Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hinggil sa rebolusyonaryong pakikibaka ng Indonesia

 Read this article in English

Ni Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Agosto 17, 1999

Mula nang ideklara ang kalayaan ng Indonesya noong Agosto 17, 1945, nagmaniobra ang imperyalismong US at ang mga alyado nitong imperyalista sa Kanluran upang ipailalim

ang Indonesia sa paghaharing neokolonyal. Ang bansang ito ay ikaapat sa pinakamalaki sa usapin ng populasyon at napakayaman sa langis at ibang mga likas na yaman. Kung kayat pinag-imbutan ito ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Nang nasa Timog Silangang Asya ang sentro ng pandaigdigang rebolusyonaryong sigwa noong ikalawang hati ng ika-20 siglo, dumanas ng pinakamalaking pagkatalo sa Vietnam at sa buong Indotsina ang imperyalismong US, subalit bago nito ay nagawa na nitong agawin ang Indonesia (at ito ang pinakamalaking bagay na nasamsam ng US) sa pamamagitan ng kudeta ng pasistang militar ni Suharto laban sa gubyerno ni Sukarno. Ang pagkawasak ng Partido Komunista ng Indonesia (Partai Komunis Indonesia, PKI) at ng lahat ng iba pang mga pwersang anti-imperyalista sa Indonesya noong 1965 ay nagkaroon ng pandaigdigang kahalagahan at nagdulot ng malaking kahihinatnan sa gitna ng brutal na pagtatangka ng imperyalismong US na baligtarin ang malaking daluyong ng mga rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Ang imperyalismong US bilang mang-uupat

Ang imperyalismong US ang pinakaaktibo sa mga imperyalistang kapangyarihan sa pagwasak at pag-atake sa pambansang soberanya at kalayaan ng Indonesia. Gumamit ito ng lahat ng klase ng mga taktika upang makamit nito ang malisyoso nitong layunin, kabilang na ang pakikipagsabwatan sa iba pang mga imperyalistang kapangyarihan, ang pagalaga at paggamit ng mga reaksyunaryong pulitiko at mga upisyal ng militar, pagtangkilik at pagbigay ng rekurso sa maka-Kanang mga rebelyon at tuwirang agresyon.

Nagtagumpay ang imperyalismong US sa iskema nitong gamitin muna si Heneral Nasution bilang prente sa isang panahon at pagkatapos ay si Heneral Suharto bilang prinsipal na instrumento para sa krusyal na pagkilos noong 1965. Tuso nitong dinisenyo at sinulsulan ang planong kudeta ng konseho ng mga heneral, na nagbunsod sa mga upisyal panseguridad ng presidente na maglunsad ng isang kontra-kudeta. Ito naman ang nagbigay-daan sa pangunahing kudeta ni Heneral Suharto.

Ang rehimeng Suharto na pinatatakbo ng US ay nagmasaker sa mahigit na isang milyong Indones (ang mga tantya ay aabot, sa pinakamababa, sa kalahating milyon, at sa pinakamataas, sa 1.6 milyong mamamayan). Bunga nito, buong-layang nakapagpipiga ng superganansya ang US at ibang mga imperyalista mula sa pagsasamantala sa murang lakas-paggawa at likas na yamang Indones at mula sa pagpapataw ng lubhang mabibigat na mga pautang. Malaon na ring nagpapakahibang sa burukratikong korupsyon ang mga pasistang tuta sa kanilang pagkuha sa kanilang bahagi ng yamang galing sa pagsasamantala.

Buhat nang bumagsak ang ekonomya ng Indonesia at nang magsimula ang sustenido at militanteng mga aksyong masa noong 1997, kinailangan ng mga imperyalista at ng kanilang mga alipures na isaisantabi ang pigura ni Suharto at sikaping lumikha ng ilusyon ng demokratisasyon ng lipunang Indones. Ngunit nananatili ang mga pasistang pwersa na kinakatawan ni Suharto at ang kayamanang patago nilang kinamal.

