok pa ito sa P638 nitong huling linggo ng Enero. Responsable sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng lokal na asukal ang limang pinakamalalaking tagapag-import at mangangalakal Mataas na gastos sa produksyon. Talong-talo sa kumpetensya ang mga lokal na prodyuser ng asukal sa harap ng pagbulusok ng presyo nito bunga ng pagtatambak ng imported na asukal. Ito'y dahil sa napakataas na gastos sa produksyon. Noong CY 2003, tumaas ang gastos sa produksyon nang P715 (abereyds) bawat 50 kilo bag dahil tumaas din ang presyo ng abono at iba pa, subalit mahigit P600 lang ang presyo ng isang bag ng asukal. Dagdag pa, nagiging kalakaran na ang "technical smuggling" o ang pagbebenta sa lokal na merkadong pangkonsumo ng murang imported na na asukal (na galing sa Thailand, Vietnam, China at Australia) na dapat sana'y para lamang sa gamit-industriyal. Sa pagpasok ng premixed sugar concentrate (ginagamit sa mga fruit juice ng mga kumpanya ng pagkain at mga processor), naisasaisantabi sa lokal na pamilihan ang tinatayang 120,000 hanggang 150,000 metriko toneladang lokal na asukal. Dahil sa lahat ng ito, bawas ang kita, mga bisyo at luho ng malalaki at midyum na saray ng mga sugar planter (nagtatanim ng tubo). Marami sa kanila na may pagkakautang sa bangko ay narimata na. Pero ang lubhang apektado ay yaong mga nagmamay-ari ng limang ektaryang tubuhan pababa na bumibilang ng humigit-kumulang 14,000 sugar planter. Kulang o walang kapital ang mga ito para mapataas ang produksyon kaya napipilitan silang magbenta na lamang ng kanilang asukal sa lubhang mababang presyo. Lalong nagdarahop. Bunga nito, papatinding kahirapan ang hinaharap ng 581,000 manggagawa sa mga sentral at repineriya, manggagawang bukid at magsasaka, bukod pa sa limang milyong mamamayan sa bansa (3.2 milyon sa Negros) na umaasa sa sektor ng asukal para sa kanilang kabuhayan. Nananatiling mababa ang kanilang sahod kung hindi man kulang, at halos wala silang natatanggap na benepisyo. Ayon sa National Federation of Sugar Workers (NFSW), ang aktwal na minimum na sahod kada araw sa mga asyenda ay mula P30 hanggang P100. Sa papel lamang ang sinasabing P140 hanggang P169 na minimum na sahod kada araw. Habang-buhay din sila sa pagiging kontraktwal na manggagawa at kaswal na trabahador sa pag-iral ng imperyalistang globalisasyon. Dagdag pa, bunga ng patakarang flexible labor, sinisisante ang marami sa kanila, na napapabilang sa lumalaking hukbo ng mga walang trabaho. Noong 2001, iniulat ng DOLE na mahigit 70% ng kabuuang 210,000 na walang hanapbuhay sa Western Visayas ay matatagpuan sa Negros. Maiuugat ang partikular na krisis sa sektor ng asukal sa bulok na sistemang malapyudal at malakolonyal at sa lubusang pangangayupapa ng papet na gubyerno tulad ng rehimeng Arroyo sa imperyalistang globalisasyon. Habang hindi lubusang nababago ang bulok at mapaniil na naghaharing sistemang ito, habang walang tunay na programa sa reporma sa lupa at kaakibat na pambansang industriyalisasyon, magpapatuloy ang kalunus-lunos na kalagayan ng sektor ng asukal.
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|