Laban ng maralitang-lunsod, laban ng uring manggagawaMaagang bahagi pa ng 1900, panahon ng imperyalistang pananakop ng US sa Pilipinas, nang nag-umpisa ang pagdagsa ng mga magsasaka sa kalunsuran bunga ng matinding pagsasamantalang dinanas sa kamay ng mga dayuhang mananakop at mga lokal na tuta nito.
Marahas na inagaw ng US at mga lokal na alipures nila ang lupa ng ilanlibong magsasaka sa kanayunan at pinagtibay ang dati nang pangangamkam ng mga Kastila sa pamamagitan ng pagtititulo sa mga lupain. Matapos sunugin ang kanilang mga kubo, pinalayas at ikinonsentra ang mga magsasaka sa mga "sanitary barrio" ng kalunsuran.
Tuluy-tuloy na itinaboy ng mga kolonyalista ang mga magsasaka papunta sa kalunsuran na noon ay tinatayuan ng mga negosyong Amerikano. Ginamit ng mga dayuhan ang kumakapal na hanay ng mga maralitang-lunsod bilang hukbo ng murang lakas-paggawa. Nagsimulang lumaganap ang suliranin ng kawalang-trabaho at disenteng pabahay sa mga komunidad ng maralita.
Noong 1930, tumampok ang paggiit ng mga manggagawa para sa makataong paninirahan bilang bahagi ng mahusay na kundisyon sa paggawa, at laban sa pagsasamantala. Bunga nito, napilitan ang kolonyal na gubyerno na simulan ang "relokasyon" sa tinawag nang mga "barrio obrero" sa Bago Bantay at Bagong Pag-asa. Sa kabilang banda, nagpatuloy ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay, mga gusali at iba pang imprastruktura na nagsilbi sa pang-komersyong interes ng mga kolonyalistang mananakop.
Pagsapit ng 1946, umabot na sa 23,000 maralitanglunsod ang nakatira sa mga komunidad na nakapalibot sa mga pabrika sa Tondo at Intramuros. Sobra pa sa 10 beses ang inilaki nito pagsapit ng 1963 sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sa loob lamang ng magdadalawang dekada ay walang patid na sapilitang pagpapalayas, demolisyon at relokasyon ang dinanas ng mga maralitanglunsod sa kamay ng gubyerno. Tinangka ng estado na itapon pabalik sa prubinsya ang mga maralita, subalit ang karamihan ay bumalik lamang sa lunsod.
Militante ang kasaysayan ng organisadong pagkilos ng maralitang-lunsod. Noong maagang bahagi ng 1960, ipinaglaban ng nagbuklod na mga maralitang-lunsod (Tondo Foreshore Tenants Association o TFTA) ang karapatang magkaroon ng sariling bahay at lupa, at iginiit na kilanlin ng batas ang karapatang ito.
Itinulak nito ang reaksyunaryong rehimeng Quirino na buuin ang RA 1597 at RA 2438, mga batas na kumilala sa naturang karapatan. Subalit matapos nito, tinangka ng mga reaksunaryo na ilayo sa militanteng paglaban ang mga maralitang-lunsod.
Humiwalay sa tunguhing ito ang mga samahang komunidad noong 1969 para buuin ang patuloy na lumawak na samahang paglaon ay tinawag na Zone One Tondo Organization (ZOTO). Umanib ito sa mga pambansa-demokratikong organisasyon noong dekada'70. Kasama ang mga myembro ng ZOTO sa mga naging biktima ng pamamaril ng rehimeng USMarcos sa rali ng mga manggagawa noong Mayo 1, 1971. Lalo itong nagsigasig at nangahas sa paglahok sa maraming kilos-protesta at aksyong masa laban sa reaksyunaryong estado, mga kapitalista at mga dayuhang kapangyarihan. Samantala, walang puknat pa rin ang pang-aapi, pandarahas, pagwasak sa mga tahanan, panununog at sapilitang pagpapalayas ng reaksyunaryong rehimeng Marcos sa mga maralitanglunsod, sa ngalan ng mga dayuhan at lokal na negosyo at ahensya gaya ng World Bank.
Para pahupain ang militanteng pakikibaka ng ZOTO, naghain ng mga proyekto para sa pabahay at pagpapaunlad ng lunsod ang reaksyunaryong estado. Pinondohon ng World Bank ang mga proyektong ito.
Hindi kailanman nagtagumpay ang reaksyon sa tangkang suhetuhin ang pakikibaka ng mga maralitang-lunsod. Mula't sapul, militanteng nakibaka ang mga maralita para sa kanilang mga kagyat at pangmatagalang kahilingan kasama ang ibang mamamayang inaapi.
Ito ay sa kabila ng pag-atras at paghina ng kanilang kilusan noong dekada '80 dala ng pangkalahatang disoryentasyon ng pambansa-demokratikong kilusan. Dahil sa pang-uuk-ok ng oportunismo at kaisipang petiburges, marami sa kanilang mga lider ang nahumaling sa korupsyon at ekonomismo. Sinamantala ng reaksyon ang kahinaang ito at unti-unting lumuwag ang pagkakaisa ng mga maralita.
Sa huling bahagi ng 1980, hinangad ng mga insureksyunista ang "madaliang tagumpay" laban sa reaksyunaryong rehimeng Aquino. Itrinansporma ng mga insureksyunista ang mga komunidad ng maralita sa mga "prenteng partisano" at ginawa itong lunsaran ng mga aksyong militar. Sinagot ng reaksyunaryong gubyerno ang adbenturismong ito ng mas matinding pananalakay na puminsala hindi lamang sa mga lihim na organisasyon sa komunidad kundi pati sa mga ligal na samahang maralita.
Nang inilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992, kabilang ang mga maralitang-lunsod sa mga rebolusyonaryong pwersang naglagom ng ilang dekada ng pakikibaka, tumukoy sa sariling mga kahinaan at pagkakamali, at nagpasyang magwasto at sumulong sa wastong landas ng rebolusyon � bilang pwersang kaanib sa uring manggagawa at mala-manggagawa.
Magpahanggang ngayon, patuloy na tinatangka ng kontra-rebolusyonaryong rehimen na supilin ang pakikibaka at wasakin ang pagkakaisa ng mga maralita. Bukod sa mga huwad na pakanang pabahay at pangkabuhayan, ginagamit ng reaksyunaryong gubyerno ang maliliit na kontra-rebolusyonaryong grupo bilang espesyal na ahente nito. Sa pamamagitan ng mga naturang grupo, naghahasik ang reaksyon ng mga intriga at kasinungalingan sa hanay ng mga maralita upang ilihis sila mula sa landas ng militanteng paglaban.
Pinatunayan ng mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga maralitang-lunsod na ang suliranin sa pabahay, trabaho, at karapatan ay sumasalamin sa krisis na sanhi ng mga saligang suliranin ng lipunan. Ngayon, sa bilang na umaabot na ng ilampung milyon, muling lumalakas ang kanilang hanay at humahamon sa isa pang nagpapanggap na maka-mahirap na rehimeng US-Estrada. Kaagapay ang rebolusyonaryong kilusan, iginigiit ng mga maralitang-lunsod ang solusyon sa kanilang mga kagyat na suliranin, habang nag-iipon ng lakas para sa saligang pagbabago ng lipunan.
Sa landas ng kilusang pagwawasto, ang bawat hakbang ng mga maralitang-lunsod ay ginagawa sa konteksto ng pangkalahatang pakikibaka ng uring manggagawa at ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|