Nagtamo si Megawati Sukarno Putri ng pinakamalaking bulto ng mga boto sa mga eleksyong pakana ng mga kahalili ni Suharto ngunit hindi siya tiyak na magiging presidente. Kahit na siya ang mahalal na presidente, sa halip na si Habibie, mapaiikutan at matatali pa rin siya sa pakikipagkompromiso sa mga di-nagsisising mga pasista at mga mandarambong. Katulad ng naganap sa Pilipinas noong 1986, maaari siyang maging isang pigurang pampalamuti tulad ni Ginang Aquino na pirming minamatyagan ng mga mapagbantay na mata ng isang militar na point guard na hinirang ng US. Si Heneral Wiranto ay maaaring gumanap ng papel ni Heneral Ramos.

Ipinagyayabang ng imperyalismong US na tagapagtangkilik daw ito ng demokrasya sa Indonesia. Narito ang pinakamalaking suliranin ng mamamayang Indones. Katulad ng nangyari sa Pilipinas, kailangan ng puspusang pakikibaka kahit sa pagsasadokumento pa lamang ng mga nakaw na yaman at mga naging biktima ng masaker ng mga pasista. Nangangailangan ng isang rebolusyon upang maisakatuparan ang katarungang iginigiit ng mamamayan.

Ano ang kailangang gawin Tiyak na kinakailangang ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng isang malawak na antipasistang demokratikong nagkakaisang prente upang makamit ang layuning wasakin ang �bagong kaayusan�, ang pasistang dikatadurang militar na itinayo ng pangkating US-Suharto at nananatili sa pamamagitan

ng tuwirang mga kahalili ni Suharto at ng tinatawag na militar na may dobleng tungkulin.

Ngunit ang gayong nagkakaisang prente, na lubos na kinakailangan, ay hindi makasasapat para lumikha ng isang rebolusyon, para alisin ang imperyalistang dominasyon at ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa, lubusang pawiin ang mga salik ng pasistang diktadurang militar at makaalpas sa iskemang �transisyon� at �pagpapatuloy� na dinisenyo ng US at ng International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB) at World Trade Organization (WTO) at ipinatutupad ng mga papet na heneral at mga reaksyunaryong pulitiko.

Para sa mamamayang Indones, laluna ang mga anakpawis na manggagawa at magsasaka, ang mga panggitnang saray ng lipunan at ang mga naiwang pamilya ng mahigit na isang milyong martir na pinaslang ng mga pasista sa panunulsol ng imperyalismong US, hindi makasasapat na si Suharto ay isaisantabi lamang at isagawa ang isang ehersisyong elektoral para lamang magbuo ng isang malaking kompromiso sa pagitan ng mga tagasunod ni Suharto at ng kanilang mga karibal sa loob din ng naghaharing sistema.

Bukod sa malawak na antipasistang nagkakaisang prente, na nagpatunay na sa kapangyarihan ng mga militanteng aksyong masa upang pilitin ang mga imperyalista na isaisantabi si Suharto sa pamamagitan ng paggamit ng pinansyal na panlyabe, kinakailangang muling magpalakas ng sarili ang Partido Komunista ng Indonesia upang maitayo ang isang hukbong bayan at makapaglunsad ng matagalang digmang bayan.

Bunga ng mga masaker noong 1965, tinangka ng Partido Komunista ng Indonesia na maglunsad ng digmang bayan sa Blitar at pagkatapos, sa Kalimantan Utara. Sa bawat pagkakataon, nasugpo ng kaaway ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Subalit hindi pa nasusubukan ng PKI hanggang ngayon na maglunsad ng digmang bayan sa tatlo hanggang limang rehiyon nang sabay-sabay, alinsunod sa prinsipyo ng sentralisadong pangideolohiya at pampulitikang pamumuno at desentralisadong operasyon ng pakikidigmang gerilya.

Napapanahong buuin ang Partido at ang hukbong bayan. Ang Indonesia ay sinasalanta ng mga imperyalista at ng mga lokal na reaksyunaryo. Pilit at patuloy na tinatakot ng mga pasista ang mamamayan at sa gayo�y inuudyok silang maglunsad ng armadong rebolusyon. Sa di-maitakdang hinaharap, patuloy na mawawasak ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador-panginoong maylupa ng sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis na walang humpay ang paglala.

Ang pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon ng langis at iba pang mga hilaw na materyales at ng nakaasa-sa-import na mga semi-manupakturang pang-eksport na may mababang dagdag-na-halaga, ang lumalaking depisit sa kalakalan at badyet at ang napakabigat na mga pautang ay patuloy na magpapahirap sa mamamayan at magpapahina sa naghaharing sistema.

Ang tinatawag na globalisasyon ng malayang pamilihan ay magpapabilis sa krisis ng naghaharing sistema at magpapatindi ng pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan. Ang krisis na ito ang magtutulak sa malawak na masa ng mamamayan na lumaban. Ang walang tigil na paglubha ng agraryo at malapyudal na kundisyon ng Indonesia ay matabang lupa para sa matagalang digmang bayan alinsunod sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon.

May isang panahon na ipinagmalaki ng mga antikomunista at mga tagatangkilik ng makaimperyalistang �liberal na demokrasya� at ng �lipunang sibil� ang relatibong mapayapang pagbagsak ni Marcos bilang halimbawa para tularan ng mga mamamayang nasa ilalim ng despotikong paghahari at kinutya nila ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pagtanggi nitong magpasakop sa mga reaksyunaryong anti-Marcos, kabilang ang mga nahuling bumaligtad mula sa mismong pasistang kampong Marcos.

Subalit kung walang tunay na pulitiko-militar at panlipunang rebolusyon ng mamamayan, walang ibang magaganap kundi ang muling pag-iral ng mga pakanang elektoral ng mga reaksyunaryo, ang pananatili ng mga mapagsamantalang uri at ang iskandalosong pagbabalik sa kapangyarihang pampulitika ng mga Marcos at ng kanilang pinakamasasahol na kroni at berdugo. Isang napakalaking kabalintunaan na sa Pilipinas, ang mga oportunistang ito at mga repormista na nagngangawa sa nakaraan na sapat nang palatandaan ng demokrasya na palitan si Marcos ni Aquino, ay kasapakat ngayon ng mga Marcos at mga pinakakinamumuhiang alipures ni Marcos sa ilalim ng panunungkulan ni Estrada.

Kung walang rebolusyonaryong pagkilos para alisan ng kapangyarihang pampulitika at ng nakaw na yaman na kanilang kinamal ang pamilyang Suharto at ang kanilang mga tagasunod, patuloy nilang aapihin at pagsasamantalahan ang mamamayan tulad ng ginagawa ng mga tagapagmana sa pulitika ni Marcos sa Pilipinas. Ang kanilang mga anak at ilan sa pinakamalalaking kroni ni Suharto ay mistulang naisaisantabi ngayon kasama niya. Subalit pagkalipas lamang ng maikling panahon, muli nilang ipagmamarangya ang kanilang kapangyarihan at kayamanan.

Mas matagal sa kapangyarihan si Suharto at mas malaki ang kinamal nitong kayamanan kung ihahambing kay Marcos. Wala siyang nakitang pangangailangang lumisan sa Indonesia tulad ng ginawa ni Marcos noong 1986. Mukhang nananatili ang kanyang impluwensya sa militar tulad ni Pinochet sa Chile. Siya at ang kanyang mga kinatawan ay nakapangyayari pa rin sa mga pansamantalang aregluhang binuo sa pagitan ng iba�t ibang seksyon ng mga reaksyunaryong uri.

Determinado ang mga sagadsaring pasista sa reaksyunaryong sandatahang lakas ng Indonesia na panatilihin ang kanilang kapangyarihang pampulitika sa ilalim ng bandilang-piratang �dobleng tungkulin�. Ipinatutupad nila ang taktikang manghati-at-maghari sa pamamagitan ng pag-upat ng mga armadong labanang etniko at relihiyoso sa maraming rehiyon at nagmamaniobra sila upang sagkaan ang mamamayan ng East Timor na kamtin ang kanilang pambansang kalayaan. Kailangang ibaling ng mga rebolusyonaryong pwersa ang gayong kaguluhan laban sa mga pasistang lumilikha nito.

Ang Maoistang landas ng digmang bayan Tulad ng napatunayan na sa Pilipinas, ang isang Marxista-Leninista-Maoistang partido ay maaaring maglunsad ng matagalang digmang bayan sa isang bansang pulu-pulo at nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyalismong US. Bigo ang imperyalismong US at ang mga lokal na reaksyunaryo na supilin ang digmang bayan. Mas paborable pa nga ang mga kalagayang pisikal, pangkasaysayan at panlipunan sa Indonesia para sa digmang bayan kung ikukumpara sa Pilipinas.

Alinsunod sa kanilang pagpuna-sa-sarili pagkatapos ng mga masaker noong 1965, mismong ang mga kasamang Indones ay malaon nang nakababatid na kailangang tahakin ng mamamayang Indones ang landas ng digmang bayan at dapat nilang gamitin ang tatlong pinakamakapangyarihang sandata, ang Marxista-Leninistang partido, ang hukbong bayan at ang nagkakaisang prente, upang maisulong ang rebolusyong Indones hanggang sa katapusan. Di hamak na mas balido ang kongklusyong ito sa kasalukuyan.

Hindi matagumpay na maipatupad ang mga aral na nahalaw dahil sa mga sirkunstansya at kadahilanang pinakamahusay na malalagom at masusuri ng PKI sa ibayong proseso ng pagwawasto sa mga kamalian at muling pagbubuo ng partido. Sa gayon, maaaring samantalahin ng PKI ang mga bagong kundisyong paborable tulad ng malalang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema at ang puspusang kawalan ng kredibilidad ng naghaharing pasistang diktadura sampu ng antikomunistang batayan ng pag-iral nito.

Ito ay panahon para iwasto ang mga kamalian, muling buuin ang Partido Komunista ng Indonesia at muling pasiglahin at palakasin ito. Ang dumadaluyong na kilusang masa ay sapat na pagkukunan ng bagong mga rekrut para sa adhikaing rebolusyonaryo at sa pagpapaunlad ng bagong mga proletaryong rebolusyonaryong mandirigma. Ang mga bagong rekrut sa Partido ay maaaring sumama at magsanib ng lakas sa mga mas nakatatandang kasama na may mayamang karanasan at nananatiling tapat bilang mga rebolusyonaryong komunista.

Ang PKI ay mayroong maluwalhating kasaysayan ng pamumuno sa mamamayang Indones sa kanilang armadong paglaban upang kamtin ang pambansang paglaya at demokrasya laban sa mga imperyalista at lokal na reaksyunaryong papet. Ang tanging paraan upang makabangon ang PKI mula sa kabiguan at makapagkamit ng tagumpay ay ang paglulunsad ng matagalang digmang bayan.

Ang digmang bayan sa Pilipinas ay inilunsad noong 1969 upang paglingkuran ang sambayanang Pilipino at magbigay-suporta sa mamamayang Indones at iba pang mamamayan ng daigdig. Tiyak na lalakas ito kapag naglunsad ng digmang bayan ang PKI. Kaugnay nito, ang mga mamamayang Pilipino at Indones ay maaaring magbigay ng tumbasang suporta at mag-ambag ng makabuluhang kontribusyon tungo sa muling pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa pandaigdigang saklaw.

 


 Back to top 

17 Agosto 1999
Edisyong Pilipino


Hinggil sa rebolusyonaryong pakikibaka ng Indonesia
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.